Stiff neck o masakit na leeg: Gamot, sanhi at sintomas

Stiff neck o masakit na leeg: Gamot, sanhi at sintomas

May stiff neck? Narito ang ilang paraan upang maibsan ang pananakit at kung paano ito hindi na muling maranasan.

Gamot sa stiff neck o masakit na leeg, ano nga ba ang dapat? At paano ito maiiwasang maulit pa.

gamot sa stiff neck

Image from Freepik

Sintomas ng stiff neck

Ayon sa Spine Health, ang health website na binuo ng orthopedic surgeon na si Dr. Peter F. Ullrich, ang stiff neck ay nararanasan kapag nagka-strain o pilay ang muscles o soft tissue natin sa leeg. Partikular na ang levator scapulae muscle na matatagpuan sa likod at gilid ng leeg. At kumukonekta sa ating cervical spine at balikat na very susceptible sa injury.

Kapag injured, ito ay mamamaga at magdudulot ng pagsakit ng leeg o stiff neck. Dahil dito ay mahihirapan nang i-ikot o igalaw ang ulo ng sinumang nakararanas nito. Maaari rin itong sabayan ng sakit ng ulo, pananakit ng balikat o ng braso.

Dahil sa sakit na dulot ng stiff neck, ang sinumang nakararanas nito ay hindi makakalingon o maipipihit ang kanyang ulo nang maayos. Kinakailangan niya pang i-ikot ang kanyang ulo kasama ang kalahati o buo niyang katawan para lang makalingon o makatingin sa kanyang tagiliran.

Sanhi ng stiff neck

Ang stiff neck ay dulot ng ilang aktibidad na ginagawa natin araw-araw. Ilan nga sa mga ito ay ang sumusunod:

  • Pagtulog nang hindi maayos ang posisyon ng leeg o ulo.
  • Pagbagsak o impact sa ulo na biglaang magtutulak dito nang patagilid na madalas na nakukuha sa sports injuries.
  • Paulit-ulit na pag-ikot ng ulo, patagilid tulad ng pagsasagawa ng front crawl stroke sa pag-swiswimming.
  • Pag-slouch o pag-upo na may poor posture habang nakatingin sa computer o mobile phone.
  • Pagkaranas ng sobrang stress o anxiety na nag-dudulot ng tension sa leeg.
  • Pagkakapwesto ng leeg sa abnormal position ng mahabang oras tulad ng pag-iipit ng telepono sa pagitan ng leeg at balikat habang may kinakausap.
gamot sa stiff neck

Image from Freepik

Kailan dapat hindi isawalang bahala ang stiff neck

Ang mga nabanggit ay ang mga common causes ng stiff neck. At maliban sa mga ito ay mga itinuturing din na uncommon causes ng kondisyon. Dahil minsan ito ay maaring reaction lang ng isang underlying disorder sa cervical spine.

Ilan nga sa cervical spine disorders na maaring magdulot ng stiff neck ay ang sumusunod:

  • Cervical herniated disc
  • Degenerative disc disease
  • Cervical osteoarthritis

Maliban sa nabanggit ay marami pang ibang sakit ang maaring magdulot ng stiff neck tulad na lang ng impeksyon at tumor. Kaya naman sa oras na makaramdam ng pananakit ng leeg na sasabayan ng lagnat, sakit ng ulo, pagkahilo, pagsusuka at pagiging sobrang antukin ay dapat na magpatingin sa doktor. Ganoon din kapag ang stiff neck ay sinabayan o dulot ng mga sumusunod. Dahil maaring ito pala ay palatandaan na ng isang seryosong kondisyon.

Hindi rin dapat isawalang bahala ang stiff neck kung ito ay naramdaman matapos ang sumusunod na sitwasyon:

  • Pananakit ng leeg matapos ang injury o car collision
  • Sakit sa leeg na bumaba sa braso at binti
  • Pananakit ng leeg na sasabayan ng paghihina ng braso, kamay at mga binti

Gamot sa stiff neck

Samantala, kung ang stiff neck o pananakit ng leeg ay dulot lang ng mga naunang common causes ay kusa itong nawawala sa loob ng ilang araw. At may mga paraan na maaring gawin o gamot sa stiff neck na makakatulong upang maibsan ang pananakit nito. Ito ay ang sumusunod:

Pagsasagawa ng hot o cold compress

Para maibsan ang pamamaga ay maaring lagyan ng cold compress o ice ang stiff neck ng hindi bababa sa 20 minuto. Gawin ito nang paulit-ulit sa isang araw. Pwede ring i-alternate ang paglalagay ng cold at hot compress. Habang ang paliligo gamit ang maligamgam na tubig o paggamit ng heating pad ay makakatulong ding maibsan ang sakit.

gamot sa stiff neck

Image from Freepik

Pag-stretching pero iwasan na mabigla ang iyong leeg

Ang stretching ay makatutulong din upang maibsan ang pananakit ng leeg. Ngunit dapat iwasan ang mga biglaang paggalaw. Dahil ito ay maaring magdulot ng mas dagdag na pamamaga at serious injury sa stiff neck. Bago mag-stretching ay mabuting maligo muna gamit ang maligamgam na tubig o mag-warm shower. At saka gawin ang mga sumusunod na steps.

  • I-roll ang iyong balikat nang patalikod at paharap.
  • Sandaling tumigil ng ilang segundo habang itinutulak patalikod ang iyong mga balikat. At muling ulitin ang naunang step.
  • Saka dahan-dahang igalaw ang iyong ulo paharap sa magkabilang gilid mo.

Uminom ng over-the-counter pain relievers para maibsan ang sakit tulad ng sumusunod:

  • Ibuprofen (Motrin, Advil)
  • Naproxen sodium (Aleve)
  • Acetaminophen (Tylenol)

Mag-pamasahe

Para maibsan ang pananakit ng iyong leeg ay magpamasahe lang sa isang trained practitioner. Dahil kung siya ay magkakamali at hindi alam ang tamang pagmamasahe ay maaring magdulot pa ito ng dagdag na injury sa iyong muscle.

Limitahan ang physical activity

Iwasan muna ang pagbubugat ng mabigat o paggawa ng mga physical activity na kakailanganin ng pwersa. Dahil maari nitong madagdagan ang pamamaga ng muscles sa iyong leeg at ikalala lang ng sitwasyon.

Iwasan ang stress

Dahil sa ang stress ay maaring magdulot ng tension sa iyong leeg ay dapat mong iwasan ito. Para maiwasan o mabawasan ang stress na kinakaharap ay gawin ang mga sumusunod na paraan:

  • Pakikinig ng music
  • Meditation
  • Pagbabakasyon o pagkakaroon ng break
  • Paggawa ng mga bagay na iyong nai-enjoy

Paano maiwasan ang stiff neck

Para naman maiwasan ang stiff neck ay mabuting gawin ang mga sumusunod na paraan:

  • Regular na pag-eexercise upang mapalakas ang muscles at maiwasan ang injuries.
  • Pag-adjust ng iyong sleep environment. Tulad ng pagpapalit ng mattress o paggamit ng neck pillow.
  • Sa opisina ay gumamit ng upuang makakaupo ka ng komportable.
  • I-pwesto ang iyong computer na ka-level lang ng iyong mata.
  • Mag-stretch oras-oras.
  • Limitahan ang pagtingin o pagbababad sa iyong smartphone.
  • Iwasang mag-drive ng mahabang oras.
  • Palitan ang iyong sleeping position.

Sana ay makatulong ang mga nabanggit na gamot sa stiff neck sa nararanasan mo. At mabuting sundin ang mga paraan upang maiwasan ito at hindi na muling magpahirap pa sayo.

SOURCES: Spine Health, Healthline, Medical News Today

PHOTO: Freepik

BASAHIN: Highblood: Gamot at mga pagkain na dapat mong iwasan, Polio Outbreak: 4 na bagong kaso ng polio sa bansa, kumpirmado ng DoH

Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan, at napapanahon, ngunit, hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!

Article Stories
app info
get app banner