17 na gamot at home remedies para sa singaw ng baby

Alamin ang mga sintomas at paraan ng paggamot sa mga kondisyong ito

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Kakaibang kirot sa puso na makitang mayroong nararamdamang pananakit ang anak sa katawan. Mas malala pa kung ito ay nasa bibig dahil nahihirapan siyang makakakain. Narito ang ilang mga gamot para sa singaw at iba pang mouth problems ng baby.

Madalas talaga na kapag nakikita ng parents na masaya ang anak ay masaya na rin ito. May mga pagkakataon nga lang na mapapansin mong may lungkot o pag-iyak na sa kanila kahit anong gawin mo. Kung minsan, kahit hindi sila malungkot ay nangyayari ito dahil sa ilang mga sakit na iniinda nila sa katawan.

Kung mayroong singaw si baby at sa dila, tuturuan namin kayo ng ilang home remedy at herbal na gamot para dito.

Ano nga ba ang mouth sore o singaw?

Mahihirapang kumain si baby sa tuwing may singaw, kaya narito ang ilang paraan para gamutin ito. | Larawan kuha mula sa Pexels

Natatandaan mo ba iyong mga panahong hindi mo ma-enjoy ang spaghetti o masawsaw sa toyo ang iyong ulam dahil sa singaw?

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Ang mouth sore o singaw ay open sore o mga mapupula at maliliit na sugat sa loob ng bibig.  Karaniwang nagsisimula ito sa maliliit na sugat o gasgas pero maaring lumala habang tumatagal.

Kadalasang itong makikita ito sa mga gilagid (gums), ibaba o itaas ng mga labi, lalo sa lower lips, loob ng pisngi at dila. Ang mga sugat sa labas ng bibig ay hindi na matatawag na mouth sore.

Kung tayo ngang matatanda ay nakakaramdam ng sakit at pagka-irita kapag mayroon tayong singaw, paano pa kaya ang mga baby? Maaari itong makaapekto sa kanilang normal na pamumuhay gaya ng pagkain, pagtawa at maging sa pagsasalita.

Mga uri ng singaw at kanilang sanhi

Iba’t iba ang posibleng maging sanhi ng mouth sores o singaw ng baby. Maaari itong maging dahil sa kanilang poor oral health o kaya naman dulot ng isang infection.

Bago iyon, mahalaga munang matukoy kung ano ba talaga ang uri ng singaw ang iniinda ng iyong anak at malaman ang sanhi nito para maibigay ang tamang lunas.

1. Canker Sores

Ang pinakakaraniwang mouth ulcer ay tinatawag na canker sore. Ito ay lumalabas sa mga batang limang taong gulang pataas. Ito ay maliliit na puting singaw sa bibig ng baby, na hindi lalagpas sa tatlo o apat.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Minsan ay nagkakaroon ang bata nito ng hanggang apat na beses sa isang taon. Ito ay ang mga singaw na nasa loob lamang ng bibig.

Maaring magdulot ng sakit sa bata ang mga singaw na ito ay makaapekto sa kaniyang pagkain at pagtulog. Subalit hindi naman ito nakakahawa. Ang mga batang may canker sore ay maaari pang papasukin sa eskuwelahan, lalo’t wala itong kasamang lagnat.

Kung ang magulang ay nagkakaroon ng canker sores, mas mataas ang posibilidad na magkaroon din nito ang kaniyang anak dahil ang uri ng singaw na ito ay genetic o namamana.

Ayon sa Mayo Clinic,  maaring tumagal ang singaw na ito ng 7 hanggang 14 araw.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Narito ang ilang posibleng sanhi ng canker sores sa mga bata:

  • Mouth Injury – Karaniwang mouth injury ay ang pagkagat sa labi at loob ng pisngi. Minsan ay nakakaskas din ng toothbrush ang gilagid o loob ng pisngi kapag nagsisipilyo.
  • Mouth Burns o paso Kapag kumakagat o nagsusubo ng napakainit na pagkain tulad ng sabaw, pizza, at iba pa.
  • Allergy sa pagkain – Pagkain ng mga pagkaing hindi pwede sa kanyang katawan.
  • Vitamin deficiency – kadalasan ay dahil ito sa kakulangan sa mga nutrients na folic acid, iron o vitamin B12.

Ang magandang balita ay maraming home remedy na puwedeng subukan para maging gamot sa ganitong singaw ng baby. Narito naman ang ilang maaaring gawin para dito:

  • Pumili ng mouth wash na banayad at hindi masyadong matapang para gamitin ng bata.
  • Subukan ang paglalagay ng yelo o ang cold compress sa kanyang sugat.
  • Gumamit lamang ng toothbrush na may soft bristles para hindi magasgas ang kanilang bibig.

2. Cold Sores

Mayroon ding mga singaw na dala ng virus at talaga namang nakakahawa. Ito ang mga singaw na posibleng sanhi ng herpes virus (HSV-1).

Ang pangunahing sintomas nito ay ang singaw na may kasamang pagtaas ng temperatura o lagnat. Dito mo na mapapansing matamlay at iritable ang bata.

Posibleng may makikitang maliliit na singaw o sugat na may tubig sa loob, at nasa dila at gilagid, ngalangala at loob ng pisngi. Sa mas malalalang kaso, mayroong pang pagdurugo sa namamagang gilagid.

Dahil sa matinding pananakit, maaring makaranas ang bata ng hirap sa pagkain kaya mawawalan siya ng gana.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Tumatagal ito ng pito hanggang sampung araw at may kaakibat na lagnat, kaya’t hindi pwedeng papasukin sa eskwelahan ang bata, o hindi dapat ilabas ng bahay.

Nakakahawa ang uri ng mouth sore na ito kaya mas mabuting huwag muna siyang palapitin sa ibang bata. Maaari naman siyang pagsuotin ng face mask para hindi maipasa ang virus sa iba.

Ang pangunahing lunas sa ganitong klaseng singaw ay bigyan ang baby ng gamot para sa kaniyang lagnat at para maibsan ang pamamaga. Mainam na tanungin ang doktor ng iyong anak kung anong pain-reliever ang maari niyang ireseta.

Siguruhin rin na hindi made-dehydrate ang bata. Huwag siyang pilitin kumain pero siguruhing umiinom siya ng maraming fluids. Labis na mahihirapan ang bata sa pagkain kung mayroon siya nito kaya subukan siyang bigyan ng malalambot na pagkain at maligamgam na sabaw.

3. Hand, Foot, and Mouth Disease (HFMD)

Ang pinakakaraniwang sanhi ng multiple ulcers sa bibig, lalo sa dila at gilid ng bibig. May mga sugat din sa palad at talampakan, kaya’t ito ang tawag. Mayroon rin itong kasamang lagnat at pananamlay.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Ang viral infection na ito ay sanhi ng Coxsackie virus, na karaniwang napapansin sa mga bata 1 hanggang 5 taong gulang. Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention, maaari rin itong mapasa o makuha sa pamamagitan ng bodily fluids, dumi at direct contact sa isang taong nagtataglay ng virus.

Ang Hand, Foot and Mouth disease ay isang viral infection na karaniwang tumatagal at kusang nawawala sa loob ng isang linggo. Subalit ito ay nakakahawa at mabilis na naipapasa sa mga bata. Kung ganito rin ang kundisyon ng singaw ni baby, mainam na ilayo muna siya sa ibang maaari pang mahawa tulad na lamang ng kanyang mga kapatid.

Dahil sa sakit na nararanasan ng bata sa kaniyang bibig, maaari itong maging dahilan para mahirapan siyang lumunok at mawalan ng gana sa pagkain. Ayon sa Mayo Clinic, ang pangunahing magiging komplikasyon ng HFMD ay dehydration.

Subalit may mga bihirang kaso na nagdudulot ito ng malulubhang sakit sa utak gaya ng meningitis at encephalitis. Para sa gamot sa ganitong singaw ng baby, mas mabuting kumonsulta sa pediatrician ng iyong anak kapag nagpapakita siya ng sintomas ng HFMD.

Iba pang gamot para sa singaw ng baby

Nakalulungkot nga naman na tiising umiinda sa sakit ang bata. Para maka-save ka na ng time and effort sa paghahanap, narito ang ilaw home remedy maging ang iba pang dapat gawin para sa singaw ng baby:

  • Painumin ang bata ng maraming tubig o kaya naman gatas kung siya ay isang taon pataaas.
  • Kung siya ay nakakakain na, bigyan siya ng cold foods na gaya ng popsicle o sorbetes (siguraduhin lamang na hindi sosobra).
  • Huwag na muna siyang painumin pa ng fruit juices gaya ng orange juice dahil sa taglay na acid nitong maaaring makapagpalala ng sakit.
  • Mainam din na pakainin ng yogurt ang mga toddler na mayroong singaw.
  • Pakainin lamang siya ng soft foods o iyong mga pagkaing madaling kanin para hindi lumala o masagi pa ang singaw.
  • Kung hindi talaga kaya, huwag nang pilitin pang kumain dahil natural lang naman na mawalan ng gana ang bata.
  • Iwasang bigyan siya ng maaasim, maaalat, at lalo ang mga maaanghang na pagkain.
  • Subukan ang anesthetic mouth gel na ipahid sa singaw ng baby sa dila o bibig para maibsan ang sakit.
  • Kung nireseta ng doktor, puwede ring magtake ng liquic antacid (na halos katulad ng mouthwash) para sa bibig ng batang may edad isa pataas.
  • Minsan din ang binibigyan ang bata sa ng acetaminophen para sa sakit.
  • Maaari ring subukang punasan ng maligamgam na tubig na may asin ang bibig ni baby, o kung kaya nang magmumog, ay pamumugin ang bata.
  • Huwag na huwag bibigyan ng anumang produkto ng aspirin ang iyong anak.

Herbal na gamot para sa singaw ng baby

Kung ikaw naman ay going for natural or herbal na gamot para sa singaw ng baby, mayroon din kaming nasa listahan:

  • Magandang gawin din ang pagdampi ng tea bag na binabad sa malamig na tubig sa mga singaw.
  • Mainam din ang pag-aapply ng kaunting honey sa bibig at makikita mo ang pagbuti ng lagay ng mga singaw.
  • Ang gel mula sa dahon ng aloe vera ay effective way para sa mas mabilis na paggaling ng singaw sa baby sa bibig.
  • Mayroon namang anti-inflammatory at anti-microbial na kakayahana ng curry leaves kaya maganda rin gamitin.
  • Posible rin na makatulong ang Tulsi o Basil leaves, panguyain ito sa kanya upang makuha niya ang juice ng dahon.

Gumagaling naman kaagad ang mga mouth sores sa mga bata. Maaari nga lang itong tumagal dahil posibleng umabot ang singaw ng baby hanggang dalawang linggo.  Ang mga paggamot ay para lang maibsan ang sakit, ngunit hindi mapapaikli ang tagal ng pagkakaroon nito.

Kung sakaling lumagpas na sa dalawang linggo, magpatingin ulit sa doktor.

Dapat unang tandaan kapag sa singaw ng baby: huwag hayaang madehydrate siya. | Larawan kuha mula sa Dreamstime

Paano iiwasang makahawa ang singaw ng baby?

Gay ng nabanggit ang mouth sores o singaw na sanhi ng virus ay lubhang nakakahawa. Kahit na patak patak lang ng laway na galing sa paghatsing at pag-ubo. Pati na rin ang paggamit ng mga kubyertos at baso na ginamit ng may sakit. Kasama na rin ang paghalik, kahit sa pisngi lamang.

Bukod sa gamot sa singaw na baby, mahalaga ring malaman kung paano ito maiwasang kumalat sa iba.

Para makaiwas sa pagkalat o pagkahawa, palaging maghugas ng kamay sa tuwing hahawakan ang anak o baby na may singaw. Hugasan at i-sterilize ang mga bote, pacifier, tsupon, kubyertos, pinggan, baso, panyo o bimpo na ginamit ng batang may singaw.

Huwag hayaan gamitin ng ibang bata ang bottle or pacifier ng iyong anak. Huwag ding ipagamit ang mga ito sa ibang anak o kaanak. Banlawan at sabunin ring mabuti ang mga laruan na isinusubo ng batang may sakit.

Para sa mga sanggol, iwasan munang magpakain o magpadede gamit ang bote. Painumin gamit ang sippy cup o kutsarita. Nakakapagpalala kasi minsan ang tsupon (nipple) sa kanilang singaw dahilan para hindi umepekto ang gamot sa singaw ng babt.

Samantala, kung ikaw naman ang nakakaranas ng singaw, mabutihing iwasan munang halikan ang iyong anak para makasigurong hindi siya mahahawa. Paalalahanan din ang ibang tao o kapamilya na huwag halikan o yapusin ang baby lalo kung sila ay mayroong singaw.

Kailan nga ba dapat nang ipakonsulta ang singaw ng baby? | Larawan kuha mula sa Pexels

Kailan dapat tumawag ng doktor?

Palaging kailangang unahin ay ang mga opinyon ng eksperto. Maaaring magbigay ng paunang gamot para sa singaw ng baby ngunit dapat na kumokonsulta pa rin.

Kapag may suspetsa nang mouth sore, lalo na kung may kasama itong lagnat at iba pang sintomas ng infection, kumonsulta na agad sa iyong doktor o pediatrician upang mabigyan ng lunas. Huwag na huwag magpapainom ng gamot nang walang payo ng doktor.

Kapag tumaas ang lagnat ng 101 degrees F, at tumagal ng pitong araw na, tumatanggi nang uminom ng kahit anong fluid ang bata, hindi tumitigil sa pag-iyak, at kinakikitaan na ng senyales ng dehydration (tuyong labi, walang luha, kaunti ang ihi at hindi na madalas, nanghihina), dalhin kaagad ang bata sa doktor.

Tingnan din ang mga sumusunod na senyales:

  • May nakain o nainom na kemikal ang bata, na naging sanhi ng mouth sore o singaw.
  • Higit sa lima ang sugat o singaw.
  • May dugo sa bibig galing sa tuyung labi.
  • Mapula at magang gilagid.
  • May singaw sa gitna ng mga sumasakit na ngipin.
  • Lagnat at pamamaga ng mukha.
  • Malaking lymph node sa panga.

Gaya ng anumang sakit sa bibig, nakakatulong rin ang pagkakaroon ng magandang oral hygiene para maiwasan ng bata ang ganitong mga sakit.

Tips para sa good oral hygiene

Habang bata pa, turuan na siya kung paano ang tamang paraan sa pagpapanatli nito. Mainam na maging practice ito hanggang sa kanyang pagtanda. Ilan sa maaari mong gawin ay:

  • I-encourage silang mag-sipilyo sa oras na kumakain na sila ng solid food.
  • Gumamit ng akma na toothpaste para sa bata.
  • Turuan siya parating uminom ng maraming tubig.
  • Ipagamit ang tooth brush na mayroong soft bristles para hindi masugat ang bibig ng bata.
  • Ugaliin din ang pagmumog o pagmomouth wash para mawala ang ilang food residue sa bibig.
  • Kung mayroong bulok nang ngipin, sabihan siya na ipaalam kaagad sa iyo.
  • Parating bumisita sa iyong dentista lalo kung tinutubuan na ng ngipin si baby.

 

Karagdagang ulat mula kay Angerica Villanueva

Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.