Noong Nobyembre 30 ay namatay ang ika-41 na pangulo ng US na si George H.W. Bush sa edad na 94. Maraming tao ang nagluksa sa kaniyang pagkawala, at marami rin ang nagbahagi ng kanilang magagandang alaala ng namayapang pangulo.
Kasama na rito ang batang si Timothy, isang 7-taong gulang na batang sinuportahan ng palihim ni George H.W. Bush ng halos sampung taon.
Ating alamin ang kanilang kuwento.
George H.W. Bush palihim na nag-isponsor ng batang Pinoy
Nagsimula raw ang ugnayan ng dalawa noong mabalitaan ng dating pangulo ang tungkol sa Compassion International. Isa itong nonprofit organization na konektado sa mga simbahan at naglalayong sumuporta ng mga mahihirap na bata sa buong mundo.
Nalaman niya ang tungkol dito habang nanonood ng isang Christian na concert sa White House. Ang ilan raw sa mga tumugtog ay nagtanong sa audience kung sino ang gustong sumuporta ng isang bata. Nagtaas ng kamay ang noo’y 77-taong gulang na si Bush, at inabutan siya ng pamphlet tungkol kay Timothy. Dito na nagsimula ang pagtulong ng dating pangulo sa bata.
Ngunit dahil isa siyang dating pangulo, mahalaga ang kaniyang seguridad. Bukod dito, gusto rin nilang maging ligtas ang bata. Kaya’t hindi puwedeng sabihin ni Bush sa batang si Timothy na siya ang sponsor nito. Kaya’t lahat ng liham na ipinapadala ni Bush ay George Walker ang ginamit niyang pangalan.
Hindi raw madaling itago ang pagkatao ni Bush
Ayon kay Wess Stafford, na dating president ng Compassion International, kinailangan niyang basahin ang bawat sulat na pinapadala ni Bush sa bata. Ngunit hindi raw ito naging madali, dahil mayroong mga pagkakataon kung saan nagbibigay si Bush ng mga detalye tungkol sa kaniyang pagkatao.
Minsan pa nga raw ay nagpadala ito ng larawan ng kanilang alagang aso na si Sadie, at sinabi rin niya kay Timothy na nakakapunta raw siya sa White House.
Si Timothy naman ay nagkwento sa dating pangulo tungkol sa mga hilig niya. Mahilig raw siyang gumuhit, at nagpapadala pa nga ng mga drawing kay Bush sa pamamagitan ng mga liham.
Nagpasalamat pa nga raw si Timothy sa mag-asawang Bush, dahil hindi raw nila siya nakalimutang suportahan.
Nagulat si Timothy nang malaman niya ang katotohanan
Hindi agad nalaman ni Timothy na si George H.W. Bush pala ang kaniyang pinapadalhan ng sulat. Ngunit noong nagtapos na siya sa programa ng Compassion International, doon lang niya nalaman na dati palang pangulo ang kausap niya sa mga liham.
Binisita raw siya ng isang miyembro ng Compassion International, at ibinahagi sa kaniya na ang sponsor pala niya ay ang dating pangulong si Bush.
Hindi raw makapaniwala si Timothy. Hindi niya lubos akalain na ang taong pinapadalhan niya ng mga sulat ay dating pangulo ng isa sa pinaka-maimpluwensiyang bansa sa buong mundo.
Ngunit yun na rin ang huling balita ng Compassion International sa batang si Timothy. Sinubukan ulit siyang hanapin ng Compassion International, ngunit hindi na nila mahanap ang bata.
Pero sigurado silang dahil sa kaniyang angking husay at talino, pati na rin sa suporta at pagkakataon na ibinigay ng dating pangulong si Bush, ay siguradong malayo na ang kaniyang narating sa buhay.
Source: CNN
Basahin: Santa Claus sa mga bata: Paano lubusang maipapakilala sa kanila
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!