Pabalik-balik na lagnat: Sanhi, sintomas at gamot para dito

lead image

Alamin ang mga kailangang matutunan tungkol sa pabalik-balik na lagnat. Alamin ang mga sinasabi ni Dr. Art Jerome D. Luzande tungkol dito.

Ang lagnat ay ang pagtaas ng temperatura ng katawan sa 38.3° celsius mula sa normal na 37.5° celsius. Marami itong maaaring pagmulan ngunit ito ay isa lamang sintomas ng paglaban ng katawan sa isang sakit o impeksiyon. Maaari itong magdulot ng pagkalamig, panginginig, pagsakit ng ulo, pagkahina at pagkawala ng gana sa pagkain. Ngunit, paano kung may pabalik-balik na lagnat?

Ayon kay Dr. Art Jerome D. Luzande, MD, kailangan munang kilalanin ano ang pabalik-balik na lagnat. Ayon sa kanya, madalas na sinasabi na may pabalik-balik na lagnat ngunit 2 araw pa lamang ang nakalipas nang nagsimula ito.

Mayroon din mga nagsasabi na pabalik-balik ang kanilang lagnat kahit pa ang katotohanan ay matagal nang hindi bumababa ang temperatura. Para masabing pabalik-balik ito, ang temperatura dapat ay bumababa nang ilang oras at muling tumataas.

Sanhi ng pabalik-balik na lagnat

Maraming maaaring pagmulan ng lagnat. Ang mga kinikilalang nagdudulot ng lagnat ay:

  • Impeksiyon
  • Bakuna
  • Inflammation (tulad ng appendicitis at rheuma disorder)
  • Trangkaso
  • Sipon
  • Urinary Tract Infection
  • Pulmonya
  • Bulutong
  • Tigdas
  • Kanser

Ayon kay Dr. Luzande, sa kanyang karanasan, ang karaniwang nasusuring sanhi ay impeksiyon. Ang pagtaas ng temperatura ng katawan ay isang senyales na gumagana ang immune system ng isang tao at nagiging lagnat. Karaniwan, kapag ang katawan ay may nilalabanan na impeksiyon, maaaring magpabalik-balik ang lagnat.

sinat

Pagsusuri at pag-iwas

Ipinapayo ni Dr. Luzande na gumamit ng thermometer sa pagkuha ng temperatura ng katawan. Ayon sa kanya, "iba ang init na makukuha kapag dinaan lamang sa paghawak." Kapag dinaan lamang sa pagtantsa ang pagkuha ng temperatura, hindi ito magiging eksakto at maaaring magkamali ng pagsusuri.

Upang maiwasan na bumalik ang lagnat, makabubuting ituloy ang pagpapahinga kahit pa bumaba na ang temperatura. Maaaring hindi pa tapos ang katawan sa pagpuksa sa nagdudulot ng lagnat. Kung ang lakas ng tao na kakababa lamang ng temperatura ay ibubuhos sa ibang bagay, mahihirapan ang katawan na magpagaling.

Remedyo sa pabalik-balik na lagnat

Iminumungkahi ni Dr. Luzande na uminom ng Paracetamol kapag nasuri na talagang may lagnat. Siguraduhin din na tama ang dosage na ibibigay sa may sakit upang maiwasan ang kulang o sobrang gamot sa katawan.

Kasabay ng pag-inom ng gamot ay dapat dalasan ang pag-inom ng tubig. Hindi lamang ito nakakatulong na maiwasan ang dehydration kapag may lagnat. Nakakatulong din ito na mas mapadaling palabasin ng katawan ang virus o bacteria na nilalabanan ng immune system.

Ang pagpapahinga ay mahalaga upang ang lagnat ay hindi bumalik. Bigyan ang katawan ng sapat na panahon para magpahinga at magpagaling. Huwag itong puwersahin sa mga gawain upang makatutok ito sa paglaban sa impeksiyon na nagdudulot ng lagnat.

Kailan ko-konsulta sa duktor

Ipinapayo ni Dr. Luzande na kapag ang lagnat ay nagpabalik-balik na nang 3 araw, makakabuting magpasuri na. Kadalasan, sa puntong ito ay kakailanganin nang uminom ng antibiotics. Ginagamot nito ang impeksiyon, viral man o bacterial, upang hindi makapagdulot ng masmalalang prublema sa katawan.

Kapag naman nakapag-pasuri na at umiinom na ng antibiotics, masmakakabuting magpa-konsulta na sa ikatlong araw kung patuloy parin ang lagnat.

 

Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan, at napapanahon, ngunit, hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.

 

Source: Interview with Dr. Art Jerome D. Luzande, MD

Basahin: Pabalik-balik na sinat: Sanhi, sintomas at lunas

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!

app info
get app banner