Sa interview ni Ogie Diaz kay Gladys Reyes at sa husband na si Christopher Roxas, naikwento ng dalawa ang mga pinagdaanan sa 29 na taon ng pagsasama.
Mababasa sa artikulong ito:
- Gladys Reyes kung paano tumagal ang relasyon nila ng husband: “Prayers, patience, partnership”
- Christopher Roxas sa mga pagsubok sa buhay: “Support group ko ang pamilya ko”
Gladys Reyes kung paano tumagal ang relasyon sa husband: “Prayers, patience, partnership”
Naitanong ni Ogie Diaz sa kaniyang YouTube vlog interview kung paano tumagal ang relasyon nina Gladys Reyes at ng husband nitong si Christopher Roxas. 29 na taon na raw na magkasama sina Gladys Reyes at ang husband nito. Samantala, 18 taon nang kasal ang mag-asawa at ngayon nga ay mayroong apat na anak.
Larawan mula sa Instagram account ni Gladys Reyes
Sabi ni Christopher Roxas, tumagal marahil ang relasyon nila dahil alam nila ang gusto nila bilang mag-asawa. Paliwanag nito, “Mayroon kaming isang salita parati na kapag magkaaway kami, “dito na ba tayo maghihiwalay” kung hindi naman ay tigilan na natin dahil sayang ang oras.”
Dagdag pa ng husband ni Gladys Reyes, hindi raw dapat puro saya niya lang o puro saya lang ni Gladys. Dapat ay pareho silang masaya sa ano mang desisyon na mapagkakasunduan. Para naman kay Gladys Reyes, naging matibay ang relasyon niya sa kaniyang husband dahil nag-invest sila ng emosyon at respeto sa isa’t isa.
Aniya, “Prayers, patience, partnership. Kumbaga sa negosyo, partners kayo. Bago niyo kitain ‘yong tubo, syempre mag-iinvest kayo ng emotions…respeto sa isa’t isa di ba?”
Larawan mula sa Instagram account ni Christopher Roxas
Aside from that, mahalaga rin daw na yakapin ang flaws ng iyong partner dahil wala naman daw perpektong relasyon. Sa relasyon nilang mag-asawa, madalas din naman daw silang magkainisan. Pero kapag nariyan ang ang intimate moments nila ay tila nakakalimutan nilang matagal na silang ikinasal. Ang pakiramdam daw nila ay parang kailan lang sila kinasal.
“Importante na ini-embrace at inaa-acknowledge niyo ‘yong flaws ng isa’t isa,” saad ni Gladys Reyes.
Christopher Roxas sa mga pagsubok sa buhay
Naikwento rin nina Gladys Reyes at husband na si Christopher Roxas na dumanas sila ng matinding away na akala nila ay magiging dahilan na ng kanilang hiwalayan. Ito raw ay naganap noong 2012-2013 na tila dumaan si Christopher Roxas sa “midlife crisis” habang busy sa kaniyang showbiz career si Gladys Reyes.
“Sobra ‘yong tampo niya sa akin that time. Bukod sa pagiging abala, feeling niya hindi ko ina-acknowledge ‘yong nararamdaman niya,” kwento ni Gladys.
Noon daw kasi confrontational si Gladys pero nang mga panahong iyon ay wala umano siyang ganang makipagtalo. Akala tuloy ni Christopher ay hindi siya iniintindi ng asawa. At dahil gusto talaga ni Gladys na makabawi sa kaniyang husband ay bumili raw siya ng ticket pa-America para sa kanilang dalawa. Iyon daw ang first time nilang bumyahe na sila lang dalawa.
Kwento naman ni Christopher, “Buong buhay ko mas pinili ko naman siya kaysa sa karera ko e. Kumbaga, parati akong nasa likod lang. Kaya wala akong career sa showbiz na talagang pinupursigi dahil mas pinili ko siya.”
Larawan mula sa Instagram account ni Gladys Reyes
Bata pa umano si Christopher Roxas noon kaya naman di niya pa gaanong nauunawaan na ang lahat sa showbiz ay negosyo.
“Kahit anong gawin kong galing dito, hindi naman niya (manager) tinitingnan ‘yong galing e… so kailangan ko nang ibahin ‘yong mindset ko.”
Sa tingin ni Gladys Reyes noong panahon na iyon ay hindi pa nahahanap ng asawa ang strength nito. Bukod pa rito, ay masyadong totoo sa sarili ang asawa kaya mabigat para rito ang sistema sa showbiz.
Hinanap ni Christopher Roxas ang kaniyang strength at natagpuan ito sa industriya ng food business.
“Ano bang strength ko? Hinanap ko. Support group ko ang pamilya ko.”
Ngayon nga ay maayos ang takbo ng food business ng mag-asawa at tuloy pa rin ang mga proyekto sa showbiz ni Gladys Reyes at endorsement ng pamilya.
Katunayan ay mayroon umanong kani-kaniyang passbook ang apat nilang anak kung saan nila inilalagak ang mga ipon para sa future ng mga ito. Tuwing may endorsement din si Gladys Reyes kasama ang mga ito, ang kinikitang pera ay inilalagay din nila sa bank account ng mga anak.
Saad ni Gladys Reyes, isa rin marahil sa dahilan kung bakit tumagal ang relasyon nilang mag-asawa, ay hindi naging issue sa kanila kung sino ang may mas malaking kinikitang pera. Ang mahalaga umano ay pareho silang nagsisikap para sa kanilang pamilya.
Tinuturuan din daw ng mag-asawa ang kanilang apat na anak ng financial literacy at kung paano i-distinguish ang mga kagustuhan mula sa pangangailangan.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!