Kinakailangan natin ng dobleng pag-iingat at paghahanda, dahil kung init na init na tayo ngayong Abril ay mas titindi pa umano ang init ng panahon sa darating na Mayo. Katunayan, maaari daw umabot ng extreme dangerous ang level ng heat index.
Heat index sa Mayo posibleng umabot ng “extreme dangerous” level na 52°C
May mas iinit pa pala ang nararanasan nating init ngayon. Ayon kasi sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), mas lalala pa ang init ng panahon sa paparating na buwan ng Mayo.
Lalampas pa ito sa nararanasan natin ngayong humigit 40°C heat index. Asahan daw na papalo ng 52°C o higit pa ang heat index sa May 2024.
“May mga pagkakataon kasi nitong mga nagdaang taon na umaakyat din sa 50 to 52°C ‘yung ating heat indices kaya hindi rin siya malabong ma-experience din for the first two weeks of May,” ani PAGASA weather specialist Benison Estareja sa isang interview.
Nilinaw din naman ni Estareja na hindi pa naman umaabot sa puntong nakararanas na ng heat waves ang bansa.
‘”Yung heat wave naman so far wala pa naman tayong na–experience na ganyan. At makakapagtala lamang tayo ng heat wave kapag way above the average or normal temperature,” aniya.
Isa ang El Nino sa dahilan kung bakit nakararanas ng warm at dry season ang ating bansa ngayon. At kahit humina pa ang El Nino, ang epekto nito ay patuloy na mararamdaman hanggang sa June.
Larawan mula sa Freepik
Nagbigay babala rin ang PAGASA na hangga’t maaari ay iwasan ang paglabas ng bahay o pagpunta sa maiinit na lugar mula alas-10 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon. Ito ay upang makaiwas sa banta ng heat stroke o iba pang sakit na maaaring maranasan dulot ng matinding init.
Bukod pa riyan, paalala rin ng PAGASA na uminom ng maraming tubig. Iwasan muna ang pag-inom ng tsaa, kape, soda, at alak. Gumamit din ng payong, sombrero, at may manggas na damit kung lalabas ng bahay. Kung may gagawin naman na heavy-duty activities, mabuting gawin ito sa umaga o kaya naman ay sa hapon, kung saan ay hindi na matindi ang init.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!