Sa kagustuhang makita ang gender ng anak na ipinagbubuntis ng kaniyang asawa, mister hiniwa ang tiyan ng misis niya. Ito ang nakakagulantang at viral na balita ngayon sa Bareilly District, India.
Ayon sa mga report, naganap ang insidente nito lamang Sabado, Setyembre 19. Gamit ang karet na ginagamit na panggapas ng palay ay hiniwa ng 43-anyos na si Pannalal ang tiyan ng buntis niyang asawa na si Anita Devi. Ito ay matapos umanong sabihin ng isang pari na ang apat na buwang ipinagbubuntis ni Anita ay isa na namang babae. Dahil sa pang-anim na nila itong anak at ang mga naunang lima ay puro babae gusto daw malaman ni Pannalal kung totoo ang hula ng pari.
Kuwento ng kapatid ni Anita, gustong-gusto daw ni Pannalal na magkaroon ng anak na lalaki. Kaya ng nalaman nito ang hula ng pari ay inuutusan niya si Anita na ipaabort nalang ang sanggol. Ngunit tumanggi si Anita at ipinagpatuloy parin ang pagbubuntis.
Dagdag pa ng kapatid ni Anita, matagal na daw sinasaktan ni Pannalal ang kaniyang kapatid dahil sa puro babae daw ang anak na ibinibigay nito sa kaniya. Pero hindi niya inakala na hahantong sa ganito ang kaya niyang gawin sa kapatid niya. Kaya naman daw laking gulat niya ng madatnan sa bahay nila ang kapatid niyang si Anita na bukas ang tiyan at duguan. Nang tanungin sinong may gawa nito sa kaniya, ang asawa niyang si Pannalal ang naging sagot niya.
Agad namang naisugod sa ospital si Anita. Ayon sa pagsusuri ay ligtas naman ang sanggol na ipinagbubuntis niya. Habang si Anita ay kinailangang maoperahan dahil sa natamong severe damages niya sa tiyan. Nahuli naman ang mister niyang Pannalal at kasalukuyan ng nakakulong dahil sa kaniyang nagawa.
Gender ng anak na ipinagbubuntis, paano ba malalaman?
Sa pamamagitan ng ultrasound
May iba’t-ibang paraan upang malaman ang gender ng anak mong ipinagbubuntis. Isa sa pinaka-reliable na paraan ay sa pamamagitan ng ultrasound. Gamit ang paraang ito ay matutukoy na ang kasarian ng ipinagbubuntis na sanggol. Madalas ang mga doktor ay ini-schedule sa ultrasound ang isang buntis sa ika-18 hanggang 21 weeks ng pagbubuntis. Pero ang kasarian ng sanggol ay maari ng makita sa pamamagitan ng ultrasound kahit sa ika-14 weeks palang ng pagdadalang-tao.
Maliban sa ultrasound, may iba pang paraan na maaring isagawa upang matukoy ang kasarian ng sanggol. Ang mga ito ay ang sumusunod:
DNA Test
Ayon sa isang pag-aaral, ang pagkuha ng dugo ng isang buntis para sa fetal DNA ay makakapagtukoy rin ng kasarian ng ipinagbubuntis na sanggol. Kaya nitong malaman ng tiyak ang kasarian ng lalaking sanggol ng hanggang sa 95.4%. Habang 98.6% percent naman na accurate ang pagtukoy nito sa kasarian ng babaeng sanggol. Ayon sa researcher at reproductive geneticist na si Diana W. Bianchi, matutukoy nito ang kasarian ng sanggil matapos ang ika-7 linggo ng pagbubuntis.
Amniocentesis
Ang amniocentesis ay ginagawa para malaman kung may genetic problems ang isang sanggol. Ito ay hindi ipinapayo ng doktor dahil mayroon itong risk sa health ni baby at ni mommy pero sa method na ito ay malalaman rin ng tiyak ang gender ni baby.
Chorionic villus sampling
Tulad ng amniocentesis, ang chorionic villus sampling ay ginagawa para sa serious medical reason. Ito ay para matukoy kung may risk ng pagkakaroon ng congenital problem ang baby na ipinagbubuntis. Pero sa method na ito ay matutukoy rin ng accurate ang gender ng sanggol na ipinagbubuntis.
Iba pang paraan upang matukoy ang kasarian ng ipinagbubuntis na sanggol
May mga pinaniniwalaan ring paraan na maaring gawin sa bahay upang matukoy ang gender ng isang sanggol. Ito ay ang mga sumusunod:
Ring gender test
Ang ring gender test ay isa sa pinaniniwalaang paraan upang matukoy ang kasarian ng isang sanggol. Maisasagawa ito gamit ang hibla ng buhok ng buntis at isang singsing na mahalaga sa kaniya. Maaring ito ay ang kaniyang wedding o engagement ring.
Sa tulong ng isang kaibigan, partner o kapamilya ay itapat sa tiyan ng buntis ang singsing na may hibla ng buhok na ginawang sinulid. Saka hayaan itong gumalaw ng kusa. Kung ang singsing ay nag-swing ng pabalik-balik sa isang direksyon tulad ng pendulum sinasabing ang magiging anak ng buntis ay isang babae. Kung ang singsing naman ay nag-swing ng pabilog, ang ipinabubuntis niyang sanggol ay sinasabing lalaki.
May isa pang paraan upang maisagawa ito. Ito ay sa pamamagitan ng paglalagay ng kaliwang kamay ng buntis sa flat na surface tulad ng mesa. Hawakan ang singsing na may hibla ng buhok at i-swing ito o i-trace mula sa iyong hinliliit papunta sa hinlalaki at gawing muli pabalik sa hinliliit. Kapag nakabalik na sa hinliliit ay itigil ang pag-swing sa singsing at hayaan itong kusang gumalaw. Kung ang singsing ay nag-swing ng pabalik-balik sa isang direksyon ang magiging anak mo ay babae. Kung ang singsing ay nag-swing ng pabilog ang magiging anak mo ay lalaki.
Baking soda test
Tulad ng gender test gamit ang singsing, ang baking soda test ay pinaniniwalaang ring nakakapagsasabi ng gender ng isang sanggol. Sa pagsasagawa nito ay kakailanganin lang ang ihi ng buntis at baking soda.
Ginagawa ito sa pamamagitan ng paghalo sa ihi ng isang buntis sa baking soda. Kapag ang ihi daw ay nag-react at bumula na parang beer o softdrinks ng maihalo sa baking soda, ito daw ay nangangahulugan na baby boy ang dinadala ng isang buntis. Ngunit kung wala naging reaksyon o pagbabago, ang dinadalang sanggol ng buntis ay isa daw babae.
Ayon din sa paniniwala, mas maiging gawin ang baking soda gender test sa umaga pagkagising. Dahil ang ihi ay maaring madilute kung makakainom ng iba’t-ibang fluids sa loob ng isang araw.
Dapat din ay siguraduhing malinis ang kamay ng buntis kapag siya ay mangongolekta ng kanyang ihi para masigurong hindi ito ma-cocontaminate.
Dapat din ay pantay ang dami ng baking soda na kaniyang gagamitin sa ihi na kaniyang nakuha.
Source:
Times of India, Healthline
BASAHIN:
Boy or Girl? ‘Predict’ Your Baby’s Gender With This Chinese Pregnancy Calendar
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!