Gang rape victim sa Cebu na 9-anyos, sinundo daw sa kanilang bahay ng kaniyang tiyuhin habang wala ang mga magulang nito.
Biktima ng gang rape Cebu
Isang kaawa-awang bata na naman ang biktima ng panggahasa ng anim na lalaki nito lamang Martes sa Argao, Cebu.
Ang mga gumahasa sa biktima ay mga construction workers umano na kung saan dalawa dito ay kamag-anak ng biktima. Ito ay kaniyang tiyuhin at pinsan na edad 17-anyos pa lamang.
Ayon sa mga pulis ay nakatanggap sila ng report mula sa isang concerned citizen na may isang batang babae ang dinala sa isang bakanteng lote ng mga hindi nakilalang lalaki sa Brgy. Talaga, Argao, Cebu.
Sa kanilang imbestigasyon napag-alaman nilang mag-isa ang batang babae ng kunin at dalhin ng kaniyang tiyuhin sa lugar na pinagtratrabahuan nito.
Kumuha lang daw ng dahon ng saging ang suspek at sinapin sa lugar na kung saan pinahiga at ginawa ang krimen sa biktima.
Mula sa naturang lugar ay halinhinan umanong ginahasa ng anim na lalaki ang bata na tumitigil lang kapag dumurugo ang maselang parte ng katawan ng bata.
Kinilala ang mga suspek na mga construction workers na nagtratrabaho sa lugar na kung saan dalawa sa mga ito ay tiyuhin at pinsan ng biktima. Bilang proteksyon sa gang rape victim ay hindi pinangalanan ang dalawang suspek.
Samantalang dalawa sa mga ito ay kinilalang sina Calixto Aligato, 22, at Remond Emelda, 30.
Sila ngayon ay naka-detain sa Argao Police Station
Dalawa naman sa mga suspek na pinangalanang sina Jun at Pat ay patuloy paring pinaghahanap ng mga pulis. Pero giit ng mga nahuling suspek hindi nila ginahasa ang biktima.
Ayon naman kay SPO1 Vivian Tamayo ng Argao Women, and Children Protection Desk (WCPD) hindi daw ito ang unang beses na inabuso ng kaniyang tiyuhin ang gang rape victim na 9-anyos.
Nagawa na daw ito ng tiyuhin na suspek sa gang rape victim noong nakaraang taon.
Inamin naman ng tiyuhing suspek na dalawang beses niya ngang ginahasa ang biktima pero depensa ng suspek ay inakit daw siya ng 9-anyos na pamangkin.
Ibinababa raw nito ang kaniyang shorts sa tuwing sila ay magkasama.
Samantala, kakasuhan naman ng nakahiwalay na reklamo ni SPO1 Tamayo ang mga magulang ng biktima ng violation of Republic Act 7610 o paglabag sa Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
Ito ay dahil sa pagtanggi ng mga ito na kasuhan ang mga suspek sa ginawang panggahasa sa anak dahil ayon sa kanila ay hindi naman daw nagahasa ang anak.
Kwento ni Tamayo ng kausapin niya ang mga magulang ng gang rape victim ay gagawin lang nila iyon kapag inulit pa ng suspek ang panggagahasa sa biktima.
Sa ngayon ang 9-anyos na gang rape victim ay nasa kustodiya ng local social welfare office ng Argao Cebu at dadaan sa isang trauma intervention.
10 Tips para hindi makidnap o kunin ng iba ang iyong anak ng walang paalam
Para naman maiwasang mangyari sa inyong anak ang krimen, narito ang ilang tips para hindi siya basta makidnap o makuha ng iba ng lingid sa iyong kaalaman.
1. Huwag iwanan ang iyong anak na mag-isa sa inyong bahay o sasakyan.
2. Pumili ng mapagkakatiwalaang taong mag-aalaga at titingin sa anak sa oras na wala kayong mga magulang niya.
3. Iwasang pagsuotin ang anak ng mga damit na may pangalan niya lalo na sa labas ng bahay. Madalas na nakukuha ang tiwala ng bata ng mga taong alam ang pangalan niya.
4. Paalalahanan ang iyong anak na huwag basta sasama sa kung sino kahit na kilala o malapit pa sa kaniya ng hindi nagpapaalam sa iyo.
5. Paalalahanan rin siya na huwag makikipag-usap o tatanggap ng kahit anong bagay mula sa isang tao na hindi niya kilala gaya ng candy, lollipop o kahit anong regalo.
6. Mahigpit na ibilin sa kaniya na huwag basta sasama sa hindi kilalang tao kahit na ba nagpapatulong o nangangako ito na may magandang ibibigay sa kaniyang kapalit.
7. Turuan siyang magsabi ng salitang “no” o “hindi” kapag may ginagawa o pinapagawa sa kaniya na hindi siya komportable. Turuan din siyang tumakbo sa oras na may nagpilit sa kaniyang sumama.
8. Paalalahanan siya na laging magsabi sayo sa tuwing may taong nagtanong sa kaniya ng mga personal na impormasyon o kaya naman ay may ipinangako sa kaniya.
9. Lagi ring ipaalala sa kaniya na magpaalam sa iyo sa tuwing may lugar siyang pupuntahan o bagay na gusto siyang gawin.
10. Siguraduhin ding ipakabisado sa anak ang buong pangalan niya, address, pangalan ninyo na kaniyang magulang pati narin ang mga contact number na pwedeng tawagan sa oras na magkaemergency.
Nagkalat ang masasamang loob sa paligid at para maproteksyonan ang iyong anak mula sa kanila ay kailangan ang mahigpit mong pagbabantay at pag-aalaga.
Dahil ang kinabukasan ng iyong anak ay nakasalaylay sa iyong kamay na dapat laging mag-aalaga, gagabay at magbabantay sa kaniya.
Sources: Kids Health Org, Manila Bulletin News
Basahin: Daddy, minolestiya ang 3 anak na may edad 5, 3 at 1 taon
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!