Anuman ang edad ng tao, ang lahat ay maaaring nakaranas o posibleng makaranas na ng pagtatae nang may iba’t ibang klase ng sumpong. Maaaring mahina o malakas, maya’t maya o matagal ang pagitan, at marami o kakaunti lamang ang inilalabas na dumi ng katawan. Ngunit paano kung bata ang sumpungin nito? Alam na ba ninyo ang mga dapat gawin? Ano-ano ba ang gamot sa pagtatae ng bata? Bukod dito, ano-ano ang mahahalagang bagay na dapat isaalang-alang kung nakararanas ng pagtatae ang ating mga anak?
Chinese na babaeng nagnais mapagaling ang pamangkin, pinagmulta
Isang babaeng Chinese ang hinuli ng mga lokal na pulis sa kaniyang hotel sa salang paghulog ng barya sa labas ng eroplano nang nakalipas na isang araw.
Paliwanag ni Wang (kinilalang apelyido ng babae), nagtatae ang kaniyang pamangkin at sang-ayon sa kanilang pamahiin, makagagaling ang pagtatapon o paghuhulog ng barya sa lugar na kinatitirikan nila. Nang mga oras na iyon ay palabas naman siya at ang mg kaanak sa eroplano.
Bagama’t walang nakakita sa kaniyang ginawa, tatlong coin ang natagpuan ng ilang staff ng airport makalipas lamang ang ilang sandaling makalabas na ang lahat ng pasahero. Dito na pinanood ng mga awtoridad ang footage ng mga CCTV sa paligid ng eroplano at airport, na naging daan upang matukoy si Wang at ang mismong akto ng pagtatapon niya ng barya.
Nang sumunod na umaga, tinunton si Wang sa hotel na tinuluyan at hinuli. Pinatawan siya ng multang nagkakahalaga ng 200 yuan (38.80 dollars) o halos 1,500 piso rito sa atin.
Ayon sa mga pulis, pinagmulta na lamang ang 23-anyos na babae dahil wala namang anumang idinulot na problema sa operasyon ng eroplano ang insidente. Ngunit inuulit ng pamunuang hindi nila pinapayagan ang ganitong mga gawain sa eroplano—loob man, labas, at sa paligid nito.
Mga gamot sa pagtatae ng bata at ilan pang dapat gawin
Iba’t iba ang posibleng sanhi ng pagtatae ng tao, lalo na ng mga bata. Kung tutuusin, kung hindi naman grabe ang pagtataeng nararanasan, hindi dapat maalarma bagkus, ikatuwa pa ng maykatawan. Sapagkat sa likas na paraan, nagagampanan ng katawan ang tungkulin nitong depensahan ang sarili laban sa masasamang mikrobyong nakapasok sa sistema nito nang hindi naman dapat.
Kapag nagtatae ang bata, pangunahing iniiwasan ang maubusan sila ng tubig sa loob ng katawan, o iyong tinatawag na dehydration. Kaya mahalagang inom sila nang inom ng tubig para manatiling hydrated.
Para naman mapalitan ang mga naubos na electrolytes sa katawan dulot ng pagtatae, makaiinam sa bata kung mapaiinom ng oral rehydration solution at mga probiotics tulad ng erceflora at yoghurt.
Bukod sa mga ito, maaaring subukin ang sumusunod:
- Pakainin ng saging, kanin, at mansanas ang bata. Makatutulong ito upang muling mapatigas ang duming ilalabas ng bata.
- Huwag paiinumin ng kape at soft drinks ang bata.
- Mainam din ang am, o iyong tubig sa sinaing, na lalagyan ng kaunting asin at ipaiinom sa bata.
- Painumin ng mainit na sabaw ang bata pana-panahon habang nakararanas ng pagtatae.
Bilang mga magulang, mahalagang alerto at kalmado sa ganitong sitwasyon upang hindi na dumagdag sa lalong stress ng batang nagtatae. Mahalaga rin ito para sa maayos na pagsusuri sa bata at kaniyang mga nararanasan.
Agad na magtungo sa doktor kung nakararanas na ang bata ng sumusunod:
- higit nang dalawang araw na pagtatae;
- mataas ang lagnat;
- may dugo at itim sa dumi;
- hindi nawawala at lalong tumitinding pananakit ng tiyak at bahagi ng puwet
Para sa mga sanggol, ipinapayo sa mga magulang na dalhin agad sila sa pinakamalapit na doktor dahil delikado sa kanila ang pagtatae. Mahina pa ang kanilang katawan, lalo na ang sikmura at ang bituka, at mabilis ang kanilang dehydration. Dagdag pa rito ang panganib na dulot ng mga bakteryang e.coli at salmonella na maaaring nakapasok sa katawan ng sanggol. Kaya dalhin ito agad sa doktor.
Mga dapat isaalaang-alang kapag nagtatae ang bata
Ang paglalapat ng anumang gamot sa batang dumaranas ng pagtatae ay mahalagang kaakibat ng pagtukoy sa mga posibleng dahilan o pinagmulan ng masasamang mikrobyong nakapasok sa sistema ng katawan ng bata.
-
Hindi wastong pagkain
Isa sa mga pangunahing sanhi ng mahinang resistensiya ng bata ang hindi pagkonsumo ng masusustansiyang pagkain at inumin. Kung mahina ang resistensiya ng bata at kakaunti ang “good bacteria” na nagsisilbing panlaban nito sa masasamang mikrobyo, madali talaga itong kakapitan ng anumang uri ng sakit.
Para naman sa mga sanggol na dumedede ng de-bote o iyong formula-fed, maaaring makaranas ng pagtatae kung hindi angkop ang dami ng gatas na ipinadedede sa sanggol.
-
Marumi o kontaminadong tubig
Tiyaking nalalaman ang lahat ng pinagmumulan ng tubig na ipinaiinom sa mga bata, kasama na ang ginagamit sa pagtitimpla ng kanilang gatas.
-
Impeksyong sanhi ng virus o intestinal flu
Nakukuha ang ganitong uri ng mga virus sa mga bakteryang humahalo sa pagkaing hilaw, na maaaring hindi nalinis at naluto nang maayos. Maaari rin namang dumapo ang mga virus sa pagkaing nakahanda na para kainin.
-
Pagkakaroon ng bulate sa tiyan
Karaniwan itong kaso ng mga bata dahil likas sa kanila ang pagdampot ng kung ano-anong uri ng bagay nang walang pag-iinda kung malinis ba iyon o marumi. Kaakibat ito ng hindi nakaugaliang paghuhugas ng kamay sa pagitan ng bawat aktibidad na ginagawa ng bata.
-
Pagkalason ng katawan
Karaniwang sanhi ito ng pagkaing sira o panis, na maaaring pinagtiyagaan lamang na ipakain sa bata dahil sa panghihinayang o pagtitipid. Maaari rin itong mangyari kung aksidenteng makakakain ang bata ng paputok, iba’t ibang klase ng sabon, at iba pang uring may mga delikadong kemikal.
Alinsunod sa mga ito, upang makaiwas na makaranas ng pagtatae ang ating mga anak, tiyaking naisasaalang-alang at nasusunod ang sumusunod na payo.
- Ugaliing napaghuhugas ng mga kamay ang anak sa pagitan ng kanilang mga aktibidad, lalong-lalo na kung sila ay kakain at iinom.
- Tiyaking bago, sariwa, at hindi panis ang mga pagkaing ihinahain sa mga bata. Gayundin ang tubig na ipinaiinom sa kanila.
- Siguruhing nakaiinom ang bata ng sampu o higit pang baso ng tubig sa loob ng bawat araw.
- Hangga’t maaari, umiwas sa mga pagkaing mamantika, maanghang, at may gatas dahil sa kapasidad ng ganitong mga pagkaing makasira ng sikmurang nauuwi sa pagtatae.
- Maging maingat sa paraan ng pagkain o pagpapakain sa bata. Huwag silang mamadaliin. Hayaan silang nguyain nang mabuti ang pagkain upang makasigurong matutunaw ito sa kanilang bituka sa normal na proseso.
Also read: Pagtatae ng bata: Mga dapat gawin ng magulang
Sources: AsiaOne, Seasite, Mayo Clinic