Sobrang hirap ang lumaki sa broken at traumatic family. Mahirap sa part natin bilang magulang na hinaharap ang mga pangit at masasakit na karanasan para maghilom sa pinagdaanan noong bata pa tayo habang bumubuo ng sarili nating pamilya.
Bilang isa ako sa produkto ng broken family, takot ako na mapasa o ma-adopt ng anak ko yung hindi magandang culture na kinalakihan ko sa aking mga magulang at pamilya. Kaya ngayong na i-experience ko ‘yong ganun sitwasyon sa sarili kong pamilya, nasasaktan ako para sa baby ko.
Doble ang sakit sa part ko dahil alam ko ang hirap kapag ganun ‘yong makakalakihan at makakasanayan niya. Mga walang humpay na sigawan, awayan, bangayan at walang peace of mind sa loob ng sariling bahay. ‘Yong sitwasyon na hindi niya pinili pero wala siyang choice kundi i-deal at harapin.
Kaya saludo ako sa ibang parents o nanay na nakaya nilang itaguyod at alisin ang kanilang pamilya sa ganung sitwasyon. Sa ngayon, bilang single mom, pinipilit ko yung best ko na palakihin ng maayos at masaya ang aking anak.
Gusto kong ipaliwanag sa kanya balang araw na kahit hindi man kami buo at happy family, ang pagmamahal at pagkalinga ko sa kanya ay buong-buo at hindi magbabago. Susuportahan at gagabayan siya sa kung ano ang pangarap at gusto niyang abutin basta ito ay tama. Gagawin ko ang lahat para maranasan niya yung hindi ko naranasan noong ako’y bata pa.
Kapag galing ka sa broken family at magkaron ng sarili mong pamilya, nag-iiba ang mindset at maturity natin. Ginagampanan nating mabuti yung tungkulin natin at nagiging responsable talaga tayo. Halimbawa na lang si Andie Eigenmann, isa talaga siya sa mga hinahangaan ko pagdating sa pagiging responsableng magulang at nanay pati na rin sa pagpapalaki ng anak.
Hindi naging hadlang yung past niya at ng family niya para palakihin ng tama ang kanyang mga anak. Gaya rin ni Kylie Padilla, na single mom, nakaka-inspire yung pagiging matatag niya.
Sa lahat ng single mom, single parent o kahit ano pang tawag, laban lang tayo para mapalaki natin ang ating mga anak ng maayos, masaya, may takot sa Diyos, may respeto sa kapwa, at mapagmahal.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!