Matapos ipa-check up ang kaniyang anak, uuwi na sana sina Mommy Madelyn Bercasio Gurango at ang kaniyang baby boy ngunit naisip niya na bigyan ng reward ang anak niya dahil naging maganda ang resulta ng check-up nito. Nawala na ang ubo at sipon ng bata, at tumaas pa ang timbang nito. Dinala niya ang kaniyang anak sa isang playground sa kalapit na mall. Subalit ang masayang experience sana na ito para sa kaniyang chikiting ay naging bangungot para sa kanilang pamilya dahil nakasagap si baby ng Hand Foot and Mouth Disease sa palaruan!
Simula ng sintomas
Isang araw matapos pumunta sa mall playground, tumawag ang nanay ni Mommy Madelyn sa kaniyang opisina upang ipaalam na nilalagnat ang kaniyang baby. Pagka-uwi niya, nadatnan niya ang kaniyang anak na suka nang suka at may mataas na lagnat. Binantayan niya ito nang magdamag. Kinabukasan ay bumuti na ang lagay ng bata ngunit mag mga nagsilabasan na rashes mula sa paa nito paakyat hanggang bibig.
Nag-desisyon na si Mommy Madelyn na dalihin sa opsital ang kaniyang chikiting. Unang tingin pa lamang daw ng duktor sa palad at talampakan ng bata, nag-suspetya na agad ito na Hand Foot and Mouth Disease ang sakit ng bata.
Hand foot and mouth disease
Ang hand foot and mouth disease o HFMD ay lubos na nakakahawang viral infection na karaniwang nakukuha ng mga baby at mga batang 5 taon pababa. Naipapasa ito sa pamamagitan ng direktang kontak sa discharge ng ilong o lalamunan, laway, fluid galing sa paltos, o dumi ng infected na bata.
Bagaman hindi ito nakamamatay, lubos naman itong nagdadala ng discomfort sa nahahawa rito dahil sa mga singaw, rashes, at sugat. Walang gamot para sa Hand Foot and Mouth Disease. Maaari lamang maibsan ang sakit gamit ang over-the-counter drugs para sa sakit at mga throat and mouth sprays para sa singaw.
Ang mga karaniwang unang sintomas nito ay:
- Lagnat
- Walang ganang kumain
- Sore throat
- Masamang pakiramdam
Nasusundan ito ng mga sintomas katulad ng:
- Masasakit na singaw o ulcers sa bibig, lalamunan, at dila
- Rashes o paltos sa mga palad, talampakan o puwet
- Pagsusuka at pagtatae
Paano maiiwasan
Kasalukuyang walang bakuna laban sa Hand foot and mouth disease. Ngunit may mga simpleng paraan na maaaring gawin upang hindi magkahawaan ang mga bata sa bahay, paaralan, o mga pampublikong lugar.
- Parating maghugas ng kamay gamit ang tubig at sabon, mas lalo na kung galing sa banyo, matapos magpalit ng diapers, at bago kumain. Kung hindi makakapaghugas ng kamay, gumamit ng alkohol o hand sanitizers.
- Linisan at i-disinfect ang mga lugar at mga gamit na karaniwang ginagamit ng mga bata para maiwasan ang pagkalat ng sakit. Maaari kasing mabuhay ang virus sa mga lugar o bagay na ito kahit ilang araw na ang nakalipas.
- Turuan ng tamang pangangalagang pangkalusugan ang bata. Paalalahanan na kung bakit hindi rapat isinusubo ang mga kamay o mga gamit.
- Lumayo muna sa mga batang apektado ng HFMD. Huwag gamitin ang kanilang mga kubyertos o baso.
Para sa lubos na kaalaman sa sakit na ito, basahin ang artikulo na ito.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!