Nakakasama ang hamog sa baby? Gaano ito katotoo?
Mababasa sa artikulong ito:
- Masama ang hamog sa baby, gaano ito katotoo?
- Mga karaniwang sanhi ng sipon sa mga bata
- Hamog, maaring magdulot ng sakit sa baby – may katotohanan ba ito?
- Paano gagamutin ang sipon ng bata?
Masama ang hamog sa baby, gaano ito katotoo?
“Huwag mong ilabas si baby, baka mahamugan.”
May katotohanan ba ang paniniwalang ito? Alamin ang pananaw ng isang doktor tungkol sa hamog sa baby.
Mahirap magkasakit. Lalo na sa panahon ngayon kung kailan limitado ang pagpunta sa ospital, lalo na ng mga bata.
Dati, kaunting ubo’t sipon lang ni baby, puwede na natin siyang dalhin sa doktor para matingnan agad. Pero ngayon, hindi basta-basta makakapunta ng ospital kaya kailangan mo munang obserbahan ang iyong anak sa bahay.
Isa sa mga karaniwang dinadaing ng mga magulang lalo na ang first-time moms ay kapag nagkakasipon ang kanilang anak. Ano ba ang tamang gawin kapag sinisipon si baby?
Minsan, makakarinig pa sila ng mga payo at paniniwala tulad ng kapag nahamugan ang isang sanggol ay magkakasipon ito. Mayroon bang basehan ang paniniwalang ito? Anong kinalaman ng hamog sa pagkakaroon ng sakit ni baby?
Para malaman ang kasagutan, kumonsulta kami kay Dr. Romina Gerolaga, isang pediatrician at eksperto sa pediatric pulmonology mula sa Makati Medical Center tungkol sa tanong na ito.
Ang mabilis na sagot – hindi mismo ang hamog ang nakakapagdulot ng sipon sa baby, kundi maaring ang pagpapalit ng panahon. Para lubos na maintindihan ito, makakatulong na alamin ang mga posibleng sanhi ng sipon sa bata.
Mga karaniwang sanhi ng sipon ng bata
Isa sa mga sakit na madalas maranasan ng mga bata ay ang sipon. Kadalasan, ang sanhi ng sipon ng bata ay mula sa dalawang bagay at hindi kasama dyan ang hamog sa baby. Ito ang mga sumusunod:
-
Virus
Ayon kay Dr. Gerolaga, karaniwan talaga sa mga maliliit na bata ang magkaroon ng sipon ilang beses sa loob ng isang taon.
“Sa mga batang edad 5 pababa, karaniwan sa isang buong taon, about 6 to 8 times nagkakaroon ng sipon na caused by a virus.” aniya.
Pero bakit nga ba napakadaling kapitan ng virus ng isang bata?
Una, ito ay dahil nagde-develop pa lamang ang immune system ng bata at kailangan ng panahon para tumibay ito. Dahil rito, mabilis silang mahawa kung mayroong tao sa paligid nila na may sakit.
Pangalawa, hindi pa ganoong kaingat ang mga sanggol sa mga bagay sa paligid nila. Maaaring mayroon silang mahawakang bagay na may dalang mikrobyo, at isusubo nila ang kanilang kamay, o hahawak sa kanilang ilong o mata na magiging dahilan para magkaroon sila ng infection.
-
Allergies
Paano malalaman kung allergy ang sanhi ng sipon ng isang bata? Ayon kay Dr. Gerolaga, kailangang obserbahan mo ang iyong anak at pansinin kung nagpapakita ba siya ng mga sintomas ng allergy.
Narito ang mga karaniwang senyales ng allergy sa mga bata:
-
- Lagi ba siyang may tumutulong sipon na puti?
- Lagi bang nangangati ang kaniyang ilong at mata?
- Namumula ba ang mata minsan tapos mawawala pagkaraan ng ilang oras o minuto?
- Barado ang ilong.
- Laging bumabahing lalo na sa umaga?
“Kapag allergies, karaniwan, sa umaga ito nangyayari.” ani Dr. Gerolaga. “Kung hindi man sa umaga, maaring nati-trigger ito ng mga allergens sa paligid gaya ng alikabok.”
Maaari ring magdulot ng allergies o asthma ang secondhand smoke, o kapag nakalanghap ang bata ng usok ng sigarilyo.
Kapag isa o higit pa sa mga apat na senyales na nabanggit, at nangyayari ito nang madalas, marahil ay allergic rhinitis ang sanhi ng sipon ni baby.
Subalit kung ang sipon ng bata ay kulay yellow o green, nanggagaling lang sa isang butas ng ilong, may masakit sa bahagi ng pisngi o nagdurugo ang ilong, hindi ito nagmula sa allergy at dapat na kumonsulta sa isang doktor.
Hamog, may kinalaman ba sa sipon ni baby?
Isa sa mga bagay na madalas ituro (lalo na ng matatanda) kapag nagkakasipon ang isang sanggol ay ang hamog. Maaaring nagkasipon si baby dahil lumabas siya sa gabi at nahamugan siya. Kaya ang tanong ng mga magulang masama nga ba ang hamog sa baby?
Ayon kay Dr. Gerolaga, hindi mismo ang hamog ang may sanhi ng sipon kundi ang paglamig ng panahon.
May mga pagkakataon kasi na lumalabas ang mga sintomas ng allergy sa isang tao kapag nag-iiba ang panahon o kapag malamig.
“May mga iba kasi, lalo na sa allergies, puwedeng dahil sa lamig. Maaaring iyon ang nag-trigger ng sipon niya, but not necessarily yung hamog itself,” pahayag ni Dr. Gerolaga.
Ang mga sakit o sipon ng bata na lumalabas kapag malamig ay tinatawag ring seasonal allergy o seasonal asthma.
Kwento ni Dr. Gerolaga, dito sa bansa, dumarami ang kaso ng mga batang nagkakasakit ng ubo at sipon sa mga tinatawag na Ber months kung kailan lumalamig ang panahon.
“Nararamdaman naming mga pulmunologist, pagdating ng ber months, mas inuubo, mas ina-asthma kasi nga mas malamig na ang panahon at mas maraming tao na doon nati-trigger.” aniya. “So hindi ‘yong hamog sa gabi but rather, more on the season changes.”
Paano gagamutin ang sipon ni baby?
Dependa sa sanhi ng sipon ng iyong anak kung ano ang tamang lunas para sa kaniyang sipon.
Kung virus ang dahilan, maaring makatulong ang mas madalas na pagpapadede o pagbigay ng tubig sa bata, samahan na rin ng sapat na pahinga.
Sa mga sanggol, iniiwasang bigyan sila ng maraming gamot kaya supportive treatment na lang ang ginagawa, o tinutulungan lang si baby na mailabas ang sipon. Magagawa ito sa pamamagitan ng nasal drops na inilalagay sa ilong ni baby at hinihigop ang sipon gamit ang bulb syringe o nasal aspirator.
Kung allergies naman ang sanhi ng sipon, maaaring bigyan ang bata ng gamot gaya ng antihistamine. “Karaniwan, pine-prescribe ito ng doktor. Kung ano yung dosage na binigay ng doktor, iyon ang ibibigay. Safe naman po ‘yon,” ani Dr. Gerolaga.
Makakatulong din ang mga sumusunod para hindi ma-trigger ang allergies ng iyong anak:
- Panatiliing malinis ang hangin sa bahay. Gumamit ng air purifier o humidifier sa kwarto ni baby.
- Ugaliing magpalit ng mga sapin sa kama at unan linggo-linggo para maiwasan ang alikabok.
- Alamin rin kung may allergy ang iyong anak sa balahibo ng hayop para maiwasan ang paglapit dito.
Kung barado ang ilong ng iyong anak at siya ay higit 2-taong gulang, maari na siyang bigyan ng decongestant, pero tandaan na hindi dapat ito ibigay ng higit sa 5 araw.
Huling payo ni Dr. Gerolaga, importante na palakasin ang immune system ng bata at obserbahan kung lumalala ang kaniyang mga sintomas. Kapag napansin ang sintomas ng sipon sa iyong anak na may kasamang lagnat at hirap sa paghinga, kumonsulta na sa kaniyang pediatrician.
Walang kinalaman ang hamog sa pagkakaroon ng sipon ni baby o hindi masama ang hamog sa baby. Pero hindi naman masamang maging maingat lalo na sa panahon ngayon.
Kaya iwasan munang ilabas si baby kung hindi kailangan. Panatiliin ring malinis ang kamay ni baby at ang inyong kapaligiran upang makaiwas sa mga sakit na dala ng virus.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.