Ibinahagi ng isang beterinaryo sa Facebook ang ang isang insidente kung saan ang nireseta niyang gamot sa aso ay gagamitin palang gamot sa bata ng isang magulang. Bakit kaya ito nagawa ng magulang, at ano ang posibleng epekto ng maling gamot sa bata?
Gamot sa aso, hindi puwedeng gawing gamot sa bata
Ayon sa post ng beterinaryong si Aprille Memory Cacananta Libunao sa Facebook, nagpunta raw sa kaniya ang isang kliyente upang patingnan ang kaniyang aso.
Sabi nito nagsusuka raw ang kaniyang alaga. Inalam ni Aprille kung may nakain daw ba ang aso, pero sabi ng may-ari na wala naman daw. Sinabi pa niya na bibigyan daw ng lab test, pero tumanggi ang may-ari. Dagdag pa niya na mukhang maayos naman daw ang kalagayan ng aso.
Masyadong mahal daw magpatingin sa pediatrician, sabi ng magulang
Sa kabila nito, nagbigay ng reseta si Aprille ng gamot para sa pagsusuka. Tinanong ng kaniyang kliyente kung puwede rin daw ba ito para sa bata. Sabi naman ni Aprille na oo daw, at ginagamit din ang gamot na yun para sa tao.
Nabigla ang beterinaryo nang sinabi sa kaniya ng kliyente na nagsusuka daw at nahihilo ang anak niya at plano niyang ipainom ang gamot na nireseta ni Aprille. Dali-dali niyang binawi ang gamot at pinagsabihan ang magulang na dalhin daw sa pediatrician ang bata, at hayop daw ang ginagamot niya, hindi tao.
Sabi daw ng magulang ay masyadong mahal magpunta sa pediatrician, kaya’t minabuti na lang niyang pumunta sa beterinaryo. Mas mura daw sa aso, dagdag pa nito.
Dahil sa nangyari, nainis si Aprille at sinabing hinding-hindi dapat gamitin ang gamot ng aso para sa mga tao. Dagdag pa niya na pangalan daw niya ang nasa reseta, kaya kung may masamang mangyari sa bata, siya rin ang madadamay.
Heto ang kaniyang Facebook post:
Hindi dapat pinagpapalit ang mga gamot
Bagama’t may mga pagkakataon na iisa lang ang gamot sa sakit ng aso at ng tao, hindi ito ang palaging nangyayari.
Bukod sa ibang-iba ang pangangatawan ng mga aso sa tao, iba rin ang dosage na kinakailangan nila sa gamot.
Hindi rin maganda na basta-basta na lamang humingi ng gamot, at painumin sa bata, dahil posibleng lalo pa itong makasama. Kailangang tandaan ng mga magulang na may wastong gamot para sa sakit ng bata, at hindi dapat basta basta nagpapalit-palit ng gamot.
Magastos talaga magkasakit, lalo na pagdating sa mga bata. Gayunpaman, mahalaga pa rin na isaalang-alang natin ang kalusugan ng ating mga anak. Kung mayroon man tayong malaking pagkakagastusan, ito ay ang kalusugan.
Hangga’t-maari, hindi natin dapat tinitipid ang paggastos sa gamot, dahil kapag hindi nagamot ng wasto ang sakit ng bata, posible itong magdulot ng komplikasyon, at baka maging mapanganib ang sakit.
Sana ay magsilbing paalala ang kwento na ito para sa mga magulang na huwag basta-basta magbigay ng kung anu-anong gamot sa kanilang mga anak.
Basahin: Baby’s foot bloated and discoloured due to possible hospital negligence
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!