Kamakailan lang naibalita namin ang isang 5-anyos na batang babae na minolestya nang siya ay magpunta sa banyo ng isang mall sa Maynila. Lubos na nakakapangilabot ang pangyayari dahil nangyari ito sa pampublikong lugar na hindi mo iisipin na may masamang mangyayari. Ngayon naman may ulat na ginahasa na bata, isang 4-taong gulang, sa loob mismo ng paaralan!
Ginahasa na bata
Sa Chin Buri, Thailand, patakaran ng isang paaralan do’n na kailangan parating may kasama ang estudyante kapag nagpupunta ito sa banyo. Kailangan isang grupo sila ng may dalawa o tatlong bata bago sila payagan na lumabas ng classroom.
Ngunit nilabag ang patakaran na ito ng isang preschool teacher. Pinayagan niyang mag-banyo nang mag-isa ang isang 4 na taong gulang na batang babae.
Dito na nangyari ang malagim na insidente.
Ginahasa ang bata ng tatlong teenagers na nasa edad na 15 hanggang 17 anyos. Ang mga salarin ay tinaguriang “problem youths.” Dalawa sa mga suspek ang nakatira sa welfare shelter.
Dahil sa pangyayari, inalis sa trabaho ang guro. Nagdesisyon din ang direktor ng kindergarten na maglagay ng 16 na CCTV cameras sa loob ng paaralan at umaasang hindi na mauulit ang karahasan laban sa mga walang muwang.
Umapela ang nanay ng biktima sa gobyerno nila na pabilisin ang pag-usad ng kaso laban sa mga menor de edad na mga suspek. Dahil sa nangyari sa biktima, labis ang takot ng bata sa lahat ng lalaki na makita niya—kabilang na ang kaniyang sariling ama. Habang nasa recovery, pinatigil muna siya sa pag-aaral ng kaniyang mga magulang.
Paalala sa mga magulang
Pabata nang pabata ang nagiging biktima ng mga krimen na panggagahasa. Bilang magulang, unti-unti na akong nawawalan ng tiwala sa kabutihan ng mga tao. Wala na bang lugar na puwedeng maging safe ang mga anak natin? Gustuhin ko man na palakihin na independent ang mga anak ko—na malayang nakakapag-explore sa mundong ginagalawan nila—ang mga ulat na ganito ang pumipigil sa akin upang lubusan silang pakawalan.
Dito sa theAsianparent, nais naming paalalahanan ang mga magulang na mainam na alam ng mga bata ang mga panganib. Narito ang ilang tips:
- Kausapin ang bata kung paano at saan siya makakahingi ng tulong kapag nasaktan siya o may nangyaring masama. Kanino siya puwedeng magsumbong sa paaralan? Kapag nasa mall, ituro kung saan ang mga guard at mga exit.
- Ipaliwanag ang konsepto ng “private parts” at kung ano ang good touch, bad touch.
- Siguraduhin na age-appropriate ang pinapanood na mga pelikula o shows. Kapag nakakapanood ang bata ng sensitibong mga scenes, baka akalain ng bata na normal itong nangyayari—or worse, baka gayahin ng bata ito.
Hindi parating nakabantay tayong mga magulang kaya importante na alam ng bata kung siya ay nasa panganib.
Source: AsiaOne
Isinalin mula sa wikang Ingles ni Candice Lim Venturanza
https://sg.theasianparent.com/kindergarten-student-raped