Parents, narito na ang mga kailangan niyong malaman tungkol sa sanhi, sintomas at mabisang gamot sa pagtatae ng bata.
Lubhang napakahirap para sa mga magulang na nakikitang nahihirapan ang kanilang anak. Kapag may sakit sila, ayaw na ayaw natin silang nakikitang matamlay. At isa sa mga sakit na talaga naman nakakapanghina sa mga bata kapag hindi naagapan ay ang diarrhea o pagtatae.
Image from Freepik
Ang diarrhea ay ang paraan ng katawan para harapin ang ilang pagkaantala sa gastrointestinal system. Tipikal na nararanasan ito ng kahit sino, bata man o matanda, ng hanggang dalawang beses sa isang taon.
Ayon kay Dr. Maria Belen Vitug-Sales, isang pediatrician na eksperto sa gastroenterology mula sa Makati Medical Center, ang diarrhea ay inilalarawan ng madalas at matubig na dumi ng bata na tumatagal nang mahigit 3 araw.
“Ang diarrhea is defined na dapat more than 3 in a day, kumbaga naka-more than 3 na poops in a day siya na malambot that’s already diarrhea.
Saka iyong sinasabi nga na explosive poop kasi nga ang danger naman noon baka mas marami iyong inilalabas nila kaysa sa ipinapasok nila.” aniya.
Virus o viral infection ang karaniwang sanhi ng pagtatae ng bata, subalit pwede rin naman itong dulot ng pag-inom ng ilang klase ng gamot, food poisoning o allergies.
Mayroon ding mga nagtatae dahil nakainom sila ng maruming tubig, o kaya naman isa itong side effect ng pagtatapos ng constipation.
Karaniwang sintomas ng pagtatae sa bata
Ang pangunahing senyales ng diarrhea sa mga bata ay ang madalas at matubig na pagtatae. Pero maaari rin itong samahan ng iba pang sintomas tulad ng:
- Pananakit ng tiyan
- Parang malaki ang tiyan
- Pagsusuka
- Madalas na pagpunta sa banyo
- Lagnat
- Kawalan ng gana kumain
- Basa o tubig ang kaniyang dumi
- Maitim ang ihi
- Hindi masyadong umiihi
- Iritable ang anak
- Iyak ng iyak
Kailan dapat maalarma?
Image from Freepik
Ayon kay Dr. Sales, maaari namang gamutin ang pagtatae ng bata sa loob ng bahay. Subalit dapat siguruhin na hindi sila made-dehydrate. Dahil kapag nangyari ito, maaaring magkaroon ng seizures o kombulsyon ang bata.
“Ang importante lang talaga ma-hydrate. Ngayon kung sabihin mo hindi talaga kaya then you rush to the hospital,” paalala niya.
Narito ang ilang senyales ng dehydration sa bata na dapat mong bantayan:
- pagkahilo at pananamlay
- tuyong mga labi
- madilim na kulay ng ihi, o kaunting ihi kaysa sa karaniwan
- walang luha kapag umiiyak
- malamig ang balat
Dagdag din ni Dr. Sales, delikado rin kung sasamahan pa ng lagnat ang pagtatae ng bata.
“Ang danger lang kapag nilagnat ka tataas iyong temperature mo mas maraming tubig ang nawawala sayo, so you might have more dehydration. Kasi nagtae ka na, nilagnat ka pa there is an urgent need na kailangan talagang mag-hydrate.
Inom ng marami kung hindi kaya then you need to go to the hospital kasi baka kailangan nang i-suwero.” aniya.
Narito ang mga senyales na kailangan na ng agarang medikal na atensyon kapag nakakaranas ng pagtatae ng bata:
- Mahinang-mahina ang bata
- Tumagal ng mahigit 3 araw ang pagtatae
- Ang bata ay wala pang 6 na buwan
- Kapag kulay green o yellow ang kaniyang suka
- May rashes sa katawan
- Hindi umiinom ng tubig o isinusuka lang ito, o kaya sumuka ng mahigit 2 beses
- May lagnat na hindi nawawala
- Nagpapakita ng senyales ng dehydration
- May dugo sa kaniyang dumi
- Dumudumi ng mahigit 4 na beses sa loob ng 8 oras at hindi umiinom ng tubig
- May mahinang immune system
- Pananakit ng tiyan na tumatagal ng mahigit 2 oras
- Hindi nakaihi sa loog ng 6 oras kung sanggol at 12 oras kung bata
Kapag nararanasan na ng bata ang mga sintomas na ito ng pagtatae, kailangan ng dalhin sa doktor upang makakuha ng gamot sa pagtatae ng bata.
Ano ang epektibo at mabisang gamot sa sakit ng tiyan at pagtatae ng bata?
Isa sa pinakaepektibo at mabisang gamot sa sakit ng tiyan at pagtatae ng bata ay maiwasan siyang ma-dehydrate, at maiwasan ding ang malambot na pagdudumi. Ayon kay Dr. Sales, ang pinakamahalagang gawin kapag nagtatae ang bata ay siguruhin na hindi siya made-dehydrate.
Karaniwang ibinibigay ang oral rehydration solution (ORS), para mapigilan ang dehydration at mapalitan ang nawawalang electrolytes ng katawan. Binibigyan din ng probiotics ang mga bata, para magkaroon ng good bacteria sa kanilang digestive tract at umayos ang pagdaloy ng dumi.
“If the baby or child is able to take in oral rehydration salts kahit dahan-dahan lang. Kahit by teaspoons every couple of minutes huwag lang niyang isuka as long as tolerated natin okay lang tayo sa bahay.”
Kung hindi malala ang kondisyon, karaniwang may mga over-the-counter na mabisang gamot sa pagtatae ng bata, liquid man o tableta, tulad ng bismuth subsalicylate (Pepto-Bismol) o loperamide (Imodium).
Tandaan: kumonsulta muna sa pediatrician bago bigyan ng kahit na anong gamot sa pagtatae ng bata— lalo na kung pagtatae ng baby (below 1 year old) ang ginagamot.
Erceflora, gamot sa pagtatae ng bata na 2 years old
Ang erceflora ang tinitignan bilang isa sa mabisang gamot sa pagtatae ng bata na 2 year old. Ngunit, hindi basta-basta pinapainom dapat ng erceflora bilang gamot sa pagtatae ng bata na 2 year old ang inyong anak. Ikonsulta muna sa doktor dahil ang diarrhea o pagtatae ay maaaring sintomas ng ibang sakit.
Inirereseta ng doktor ang erceflora lalo na sa mga bata na 2 year old, kapag lumampas na sa 2 linggo ang kanyang pagtatae. Ang maling dosage ng erceflora ay nakasasama sa kalusugan ng bata. Sa ngayon, wala pa namang naitatalang overdosage ng nasabing gamot.
Maaari rin namng humanap ng alternatibong gamot sa pagtatae ng bata na prescribed din ng pediatrician.
Karaniwan din, ang gamot sa pagtatae ng bata na 2 year old ay syrup. Mabibili ang mga gamot na syrup sa pagtatae ng bata sa pinagkakatiwalaang drugstore ng mga pedia at doktor.
Gamot at home remedies sa pagtatae ng bata
Image from Freepik
Habang ginagamot ang pagtatae ng bata sa iyong bahay, narito ang mga bagay na dapat mong tandaan bilang gamot at home remedies sa pagtatae ng bata.
-
Damihan ang pag-inom ng tubig
Bata man o matanda, siguraduhing uminom ng sapat na tubig sa maghapon para maiwasang ma-dehydrate. Sinasabing hindi bababa sa 6 na 8-ounce na baso ng tubig o clear fluids ang kailangan kada araw ng mga nakakaranas ng pagtatae.
Sa unang 24 oras, puro liquid muna ang ipasok sa katawan. Puwede ring gumawa ng sariling inumin: ihalo lang ang isang kutsaritang asin sa isang quart ng apple juice.
Madalas na binibigyan ng mga doktor ng electrolyte solution ang mga bata. Makakatulong din ang sabaw ng manok, basta’t walang taba.
Iwasan muna ang pag-inom ng sugary drinks at gatas o dairy products, lalo na ang ice cream. Maaaring lumala ang mga sintomas kung iinom ng gatas, dahil minsan ay nagiging sanhi ng temporary lactose intolerance ang pagtatae.
Iwas din muna sa malalamig na inumin. Mas makakatulong ang nasa room temperature lamang na inumin dahil mas maaabsorb ito ng sistema.
-
Alamin ang mga pagkaing dapat at hindi-dapat kainin.
Subukan ang mga bland na pagkain tulad ng saging, kanin, tinapay (na walang palaman), at applesauce. Ito ang tinatawag sa Amerika na BRAT diet (banana, rice, applesauce, toast), na minsan ay dinadagdagan pa ng tea. Hindi naman kailangang ito lang ang kainin, pero ang mga pagkaing tulad nito ay makakatulong nang malaki.
Makakabuti rin ang plain oatmeal, mashed potatoes (walang halong gatas at butter) at plain crackers, pati ang pinakuluang manok o turkey (walang anumang timpla).
Iwasan muna ang mga pagkaing mayaman sa fiber tulad ng brown rice at bran, pati mga mamantika at matatamis na pagkain.
Nakakapagpalala rin ng pagtatae ang ilang prutas (berries) at hilaw at berdeng gulay, maaanghang na pagkain, beans, cauliflower, mais at cabbage, kaya huwag muna itong ihain sa iyong anak pansamantala.
-
Kumain ng mga pagkaing may probiotics.
Hindi lang masustansiya ang probiotic yogurt, kundi nakakatulong pa ito na matigil ang pagtatae.
Ayon sa mga pagsasaliksik, nakakatulong ang yogurt lalo kapag hindi malala ang pagtatae. Ang probiotics ay live microorganisms na nagbibigay ng “good” bacteria at nakakatulong sa intestinal tract.
Pinoprotektahan nito ang bituka laban sa mga impeksiyon. Idagdag ang yogurt sa daily diet ng iyong anak. Maliban sa yogurt, taglay rin ito ng ilang pagkain tulad ng ilang keso at dark chocolate.
-
Maligo, tapos magpahinga.
Makakatulong ang pagligo para gumaan ang pakiramdam ng iyong anak. Kung mayroon kayong bathtub, maaaring magbabad sa maligamgam na tubig para mawala ang pananakit at pagkairita ng iyong puwet.
-
Gamutin ang anumang rashes o skin irritation
Bata man o matanda, masarap na magbabad sa tubig para ma-relax at mawala ang pagkatuyo o anumang rash na mabubuo. Huwag kuskusin ng tuwalya ang puwet ni baby.
Dahan-dahang dampian ng tuyong tuwalya, at pahiran ng cream ang apektadong bahagi, at ipahinga panandalian mula sa disposable diaper, para hindi makulob at pagpawisan.
-
Kung hindi ito sintomas ng mas malalang kondisyon, hayaang mailabas ng katawan ang anumang toxin o bacteria
Minsan, kailangan lang talagang hintayin na gumaling at tumigil ang pagtatae. Madalas ay gumagaling ito ng kusa. Kapag nailabas na ng katawan ang lahat ng masamang toxins o bacteria, kusang babalik sa normal ang bowel movement.
-
Uminom ng over-the-counter medicines
Puwede rin itong gamutin ng mga over-the-counter medicine. Pero dapat tandaan na iba ang mabisang gamot sa pagtatae ng bata, gamot sa pagtatae ng baby, at gamot sa pagtatae ng matatanda. Sa mga bata at sanggol, pinapayong iwasan ang pagbibigay ng mga gamot, maliban na lang kung nireseta ito ng doktor.
Paano maiiwasan ang pagtatae?
- Palaging maghugas ng kamay gamit ang malinis na tubig at sabon.
- Importante rin ang maayos na personal hygiene
- Kung walang tubig at sabon, maaaring maghugas muna gamit ang alcohol
- Wag hahayaang magsubo ang iyong anak ng laruan o kung ano mang bagay na maaaring contaminated ng bacteria o virus
- Hugasan ang lahat ng prutas at gulay bago kainin
- Tiyakin na luto ang mga karneng kakainin
- Iwasan ang pagkain ng raw o uncooked eggs
- Panatilihing malinis ang kusina at hapagkainan
- Iwasan na painumin siya ng tap water
- Iwasan ang pagpapakain sa kaniya ng mga mamantikang pagkain
Mayroon mang mga home remedies or over-the-counter medicines para sa pagtatae, mas mainam pa rin ang pag-iwas dito sa pamamagitan ng pagsunod ng mga tips na nakasaad sa taas. Kagaya ng lagi nilang sinasabi, prevention is better than cure.
Sintomas ng impatso sa bata
Ang pagkakaroon ng sintomas ng impatso sa bata ay maaaring indikasyon ng anomang kumplikasyon, gaya ng gastroesophageal reflux disease (GERD), ulcers, o sakit sa gall bladder.
Minsan, ang sintomas ng impatso sa bata ay maiuugnay o tinatawag ding dyspepsia. Malalaman kung ito ay impatso o dyspepsia batay sa sintomas sa bata tulad ng walang tigil na pananakit at discomfort ng upper abdomen.
Sintomas ng impatso
Maliban sa paulit-ulit at walang tigil na pananakit ng tiyan, ang iba pa sa mga mararamdamang sintomas ng impatso o dyspepsia ay ang mga sumusunod:
- Burning sa iyong stomach o tiyan, maging sa upper abdomen
- pananakit ng abdomen
- bloating at paninigas ng tiyan
- belching at hangin sa tiyan (kaya padalas ang pagdighay o pag-utot
- nausea o pagkaliyo, at matinding pagsusuka
- acid taste (na iilan lamang sa mga sintomas ng impatso sa bata)
- Hindi maipalawanag na laki ng tiyan
Ang mga sintomas na ito ay mas madalas na makita sa may edad na at posible mas lumalawa pa depende sa streess. Dagdag pa, karaniwan ding nakakaranas ng heartburn ang mga taong may sintomas ng impatso (o burning sensation sa bandang dibdib). Ngunti, maaari ring ang pagkakaroon ng heartburn ay iba ng sintomas maliban sa pagkakaroon ng impatso.
Impatso sa bata: Mga sintomas
Kagaya rin sa matanda, ang impatso ay maaari ring mangyari sa bata at magkaroon ng mga sumusunod na sintomas:
- pananakit ng abdomen
- bloating
- belching
- regurgiration at pagsusuka
- kawalan ng ganang kumain
- pag-ayaw sa pagkain o ayaw kumain
Kapag naranasan na ng bata ang mga sintomas na ito ng impatso, pumunta agad sa doktor.
Karagdagang ulat mula kay Nathanielle Torre
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!