Growing your own vegetables indoors is easy. And here are some tips and tricks to help you.
Growing your own vegetables indoors
Growing your own vegetables indoors o pagtatanim ng mga gulay sa loob lang ng bahay, ang isa sa mga kinahihiligan ng marami sa ating mga Pinoy ngayon. Lalo na ang mga nakatira sa siyudad na may limitadong lugar o lupang puwedeng taniman tulad ng Maynila. Magandang paraan rin ito, hindi lang upang makapagtipid ng pera, kung hindi pati narin makapag-tipid ng oras. Dahil kung may tanim na gulay sa inyong bahay ay hindi mo na kailangang lumabas para mamalengke pa. Isa rin itong magandang pampalipas oras na produktibo at mai-enjoy mo at ng buong pamilya.
Ngunit upang hindi masayang ang iyong oras ay kailangan mong malaman ang tamang paraan kung paano magtanim ng gulay sa loob ng inyong bahay. Ang mga ito ay ang sumusunod paraan:
Paraan kung paano magtanim ng gulay sa loob ng inyong bahay
Ihanda ang buto o binhi ng iyong itatanim.
Ang unang paraan kung paano magtanim ng gulay sa loob ng inyong bahay ay ang pag-bili ng mga buto o binhi na iyong itatanim. Sa ngayon maliban sa mga home at gardening centers, ay mabibili narin ang mga ito online. Ayon nga kay Melinda Myers, isang Milwaukee–based gardener at author of ng higit sa 20 horticulture books mas marami nga raw ang iba’t-ibang klase ng buto na mabibili online.
“Some lesser known or less popular plants, or newer varieties, aren’t available yet in stores, so you have to start with seeds.”
Ito ang pahayag ni Myers na sinabing maari rin namang bumili ng mga tanim na tumubo na. Ngunit ito ay mas mahal kumpara sa mga seeds o buto pa lang.
Ihanda ang mga pot o containers na iyong pagtataniman.
Sunod na ihanda ang mga pot o containers na iyong pagtataniman. Puwede itong bilhin ngunit puwede rin namang gumamit ng mga recycled materials. Kahit anong containers ay maaring gamitin basta ito ay may lalim na 2-3 inches at may mga butas. Ang lalim ng container na pagtataniman ay depende sa halamang itatanim. Habang ang mga butas sa container ay mahalaga upang may paglalabasan ng sobrang tubig kapag nagdidilig. Upang hind malunod ang gulay o halaman na iyong itatanim.
Puwede rin namang gamitin ang mga containers na una mo ng pinagtaniman. Pero payo parin ni Myers mabuting hugasan at linisan ito para mapatay ang mga bacteria na maaring makasama sa seedlings na palalakihin mo. Gawin ito sa pamamagitan ng paghuhugas ng mga containers sa pinaghalong isang tasang bleach at isang gallon ng tubig. Siguraduhin babanlawan ang mga ito bago gamitin.
Maglaan ng parte ng inyong bahay na paglalagyan ng iyong mga tanim.
Ayon parin kay Myers, sa simula ng pagtatanim ng mga seedlings ay mabuting ilagay ang mga ito sa mainit na parte ng inyong bahay. Maaring sa harap ng bintana o sa gilid at kanto ng inyong bahay. Kapag nagsimula ng maglabasan ang binhi ay saka na ito ilipat sa parte ng bahay na maarawan o makakatanggap ng kahit na artificial light.
Ihanda na ang lupa at mga seedlings na itatanim.
Kapag handa na ang iyong mga gamit sa pagtatanim, ay mag-ipon na ng lupa. Mas mabuti kung ang lupa ay may dumi ng hayop upang ito ay mas maging malusog. Pero upang hindi na mahirapan pa ay may mga potting mix naman ng ibinebenta sa mga home at gardening centers na sigurado ka sa quality. Kailangan lang na ang lupang pagtataniman ay mamasa-masa o moist. Hindi ito dapat tuyo o sobrang basa upang masigurong mabubuhay ang iyong punla.
Samantala, pagdating sa mga seeds o buto may ilan sa mga ito ang seasonal. Kaya naman mas makakabuting kapag bibili ng seeds ay itanong muna sa gardening center kung kailan ang pinakamainam na panahon na itanm ito. Pero madalas dito sa ating bansa, karamihan naman ay puwedeng itanim sa kahit anong panahon. Siguraduhin lang na masusunod ang temperature na kailangan ng bawat halaman upang mabuhay.
Pagtatanim ng mga seeds o punla
Pagdating sa pagtatanim ng mga seeds o halaman ay may kanya-kaniyang lalim ng hukay ang kailangan sa pagtatanim. Para magkaroon ng ideya ay narito ang ilan sa mga gulay na hindi nawawala sa mga putaheng Pilipino na maaring mapatubo sa loob ng inyong bahay.
Sibuyas
Kung gagamit ng mga buto ng sibuyas sa pagtatanim ay kailangang gumamit ng malaking container. I-sprinkle ang mga buto sa ibabaw ng lupa at i-cover ng kaunting lupa ng bahagya. Kung gagamit naman na ng sets o transplants sa pagtatanim ay itanim ito sa lupa ng 1-inch ang lalim. Lagyan naman ng 4-5 inches na layo ang bawat punla na itatanim. At 12-18 inches naman ang layo ng bawat row ng iyong tanim.
Samantala, ang mga buto naman ng sibuyas na itinanim ay kailangan ng 6 linggo upang maging binhi. Kapag ang mga ito ay umabot na sinabing gulang ay maari na itong ilipat o itanim base sa nauna ng nabanggit na lalim at distansya ng kada onion transplant.
Ang palatandaan kapag ang sibuyas ay malapit ng anihin ay kapag naninilaw na ang tops o dahon sa ibabaw nito. Kapag naging kulay brown ang mga tops nito ay saka na ito puwedeng hugutin o anihin.
Ang mga green onions ay maari ng anihin sa loob ng 20-30 araw matapos itinanim. Habang ang mga oiion bulbs naman ay aabutin ng 100-175 na araw upang ganap na tumubo at lumaki.
Bawang
Para naman sa bawang ay maghanda ng mga butil nito na nais mong itanim. Saka ilubog ito sa lupa na 2 inches ang lalim at 4 inches naman ang layo sa isa’t-isa. Ang butil ng bawang na may ugat o palapad ang dapat nakalubog sa lupa pababa. Samantalang ang patulis na dulo nito ang dapat nakaharap pataas.
Kapag nagsimula ng manilaw ang ibabaw o tops ng bawang na iyong itinanim ay unti-unti ng hugutin ang bulb o bunga nito gamit ang maliit na pala.
Ang green garlic ay maaring tumubo sa loob lang ng 7-10 araw sa loob lang ng bahay. Upang mabuhay naman ang garlic bulbs ay kailangang ilipat ito sa labas ng bahay at kailangang mag-antay ng hanggang sa 8-10 buwan para ito ay maani na.
Kamatis
Kung gagamit ng buto ng kamatis sa pagtatanim ay patubuin muna ito sa isang seedbed o seedtray. Ang mga buto ay dapat nakalubog lang ng bahagya sa lupa. Diligan ito araw-araw. Ingatan na huwag sumubra sa tubig sa pagdidilig. Makalipas ang lima hanggang pitong araw, tutubo na ang mga kamatis at maglalabasan na ang binhi nito. Kapag ang binhi ay tumaas o lumaki na ng 4 inches ay puwede na itong ilipat sa mas malaking container. Mainam kung ang container na gagamitin ay may 18-24 inches na taas at 15-20 inches ang lapad. Ito ay upang mas magkaroon ng espasyo ang ugat ng kamatis habang ito ay lumalaki.
Sa pagtatanim ay dapat ilubog ang kamatis sa lupa na may lalim na 1-2 inches. At dapat kada binhi ay mayroong 12 inches ang layo sa isa’t-isa. Siguraduhing maitatanim ang kamatis sa nasabing lalim upang hindi ito sirain ng insekto at peste.
Kailangan ang halamang kamatis ay ilalagay sa lugar na makakatanggap ito ng sapat na liwanag. Kinakailangan nitong ma-expose sa liwanag ng 10 oras kada araw. Dapat ay diligan rin ito araw-araw na iingatang hindi malulunod ang halaman kung hindi, ito ay masisira.
Matapos ang tatlo o mahigit pang buwan, ay magkakaroon ng bunga ang iyong kamatis at maari na itong anihin.
Kalamansi
Tulad ng kamatis ay maaring simulan ang pagtatanim ng kalamansi gamit ang buto nito. Para simulan ang pagtatanim ay tanggalin muna ang outer layer ng buto ng kalamansi o ang madulas na coat na nakabalot rito. Kung ang kalamansi seeds na iyong gagamitin ay iyong binili sa isang gardening center ay naalis na ang outer layer na ito. Ngunit kung ang buto na iyong itatanim ay kinuha mo mismo mula sa bunga ng kalamansi, ay mahalagang huwag mong kaligtaan ang hakbang na ito.
Kapag naalis na ang outer layer ng kalamansi seeds ay agad ng itanim nito. Kailangan mo ng patubuin ang mga binhi mula sa buto ng kalamansi. Gawin ito sa pamamagitan ng paglabalot sa mga buto ng basang papel towel. O kaya naman ay deretsong ilagay ang mga buto sa basang lupa at takpan lang ito ng bahagya. Takpan o i-cover ang pot na pinagtaniman ng plastik upang makuha nito ang init na kailangan upang tumubo ang mga buto. Kung ang kalamansi seeds ay ibinalot sa paper towel ay dapat ring ilagay ito sa loob ng resealable plastic bag na bahagyang bukas upang mapasukan ng hangin.
Makalipas ng 3 araw ay magsisimula ng maglabasan ang binhi ng kalamansi sa mga binalot sa paper towel. Maari na itong ilipat sa small pot upang mas tumubo. Samantala, ang mga buto naman na itinanim ng deretso sa pot ay kailangan ng 5 araw upang magka-binhi. Saka matapos ng 6 na linggo ay lalaki na ang halaman ng kalamansi. At ito ay maari ng mailipat sa mas malaking container upang doon tuluyang tumubo at mamunga.
Lettuce greens
Isa ang lettuce sa mga gulay na madaling itanim at mabilis anihin. Mag-saboy lang ng mga buto sa isang malaking container. Bahagyang tabunan ito ng lupa at saka isprayhan ng tubig upang mabasa. Ito ay dapat mamasa-masa lang at hindi mababad sa tubig. Dahil kung hindi, ito ay mamatay. Ilagay lang ang mga itinanim na lettuce seeds sa lugar sa inyong bahay na naarawan. At i-sprayhan lang ito ng tubig upang masigurong basa. Kapag umusbong na ang mga binhi ng lettuce ay saka ito ayusin at anihin kapag ganap ng lumaki. Sa paghaharvest ay tanggalin lang ang outer leaves ng lettuce at iiwan ang gitna nito upang patuloy parin itong umusbong at tumubo.
Carrots
Ang pagtatanim ng carrots sa loob ng inyong bahay ay nangangailangan ng mas malalim na container. Para sa maliliit na variety ng carrots ay kailangan ng pot na may lalim na hindi bababa sa 8 inches. Para sa mahahabang variety naman ay kailangan ng 12 inches na lalim ng container. Itanim ang mga buto ng carrots sa ¼ inch ng lalim sa lupa. Siguraduhin lang rin na lagi itong mamasa-masa at naarawan. Kapag tumubo na ang mga binhi mula sa buto ng carrots ay ayusin ito at ilayo sa isa’t-isa na 1-inch ang distansya. Kada dalawang linggo ay magtanim ng bagong batch ng carrots na inyong magugulay.
Luya
Ang luya ay isa sa mga halamang mabilis itanim. Ibabad lamang muna ang mismong bunga nito sa tubig ng ilang oras. Saka ilagay sa malaki at hindi kalalimang container. Bahagya lang itong tabunan ng lupa at siguraduhin laging mamasa-masa.
Okra
Ibabad ang buto ng okra sa isang tasa ng maligamgam na tubig magdamag. Ito ay para lumambot ang seed coat nito. Matapos maibabad ng magdamag ay saka maglubog ng 3-5 piraso ng buto ng okra sa 1inch deep na lupa. Dapat ang kada inilubog na okra seeds sa lupa ay may layong 3 inches sa bawat isa. Panatilihing mamasa-masa ang itinanim na buto hanggang sa maglabasan ang binhi nito.
Siguraduhin rin na maarawan ito ng hindi bababa sa 8 oras kada araw. Maari ring gumamit ng liwanag na magmumula sa fluorescent bulb o mas kilala sa tawag na artificial light. Kapag tumubo na ang binhi ng okra na may 3 inches ang taas ay saka palang ito maaring ayusin o ilipat sa mas malaking lalagyan. Ugaliing diligan ito araw-araw at siguraduhing nakakakuha ng liwanag at naarawan.
Monggo
Maglubog ng monggo seeds sa lupa ng 2 centimeters ang lalim. I-sprayhan ng tubig ang itinanim na buto at panatilihin itong mamasa-masa. At siguraduhing nasisikatan ng araw.
Sayote
Magtabi ng isang buong sayote sa madilim na parte ng inyong bahay, maaring sa garahe o likurang parte ng inyong bahay. Hayaang umusbong ang binhi mula sa buto ng sayote. Kapag tumaas na ng 6-inches ang binhi ay ilipat ito sa 5-gallon na container. Saka ilubog sa lupa ang buong sayote sa gitna ng container. Dapat ay nakalubog ang buong bunga ng sayote. Diligan ito at ilagay sa lugar sa inyong bahay na naarawan. I-pwesto ito malapit sa bakod o grills na kung saan mayroon itong pagagapangan kapag lumaki na.
Ilan lamang ito sa mga gulay na maari mong itanim sa loob ng inyong bahay. Di ba growing your own vegetables indoors is easy? Kailangan mo lang ng oras upang ito ay magawa ng tama at mabuti. At sundin ang mga tips na nabanggit kung paano magtanim ng gulay sa loob ng inyong bahay.
Featured image source: Unsplash
Source:
Healthy House Plants, Greenhouse Today, GoodHouse Keeping, Real Living, HomeGuides
Basahin:
Paano mapakain ng gulay ang batang pihikan sa pagkain?