Narito ang mga dahilan kung bakit napapaos si baby. At ang gamot sa paos na boses ng baby at bata na epektibo at maari mong gawin kahit nasa bahay lang.
Dahilan kung bakit napapaos ang boses ni baby
Tulad nating mga matatanda ay napapaos rin ang boses ng mga baby o maliliit na bata. Malamang iyong inaakala na ito ay dulot ng labis na pag-iyak ngunit ayon sa mga eksperto ay marami pang ibang dahilan kung bakit ito nangyayari. Ito ay ang sumusunod:
Upper respiratory tract infections
Maraming viral at bacterial infections ang maaring mauwi sa laryngitis o pamamaga ng voice box. Tulad nalang ng ubo at sipon na maaring mauwi sa pagkapaos ng boses.
Excessive crying o labis na pag-iyak
Ang mga baby na colicky o kabagin ay mas iyakin kumpara sa ibang baby. Dahil sa kakaiyak ay natutuyo ang kanilang lalamunan na maaring mauwi rin sa pagkapaos ng kanilang boses.
Vocal nodule
Ang mga baby ay mahilig gumawa ng kakaibang tunog. Kapag ito ay nasobrahan ay maaring ma-iritate ang kanilang vocal cords na nauuwi sa vocal nodules at pagkapaos ng boses nila. Madalas kung ang pagkapaos ay dulot ng iritasyon sa vocal nodule ay mas lumalala ito sa gabi.
Acid reflux
Ang pagkakaroon ng acid reflux ng isang sanggol ay maari ring maka-iritate ng kaniyang vocal cords. Ngunit hindi tulad ng vocal nodule, ang pagkapaos ng boses na dulot ng acid reflux ay mas lumalala sa umaga.
Spasmodic croup/ allergies
Ang allergy ay maaring magdulot ng excess secretion ng mucus sa airway ng isang sanggol. Tinatawag itong spasmodic croup na maaring magdulot ng impeksyon at pamamaga sa upper airway na maaring mauwi sa pagkapaos ng boses.
Vocal cord lesions
Ang isa pang maaring maging dahilan ng pagkapaos ay ang pagkakaroon ng vocal cord lesion. Tulad ng papillomas na dulot ng human papilloma virus.
Irritants
May mga irritants din na maaring magdulot ng irritation sa vocal cord ng mga baby. Tulad nalang ng usok mula sa mga sasakyan at sigarilyo.
Paano ito malulunasan?
Ang mga nabanggit na dahilan ng pagkapaos ay may kaniya-kaniyang paraan para malunasan. Kaya naman mabuting magpakonsulta sa doktor upang matukoy kung ano nga ba talaga ang dahilan ng pagkapaos ng boses ni baby. Ito ay upang maresetahan siya ng gamot o treatment na magpapadali ng kaniyang paggaling.
Ngunit habang nasa bahay ay may mga paraan rin na maaring gawin upang maibsan o malunasan ang pagkapaos na boses ni baby. Ang mga gamot sa paos na boses ng bata o baby nga na maaring gawin ay ang sumusunod:
Gamot sa paos na boses ng baby
- Iwasan munang paiyakin si baby. Gawin ito sa pamamagitan ng pagiging mapagmatyag sa kaniyang mga body gestures. Tulad ng mga senyales na siya ay gutom at kailangan ng padedein upang siya ay hindi na umiyak pa.
- Gumamit ng humidifier sa inyong kwarto o inhale steam para maiwasang manuyo pa ang lalamunan niya.
- Painumin siya ng maraming tubig o patuloy na pasusuin.
- Ilayo ang iyong anak sa usok na maaring magpakati ng kaniyang lalamunan at mas magpalala pa ng kaniyang pagkapaos.
Gamot sa paos na boses ng bata
- Kung matuturuan naman na ang iyong anak ay sabihan siyang huwag na munang magsalita. At sa halip ay sabihin ang kaniyang mga nais sa pamamagitan ng pagsenyas.
- Bigyan siya ng lozenges o candy upang manatiling lubricated o basa ang lalamunan niya.
- Kung nagpa-konsulta na sa doktor at niresetahan ng antibiotics ay mahalagang maipainom ito ng tama sa iyong anak. Hindi dapat itigil ang pagbibigay nito sa kaniya hanggang sa hindi umaayos ang pakiramdam ng iyong anak.
- Iwasang bigyan ng mga pagkain na maaring makapagpalala ng acid reflux ng iyong anak. Tulad ng kamatis, maanghang na pagkain at tsokolate. Tulad ng kae, tsaa at cola.
- Sa kaniyang paghiga ay itaas ang ulo ng iyong anak ng 8-10 sentimetro. Ito ay upang maiwasang mapunta sa kaniyang lalamunan ang acid sa kaniyang tiyan sa gabi.
- Kung kaya na ng iyong anak ay pagmumugin siya ng maligamgam na tubig na may asin.
Kailan dapat ng dalhin sa doktor ang iyong anak?
Kung ang pagkapaos ng iyong anak ay mas lumalala sa pagdaan ng araw at hindi nalulunasan ng mga nabanggit na paraan ay dalhin na siya agad sa doktor. Lalo na kung ang pamamaos ng kaniyang boses ay sinabasabayan pa ng sumusunod:
- Hirap siyang huminga o may wheezing sound na maririnig kapag siya ay humihinga.
- Nahihirapan siyang lumunok at hindi na makakain o makadede ng maayos.
- Mayroong lagnat lalo na kung ang iyong anak ay 3 months old palang pababa. Dapat din naman ng dalhin na sa doktor ang iyong anak kung siya ay 3 months old pataas, paos at may lagnat na umaabot sa 102F o 38.8C.
Source:
Medicine.Net, My Health, WebMD
Basahin:
Dehydrated ba si baby? Ito ang mga senyales