Ang ginataang mais recipe ang isa mga putaheng paboritong agahan, meryenda o kaya nama’y dessert ng maraming Pilipino. Dahil maliban sa madali itong lutuin, patok ang manamis-namis na lasa nito sa mga bata man o matanda. Kaya naman alamin kung paano ito lutuin at ihanda sa tulong ng artikulong ito.
Mababasa artikulong ito:
- Mga sangkap na kakailanganin at dapat ihanda sa ginataang mais recipe.
- Paraan ng pagluluto sa ginataang mais.
Ginataang mais recipe
Food photo created by jcomp – www.freepik.com
Napakayaman talaga ng kusina Pinoy! Sapagkat marami tayong pagkain o putaheng puwedeng ihanda o ihain anumang oras na napakadali ring gawin. Tulad na lamang ng ginataang mais na kilala at inihahain bilang meryenda para sa marami. Masarap itong ihain ng mainit-init pa na perfect din na pang-agahan. Maaari rin itong i-serve ng malamig na swak namang pang-dessert para sa iba. Pagdating sa paghahanda at itsura, maihahalintulad ito sa ibang kilalang putaheng Pinoy gaya ng arroz caldo at champorado.
Pero kalimitan sa mga probinsya, ang ginataang mais ay isa sa mga inihahanda sa mga salu-salo kapag mayroong mahalagang okasyon at selebrasyon. Tulad ng kaarawan, binyag o kaya nama’y sa simpleng salo-salo ng pamilya. Mayroon iba’t ibang tawag rito depende sa lugar ito niluluto. Tulad nalang sa bandang Visayas, ang ginataang mais ay tinatawag na nilugaw na mais. Habang kilala naman ito sa tawag na lelut mais sa salitang Kapampangan.
Iba-iba man ang tawag sa ginataang mais recipe, hindi naman naiiba ang mga mahahalagang sangkap na dapat ay tinataglay nito. Ito nga ay ang sumusunod na maaring mas palasahin pa ng dagdag na sangkap o ingredients na gusto mo.
Mga sangkap o ingredients ng ginataang mais recipe
- 3 piraso ng mais o kaya naman ay 1 ½ tasa ng canned corn kernels
- 2 lata o 13.5-ounce ng ikalawang piga ng gata ng niyog
- 1 tasang asukal
- 3 tasa ng tubig
- 1 tasa ng nahugasan at pinatulong malagkit na bigas
- 1 ½ tasa ng unang piga ng gata ng niyog
BASAHIN:
Batangas Lomi recipe, na pwedeng-pwede niyong iluto sa bahay!
Adobong kangkong with tokwa recipe: Ang vegetarian adobo
Easy ground beef recipes your kids and family will LOVE!
Procedure o paraan ng pagluluto ng ginataang mais recipe
Paghahanda ng mais
- Kung gagamit ng hilaw na mais ay una munang tanggalin ang balat nito o corn husk gamit ang kutsilyo.
- Saka ito itayo sa isang malalim na bowl. Gamit pa rin ang kutsilyo, tanggalin ang mga butil ng mais mula sa itaas hanggang sa ibabang dulo nito. Ulit-ulitin ito paikot sa mais hanggang sa maubos ang mga butil nito.
- Para masigurong masisimot ang mga natirang butil ay gumamit ng kutsara upang makayod ang mga ito.
- Kapag nakuha na ang mga butil ng mais. Mabuting hugasan ito para makasigurong malinis ito at walang halong dumi.
- Bilang alternatibo at upang hindi na mahirapan pang magtanggal ng butil ng mais, maaari ring gumamit ng mga canned corn kernels. O ang mga butil ng mais na de lata na at madaling mabibili sa palengke o supermarket.
Food photo created by timolina – www.freepik.com
Pagluluto ng ginataang mais recipe
- Paghaluin ang pangalawang gata ng niyog at tubig sa isang kaserola. Isalang ito sa apoy at pakuluin.
- Kapag ito’y kumulo na, maaari nang ilagay ang malagkit na bigas. Kung gagamit ng hilaw na mais, maaari na ring isabay ito sa malagkit na bigas. Kung gagamit naman ng canned corned kernels, maaring mamaya na itong ilagay kasabay ng gata ng niyog at asukal.
- Bahagyang hinaan ang apoy habang patuloy na hinahalo ang nakasalang na malagkit na bigas at ang gata ng niyog. Sa loob ng 15-20 minuto ang malagkit na bigas ay maluluto at malambot na.
- Kung malambot na ang malagkit na bigas, maaari nang ilagay ang unang gata ng niyog at asukal. Ganoon din ang canned corn kernels kung ito ang iyong gagamitin sa iyong ginataang mais recipe.
Photo by Tijana Drndarski from Pexels
- Haluin ang mga nakasalang na sangkap at hayaang kumulo pa sa loob ng dagdag na 8 hanggang 10 minuto.
- Timplahan at lasahan kung pasado na ito sa panlasa mo o hanggang sa maabot mo na ang thickness at consistency ng iyong ginataang mais recipe.
- Saka ito i-serve ng mainit-init pa sa iyong pamilya. O kaya naman ay maaari rin itong palamigin at ilagay sa ref na perfect ding pang-dessert.
Para mas madagdagan pa ang sarap at presentasyon ng iyong ginataang mais recipe, maaari ring itong lagyan ng puting maliliit na sago o tapioca pearls. O kaya nama’y haluan ito ng hibla ng hinog na langka na hindi lang magbibigay dito ng dagdag na linamlam, kung hindi pati narin ng mabango at nakakagutom pang amoy.
Source:
Panlasang Pinoy, Kawaling Pinoy
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!