May chemistry, pero hindi scientific—ito ang konsepto ng tinatawag na gayuma ni tinitimpla at “dinadasalan” ng mga manghuhula at mga babaing shaman. Ang mga ito ay gayuma na may bulong sa hangin. Folk mysticism ang bansag ng ibang tao dito. Paano mang gayuma?
Totoo ba ang gayuma?
Inaalok ng Subida Souvenirs ng Negros Oriental ang kanilang Love Potion Gayuma, na ayon sa kanila ay concoction na ginawa ng female healer nila mula sa Siquijor Island. Ihalo lamang daw ito sa bote ng paboritong pabango at kapag naamoy ng taong gusto mong mapaibig, ay siguradong maaakit sa iyo sa isang romantikong paraan.
Isa lamang ang Subido sa libu-libong nag-aalok pa rin ng love potion sa panahong ito ng online dating at millennial relationships. May kapangyarihan nga ba ang gayuma? Nakasasama ba o may dulot ding kabutihan ito?
Gayuma na bulong sa hangin? Posible ba?
Paano mang gayuma gamit ang pangalan? | Image from Unsplash
Ano ba ang gayuma?
Sinasabi ng iba na ang gayuma o love potion ay isang uri ng black magic. Dahil na rin karaniwang mga manghuhula ang nagbebenta nito. Bagamat ang iba ay humihingi lamang ng “donasyon” kapalit nito, negosyo pa ring matatawag ito. Lalo na kung mapapasyal ka sa Quiapo, kung saan magkakatabi ang nagbebenta nito sa mga deboto sa tabi ng simbahan.
Sa totoo nga niyan, dahil digital na ang panahaon ngayon, kahit sa mga online selling platform tulad ng Shopee at Lazada ay pwede nang makabili ng love potion.
Paano mang gayuma?
May mga gayumang inihahalo sa pabango katulad ng sa Subido. Pero marami ay kailangang ilagay sa inumin o pagkain ng aakitin, para maging epektibo. Kailangan din daw na may panata at lubos ang paniniwala ng nanggagayuma para lubos din ang epekto nito. Madalas din ay may kasama itong “dasal” o orasyon na kailangang bigkasin para din makuha ang hinahangad na pag-ibig. Ang mga gayuma na ito ay kadalasang may bulong sa hangin.
May mga sinusulat din ang mga faith healer, manghuhula o shaman sa isang papel, na naglalaman ng mga simbolo at sulat na hindi maiintindihan ng karaniwang tao. Pero ibinibigay kasama ng gayuma, para maging pas “potent” ito.
Saan nanggaling ang paniniwala rito?
Ayon sa website ng samahang tinatawag na Lihim ng Karunungan, “Ang paggamit ng gayuma ayon sa mga naniniwala dito ay ang huling pamamaraan upang mapa-ibig nila ang taong ninanais nilang makasama tulad ng naunsiyaming panliligaw, pag-ibig na hindi ginantihan o di kaya ay lihim na pagmamahal. Habang ito isinasagawa, may mga orasyong Latin ang ibinubulong ng manggagayuma ayon sa itinuturo ng naglalako. Ang dalas ng pagsambit ng orasyon ay nakaka-apekto sa pagtupad ng gayuma.”
“Tale as old as time,” ika nga, na maituturing ang paniniwala sa gayuma. May mga gayuma para mahalin ka ng taong mahal mo, at mayro’n ding sumusubok para lang mapatunayan na totoo o “kalokohan” lang ito. Anuman ang dahilan, sa tingin ko ay ito ang nagpapatibay sa pagkabuhay ng “negosyo” ng gayuma hanggang ngayon.
Ayon kay Rex Raymond Torrecampo, isang guro ng Asian History at manunulat, tinatawag din love charms ang gayuma. Nagsimula ang paggamit ng gayuma at anting-anting noon pang Neolithic Age. Ito ay nang ang mga sinaunang tao ay nakakapulot ng mga kakaibang bato o sangang kahoy, na pinaniniwalaan nilang makakapagbigay proteksyon sa kanila mula sa mga kaaway at masasamang espiritu.
Sa ngayon, nasa ilalim ng paniniwalang superstition ang panggagayuma, at unti-unti mang nabawasan ang bilang ng taong naniniwala dito. Hindi pa rin tuluyang nawawala ito sa bokabularyo at pamumugay ng mga Pilipino. Sa anthropological paper na isinulat ni Gonzalo Buñag noong 1915, na pinamagatang “The Charms of the Tagalogs”, ang unang mga gayuma ay nasa powder form.
Paano mang gayuma gamit ang pangalan? | Image from Unsplash
Paano gumawa ng gayuma?
Karaniwang mga organic ingredients ang gamit para dito, kaya naman hindi natatakot ang iba na gamitin ito. Ang Subido ay gumagamit daw ng 20 herbs o halaman-damo at ugat at ng halaman sa kanilang gayuma. May mga gumagamit din ng bahagi ng hayop at insekto, mamahaling bato, korales, at maliliit na sanga.
Ang palaging babala: hindi puwedeng dalhin ang gayuma sa mga burol o libing, kundi ay mawawala ang bisa nito.
Sa Plaza Miranda, nagkalat ang mga tindahan ng gayuma, kasama ng mga lucky charms at anting anting. Bato, langis, buto, ngipin ng buwaya, pati crab feet ay mabibili, na nakalagay sa mga kwintas, singsing o bracelet. Mabibili ang gayuma sa halagang Php250 hangang Php500. At mabenta ito, ayon sa mga vendor, lalo na sa mga kababaihan. Pero madalas ngayon, hindi para makahanap ng magiging boyfriend o asawa, kundi para sa mga lalaking nangangaliwa, mga mister na may ibang babae.
Sa kabilang dako, may mga lalaki na naghahanap ng one-and-only na ka-forever. At mayron naman ng mas maraming babae na mapapa-ibig (o maloloko?).
May mga gayumang galing sa Marinduque, may mga tinitimpla naman ng mga Mangyan ng Oriental Mindoro, at sa iba pang mga malalayong probinsiya. Pero marami na rin ang lumuwas na ng Maynila dahil nga malakas din ang kita.
Ilang karaniwang love potion
Hindi lang mga de-bote at mga kakaibang bato ang ginagamit na gayuma. Pinakakaraniwan din ang paggamit ng ari ng mga hayop, na pinaniniwalaang epektibo para maakit ang isang tao at para din mapanatili ang lakas ng “charm” at “sex appeal” na tinatawag.
Nariyan ang isang kilalang Filipino dish na sinasabing aphrodisiac—ang Soup No. 5, na ang pangunahing sangkap ay ari at testicles ng baka, at 5 Chinese herbs.
Mayro’n pang gumagamit ng ari ng ibon, ari ng buwaya pati itlog ng nanganay na manok at gayuma sa damit. Ang ari daw ng ibon, halimbawa, ay pinapatuyo at dinidikdik at nilalagay sa tabako o sigarilyo. Ang usok mula dito ang makakakapang-gayuma sa lalaki. Iyon nga lang, hindi daw ito epektibo kung wala talagang gusto o pagmamahal ang lalaki sa babaeng nanggagayuma. Para ito sa mga misis o kasintahan na gustong akiting muli ang naglokong kabiyak.
Mayroong gayuma gamit ang buong pangalan, gayuma gamit ang pangalan at larawan, at iba pang mga bagay na galing sa taong gusto mong gayumahin na kakailanganin mo habang nag-oorasyon.
Paano mang gayuma gamit ang pangalan? | Image from Unsplash
Paano mang gayuma gamit ang pangalan at sa damit? Epektibo ba ito?
Mailap ang pag-ibig para sa iba, pero marami pa rin ang nakakahanap ng tunay na pag-ibig nang walang ginagamit na gayuma.
Bawat isa sa atin ay maniniwala sa gusto nating paniwalaan. May mga gumamit na ng gayuma at nagpatunay na epektibo ito. Ang mga shaman at mga nagbebenta nito ay nagsasabing hindi ito makakasiguro na “true love” at “forever” ang mahahanap mo sa paggamit ng gayuma. Ang pinapangako nila ay makukuha mo ang loob, atensiyon at affection ng iyong minimithi, pero ang magkasintahan o mag-asawa lang ang makakapagpatibay ng kanilang relasyon.
Katulad ng nabanggit, may mga orasyon, ritwal at paraan (step-by-step pa nga) na binibilin ng mga nagbebenta nito o mga healer na nagbibigay nito. Kailangan daw ay sakto ang paggawa at pagsabi para epektibo. Minsan ay may kasama pang litrato at buhok, gamit o damit ng gustong ma gayuma ang sinasama sa orasyon. Ang importante din ay dapat ay may mabuting intensiyon ang manggagayuma para maging epektibo ito.
Sabi pa ng mga nagbebenta, aamo siya sa ‘yo, susunod sa lahat ng gusto mo. Kung ito ang gusto mong uri ng relasyon, baka nga ito ang sagot.
Tandaan lang na ang lahat ng uri ng “black magic”, ay may kasamang consequence, lalo kung masama ang intensiyon. Ang salitang witchcraft ay galing sa Greek word na pharmalokia, o paggamit ng potions, drugs at anupang tulad nito.
Labis na pag-iingat at masusing pag-iisip ang gawin bago gawin ang anuman, dahil maaaring makasama ito sa nanggagayuma, lalo na sa gagayumahin.
newsinfo.inquirer.net, SubidoSouvenirs.com
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!