Maraming mga bata na naman ang napapabalita na nagkakaroon ng HFMD ngayon. Kaya naman para sa parents, mahalagang alam niyo kung ano ang sintomas, gamot, at home remedies ng HFMD. Tatalakayin nating lahat ng iyan sa artikulong ito.
title="Sintomas ng Hand, Foot and Mouth Disease (HFMD)
">Sintomas ng Hand, Foot and Mouth Disease (HFMD)
Sanhi ng Hand, Foot, and Mouth Disease
Nagbabadyang komplikasyon ng Hand, Foot and Mouth Disease
Anong gamot sa Hand, Foot, and Mouth Disease (HFMD)?
Mga dapat iwasan para hindi makahawa
Prevention at proteksiyon para masupil ang virus
11 tips para maging stronger ang immune system ni baby
Ano ang Hand, Foot, & Hand Disease (HFMD)?
Maraming sakit ang nakahahawa, lalo na sa bata na mayroong mas mahihinang immune system. Isa na sa pinakapopular diyan ay ang tinatawag na Hand, Foot, and Mouth Disease o HFMD. Ayon sa Healthline, ang HFMD daw ay isang highliy contagious na infection. Nakukuha ito mula sa virus na kung tawagin ay Enterovirus genus, o mas common sa coxsackievirus
Naaapektuhan nito ang halos lahat ng tao bata man o matanda ngunit mas madalas na umepekto sa edad limang taong gulang pababa. Karaniwang makikita ang blisters o pamamaga sa bibig o kaya naman rashes sa kamay at paa ng tao. Paalala sa mga magulang, kailangan nang doble ingat dahil madalas itong nakukuha sa mga eskwelahan, summer camps, childcare centers, at iba pang lugar na maaaring magkasama-sama ang mga bata.
Paano ba malalaman kung Hand, Foot, & Hand Disease ang nakaapekto sa iyong anak?
Kadalasan naman daw, ang HFMD ay walang dulot na panganib ngunit mahalagang tandaan na may mga strain ng virus na maaari itong maging malala. Isa na riyan sa uri ng virus na maaaring simulan ng kumplikasyon ay ang EV71. Ayon sa MayoClinic, naaapektuhan nito ang puso at nervous system ng tao. Dito nagsisimulang maging dahilan ng pagkamatay kung mapababayaan.
Maaaring mauwi sa kumplikasyon ang HFMD kung hindi maagapan kaaagd ayon sa experts. | Larawan mula sa IStock
Pinaalala rin ng experts na ang HFMD ay kaiba sa kilala ring Food and Mouth Disease na nakaaapekto naman sa mga farm animals. Hindi naman daw nakahahawa ang FMD ng hayop sa mga tao, at hindi rin nakakahawa ang HFMD ng tao sa hayop.
Sintomas ng Hand, Foot and Mouth Disease (HFMD)
Pangunahing sintomas nito ay ang mga sugat sa bibig, kamay at paa (kaya nga ito ang tawag sa sakit), paliwanag ni Apple Tagat, RN, school nurse sa isang nursery sa Dubai, UAE.
Nagsisimulang mag-develop ang sintomas nito sa unang tatlong hanggang anim na araw matapos mainfect ng virus. Ito ang panahong tinatawag na incubation period, sa ganitong phase maaaring maranasan ng bata ang mga sumusunod:
- Pagkakaroon ng temperaturang lagpas sa 37 degree celcius o lagnat
- Pangangati ng lalamunan o sore throat
- Sugat sa lalamunan, bibig at dila
- Pananakit ng ulo o headache
- Paglitaw ng rashes sa palad ng kamay, talampakan at diaper area, puwit, braso at binti
- Wala nang ganang kumain
- Nanghihina at ayaw kumilos
May mga pasyenteng kakikitaan ng isa, ilan lang, o lahat ng sintomas na nabanggit, dagdag ni nurse Apple. Karaniwang mataas na lagnat ang unang makikitang sintomas ng HFMD, kasunod ay sore throat at pagkawala ng ganang kumain.
Sa ikalawang araw ng lagnat, saka maglalabasan ang lesions o sugat sa bibig at lalamunan. Pagkalipas pa ng isa o dalawang araw, saka naman makikita ang mga lesions sa kamay at paa, pati sa puwit.
Para makasiguro kung ang sintomas bang nararamdaman ay sanhi na ng HFMD, mainam na kumonsulta sa iyong doktor.
Ang pagkakaroon ng sugat sa bibig, lalamunan, at dila ay isa sa mga maaaring makitang sintomas sa mga bata.
Sanhi ng Hand, Foot, and Mouth Disease
Mahalagang malaman kung ano nga ba ang pinagmumulan ng Hand, Foot, and Mouth Disease kung nais mong mailayo talaga ang anak sa sakit na ito.
Nagmumula ang impeksyon mula sa coxsackievirus A16 ang sanhi ng HFMD, na kabilang sa grupo ng viruses na tinatawag na nonpolio enteroviruses.
Karaniwang kumakalat ito sa pamamagitan ng oral ingestion, nasal secretions o throat discharge. Sa madaling salita, nakakahawa ang laway, fluid mula sa sugat nito, stool o dumi, at kahit pa napakaliit na patak ng laway o sipon mula sa pag-ubo o pagbahing.
Ayon kay nurse Apple, mas maraming kaso ng HFMD sa mga childcare settings tulad ng nursery schools at day care dahil na nga sa ang mga bata ay mahilig magsubo ng mga laruan pagkatapos ay ipasa ito sa iba, pati na ang pagsubo ng kamay. Dagdag pa ang madalas na pagpapalit ng diaper na maaaring simula ng pagkalat ng virus.
Pinakanakahahawa ang pasyente sa unang linggo ng sakit, bagamat maaaring manatili ang virus sa sistema niya hanggang ilang linggo, kahit wala nang sintomas. Maaari pa rin daw maging carrier o tagadala ng virus ang mga matatanda kahit pa hindi nagpakita ng kahit anumang sintomas.
Importante ring malaman na talamak ang pagkalat ng virus ng HFMD kapag mainit ang panahon katulad ng iba pang sakit. Kaya nga mas karaniwan pa itong nangyayari sa buong tao sa mga bansang tropikal katulad na lang ng Pilipinas. Madalas din itong nakakaranasan sa maiinit na kontinente na kagaya ng Midlle East sa kasagsagan nila ng tag-init.
Nagbabadyang komplikasyon ng Hand, Foot and Mouth Disease
Kahit anumang sakit, kung hindi matitignan kaagad at mabibigyan ng paunang lunas ay maaaring magsanhi sa anumang kumplikasyon.
Masakit ang mga sugat sa bibig dala ng HFMD, kaya nga hirap kumain o uminom ang pasyente. Ito ang karaniwang sanhi ng dehydration, pagsusuka, at diarrhea. Dehydration ang pangunahing komplikasyon ng HFMD na dapat maiwasan dahil maaaring mapunta sa mas malubhang sakit. Kung napapansin nang hindi na kumakain ang bata, ipunta na kaagad siya sa pinakamalapit na clinic.
May mga ilang kaso ng brain, lung o heart infections, dala ng EV71 virus, bagamat bihira. Dapat maging maalam sa mga sintomas nito tulad ng labis na pananakit ng ulo, di mapakali, at paninigas ng leeg, ‘disorientation’, pagkahilo at pagka-iritable. Mayroon ding nakakaranas ng hirap sa paghinga.
Posible rin ang viral meningitis, o ang bihirang impeksiyon ng pamamaga ng membranes (meninges) at cerebrospinal fluid na nakapaligid sa utak at spinal cord. Delikado ring mapunta sa encephalitis, ang pambihira at malubhang sakit sanhi ng pamamaga ng utak, sanhi ng virus.
Anong gamot sa Hand, Foot, and Mouth Disease (HFMD)?
Malamang, dahil sa labis na pag-aalala iniisip mo na kaagad ngayon kung ano nga ba ang gamot sa sakit na HFMD. Sa kasamaang palad, walang direktang lunas para sa impeksyiyon ng HFMD. Sa kabilang banda mayroon naman home remedies at gamot para maibsan ang sintomas ng HFMD.
Para maibsan ang sakit na dulot ng mga sintomas ng HFMD, narito ang ilang payo ni nurse Apple, na maaaring gawin sa bahay at makatulong na makabawi ng lakas at kalusugan ang pasyente.
- Painumin ng maraming tubig o fluids ang pasyente para maiwasan ang pagkakaroon ng dehydration.
- Kung hirap kumain dahil sa sugat sa bibig at lalamunan, pakainin ng malalambot na pagkain lamang tulad ng sabaw, porridge, o pureed na gulay at prutas. Sa ganitong paraan hindi na nagdadagdag ng panibago pang sakit na maaari niyang maranasan pa dahil sa hindi pagkain.
- Maging strikto sa pagbigay ng medikasyon sa tamang oras at tamang dosage na nireseta ng doktor. Kung nasusunod ang tamang direksyon sa pagbibigay ng lunas, mas mabilis na gagaling ang bata.
- Siguraduhing makapagpahinga ng sapat ang pasyente. Nanghihina ang katawan ng taong may HFMD, kaya lubos na mahalaga ang pagpapahinga.
Mga dapat iwasan para hindi makahawa
Kung mayroong HFMD sa inyong pamilya bata man iyan o matanda, kinakailangang magawan kaagad ng paraan para iwasan itong makahawa pa.
Kung positibong may HFMD ang iyong anak, at nakakakita ka talaga ng mga sintomas nito kailangang isipin ang pagpigil ng pagkalat ng virus at makaiwas sa pagkahawa ng ibang bata.
Ipagbigay-alam sa guro at administrasyon ng nursery school o day care ang kalagayan ng bata, para masagawa ang dapat na aksiyon. Kailangan nilang magsimula ng sanitasyon sa mga silid-aralan at palaruan, at buong paaralan para hindi kumalat ang virus. Dapat ding maipagbigay-alam sa ibang magulang para malaman kung may outbreak.
Pagmasdan kung nakikitaan ng sintomas ang ibang kapamilya o kasambahay para matugunan din kaagad ang sintomas nila.
Panatilihin sa bahay o ospital ang bata, para magamot at makapagpahinga ng lubusan. Huwag nang ipasyal o ilabas sa mga pampublikong lugar kahit pa walang lagnat.
Hugasan at banlian ang mga laruan, kumot, kobrekama, punda, damit, tuwalya at iba pang personal na gamit ng bata, at ihiwalay na ang mga gagamitin pa para hindi magamit ng iba.
Nakahahawa ang sakit na HFMD, kaya naman dapat lang na huwag itong pabayaan at umisip ng paraan para mapigilan ito kaagad.
Prevention at proteksiyon para masupil ang virus
Masusing pag-iingat ang kinakailangan para maiwasan ang pagkalat ng virus ng HFMD, o anumang virus, lalo na sa mga bata.
- Ugaliin ang paghuhugas ng kamay gamit ang tubig at sabon bago at pagkatapos kumain, at pagkagamit ng banyo; ituro din ito sa mga bata. Magdala ng hand wipes, alcohol, o alco-gel para sa mga pagkakataon na walang tubig o sabon na panghugas.
- Ugaliin ang regular na paglilinis at pag-disinfect ng mga laruan at iba pang gamit ng bata. Epektibo ang suka at tubig para malabanan ang mikrobyo.
- Turuan ang bata at lahat ng kapamilya at kasambahay na magtakip ng bibig at ilong kapag bumabahing o umuubo.
- Iwasan ang “sharing” pagdating sa inumin, pagkain, kubyertos, tuwalya, at iba pang personal na gamit.
- Gumamit ng face mask kung masama na ang nararamdaman, o kung napapansin nang masama ang kalagayan ng bata.
Ang Hand, Foot, and Mouth Disease ay karaniwang hindi malalang karamdaman at madaling nalulunasan. Anumang senyales o sintomas ng mas malalang kondisyon ay dapat ikonsulta kaagad sa doktor para maagapan ang komplikasyon.
Ayon kay nurse Apple, ang mga batang nagkaron ng HFMD ay nagkakaron din ng immunity sa pagtanda nila, dahil na rin sa pagkakaron ng antibodies pagkatapos ma-expose sa virus, bagamat may mga adolescents na nagkakaron pa din nito.
Isa sa susing paraan para maiwasan ang sakit na HFMD at iba pang disease na maaaring makuha ng bata ay ang pagpapalakas ng immune system. Narito ang ilang tips para lumakas ang immune system ni baby o ng iyong anak:
- Siguraduhing palaging kumpleto ang tulog niya araw-araw.
- Turuan sila ng iba’t ibang ehersisyo na maaaring gawin everyday.
- Palaging obserbahan kung sila ba ay stress dahil maaaring pagmulan din ito ng sakit.
- Tanungin sa inyong doktor kung ano-ano ang mga bakunang kailangan ni baby.
- Painumin siya ng vitamins na makakapagprotekta sa kanya sa sakit.
- Panatilihing malinis ang paligid na ginagalawan ng bata.
- Pabaunan siya palagi ng inumin kahit saan man magpunta.
- Tiyaking mayroon din siyang baong alcohol at iba pang pang-disinfect sa kanyang mga nahahawakan.
- Turuan siya ng tamang gawi para maiwasan ang mga nakahahawang sakit.
- Magplano ng balanced meal para sa kanya kung saan naroroon ang masusustansyang pagkain tulad ng prutas at gulay.
- Gawing regular ang pagpapacheck-up para mamonitor kaagad ang anumang sakit na maaaring makita.
Karagdagang ulat mula kay Angerica Villanueva
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!