Para sa mga mas tradisyonal na magulang, kadalasan ay hindi nila pinapayagang makipaglaro ang kanilang mga lalaking anak sa mga babae, at ang mga babaeng anak sa lalaki. Ito na kasi ang nakasanayan sa ating kultura, kaya’t ito rin ang ginagawa ng ilang mga magulang pagdating sa kanilang mga anak. Ngunit alam niyo ba na ang pagkakaroon ng girl-boy relationships ay mahalaga sa development ng mga bata?
Bakit mahalaga ang girl-boy relationships?
Importanteng malaman ng mga magulang na walang masama kung may kaibigang lalaki ang mga batang babae. At hindi rin masama kung may kaibigang mga babae ang mga lalaki.
Nakakatulong ang ganitong klaseng mga relationships upang masanay na makihalubilo ang mga bata. Mas nagkakaroon sila ng pag-unawa kung paano makisama sa iba’t-ibang mga tao, at hindi lang sa mga kaparehas nila ng gender.
Nakakatulong rin ito upang makaiwas sa mga tinatawag na “gender stereotypes.” Ito ay dahil posibleng matutong maging mas competitive ang mga batang babae na may mga kalarong lalaki. At para naman sa mga batang lalaki, mas matututo silang maging emotional, at open sa kanilang mga feelings.
Sa ganitong klaseng pakikipagkaibigan, mas nagkakaroon ng kakayanan ang mga bata na matuto ng importanteng skills. Isa na rito ang problem-solving, dahil magkaiba ang pamamaraan ng mga lalaki sa babae pagdating dito. Kabilang na rin sa mga skills na ito ang socialization, at ang pagiging understanding sa ibang mga tao.
Tinuturuan ng mga girl-boy relationships ang mga bata na mag-explore ng kanilang sarili. At sa ganitong pamamaraan ay natututo silang intindihin ang pag-uugali ng iba’t-ibang mga tao, at matututo silang pakisamahan sila.
Paano mag-encourage ng ganitong relationships?
Mahalagang tandaan ng mga magulang na hindi nila dapat tuksuhin ang kanilang mga anak. Kung may kaibigang lalaki ang kanilang anak na babae ay hindi nila dapat biruin na “boyfriend” nila ang kaibigan. Gayun din dapat sa mga batang lalaki na may kaibigang babae.
Importanteng ilayo natin ang paniniwala na romantic agad ang pakikipagkaibigan ng lalaki sa babae. Posible naman magkaroon ng platonic relationship, at hinding-hindi dapat tuksuhin ang mga bata tungkol dito.
Isa pa ay dapat hayaan lang ng mga magulang na makipagkaibigan ang kanilang mga anak. Ang mahalaga ay tinuturuan sila ng tamang aral, at hindi masamang impluwensya ang mga kaibigan nila.
Dapat hayaan lang ng mga magulang ang kanilang anak na makipaglaro at makipagkaibigan sa ibang mga bata, kahit ano pa ang gender nila. Mahalaga rin na huwag pairalin ang pag-iisip na may mga bagay na “pambabae” o kaya “panlalake.” Turuan dapat ng mga magulang ang kanilang anak na higitan ang ganitong mga paniniwala, at sundin kung ano ang kanilang mga interes o passion sa buhay.
Source: CNN
Basahin: Pagkakaroon ng mataas na sahod nakadepende raw sa pag-uugali habang bata