Laman ngayon ng social media ang Gilas vs Australia game na idinaos kamakailan lamang. Pero hindi ito dahil sa mahusay na paglalaro nila, kundi sa gulo na nangyari, kaya ito nagiging viral ngayon. Kung hindi mo pa napapanood ang trending video ng rambol, maaaring narinig mo ang iba’t ibang opinyon ukol dito.
Maraming nagsasabi na ang Australian team ang nagsimula, at dapat lang na gumanti ang Gilas dahil warm up pa lang ay kinukutsiya na sila ng mga ito. May mga instant replay video na nagpapakita kung sino ang nanguna at may ibang basketball fans na nagsasabing tama lamang ang nangyari. Ngunit kahit sino pa man ang nagsimula, lagi tayong may choice kung paano tayo reresponde kapag humarap sa ganitong sitwasyon.
Tao lamang tayo, ika nga, nagagalit, napipikon, pero kailangan pa rin nating sikaping maituro sa ating mga anak na ang pagiging bayolente ay hindi solusyon sa conflict.
Ano Ang Natutunan Natin sa Gilas vs. Australia Viral Fight?
1. Turuan ang mga bata to “use their words, not their fists”
Hindi naman bawal ang magalit. Pero nagiging masama lamang ito kapag nananakit na ng kapwa. Kahit gaano pa “ka-deserve” ng kaaway mo, wala pa ring excuse ang saktan sila. Maaari mong kausapin nang maayos upang maresolba ang away o lumayo na lamang kung bayolente ito at ayaw makinig.
2. Huwag makisama porkit lahat ginagawa din ito
Makikita natin sa gulo ng Gilas vs Australia na maraming nakisali na lang imbis na umawat. Kinailangan pang magtawag ng security, na nahirapan ding awatin ang gulo.
Importante na ituro sa bata na porkit lahat ay ginagawa ito ay hindi ibig sabihin na ito ang tamang gawain. Ang manakit ng kapwa, kahit gaano pa nila “ka-deserve” ito sa paningin natin, ay hindi makatao.
3. Kahit na saktan ka, huwag pumatol
Sabihin na nating may mali ang parehong teams, hindi na importante kung sino ang nanguna, ang tanong dito ay: dapat bang pumatol kapag inaway ka? Dapat bang “rumesbak” kapag naagrabyado ang kasama mo? May mga ibang paraan upang tulungan ang kaibigan o teammate. Maaaring ilayo sila sa delikadong sitwasyon o tulungan silang umiwas sa gulo.
4. Maaaring magpakita ng lakas nang hindi nananakit
Ang pagpatol sa pangungutsya ng kapwa mo ay hindi paraan para ipakita na malakas ka. Ang tunay na pagiging matatag ay makikita sa pagtitimpi, sa pagiwas sa pagiging bayolente o mapanakit sa kapwa. Dahil ito ang mas mahirap gawin.
Bilang magulang, dapat laging ipaalala sa bata na maraming tao sa eskwela o kung saan man na maaaring manakit sa kanila, pero ang tunay na “strength” ng isang tao ay nakikita sa kung paano nila hindi binababa ang sarili sa lebel ng kapwang hindi maganda ang pag-uugali.
5. Matutong tumanggap ng pagkakamali
As of now, nag-apologize na ang maraming miyembro ng Gilas Pilipinas matapos ang naging viral na rambol at pati na rin ang kanilang deputy coach ng Gilas at sa Samahang Basketbol ng Pilipinas, Inc. – National Sport Association (NSA) of basketball in the Philippines, na nag-isyu na ng statement of apology.
Importanteng ituro sa mga bata na kung mangyari man na mapaaway sila balang araw, mahalaga ang humility and remorse, o ang pagiging magpakumbaba matapos magkamali. Humingi ng tawad kahit na mahirap “lunukin ang pride,” ika nga.
Nawa’y lagi nating turuan ang ating mga anak na umiwas sa gulo at lumaki na may tunay na respeto sa kapwa.
Ano ang opinyon ninyo sa Gilas vs Australia fight? Ipaalam sa amin sa mga komento sa ibaba ng article na ito.
BASAHIN: 7 benefits ng sports para sa magandang future ng anak mo