Nag-agaw buhay ang inang si Louise Double, 31, mula sa UK, matapos siyang makaranas ng komplikasyon matapos manganak. Nalaman lang ng mga doktor na mayroon pala siyang kondisyon na naging dahilan upang magkaroon siya ng organ failure.
Ang kaniya raw kondisyon ay tinatawag na HELLP, at sana ay maaga pa lamang naagapan agad ito. Ating alamin kung ano ang nangyari kay Louise, at kung paano malalaman ang HELLP syndrome symptoms.
Nagkaroon siya ng double organ failure
Inakala ni Louise na walang magiging problema sa kaniyang panganganak dahil wala naman siyang naranasang mga kakaibang sintomas. Ngunit nang magsimula na siyang mag-labor, dahan-dahan nang bumagsak ang kaniyang kalusugan.
2 linggo daw late ang kaniyang labor, at humihina ang tibok ng kaniyang sanggol. Dahil dito, nagmadali ang mga doktor na bigyan siya ng assisted delivery para mailabas ang kaniyang sanggol ng ligtas.
Sa kabutihang palad, wala namang naging problema ang panganganak ni Louise. Malusog ang kaniyang sanggol, at wala itong sakit.
Pero matapos niyang manganak ay bigla na lamang daw nanghina ang katawan ni Louise. Nagkaroon raw siya ng organ failure, at tumigil ang kaniyang liver at kidneys. Kinailangan siyang bigyan ng emergency liver transplant, dahil posible niyang ikamatay ang kaniyang kondisyon. Inilagay rin siya sa dialysis dahil hindi na gumagana ang kidneys niya.
Isang buwang nagpagaling si Louise, at dahil dito hindi niya man lang nakasama ang kaniyang bagong silang na anak. Ang mahirap pa rito ay mag-isa lamang si Louise sa ospital habang nagrerekober sa kaniyang karamdaman.
Huli na nang malaman nila na mayroon siyang HELLP
Napag-alaman na ang sakit pala ni Louise ay tinatawag na HELLP, na nakakasira ng mga blood cells. Hindi niya inakala na ang sintomas na naranasan niya habang nagbubuntis ay ang mga HELLP syndrome symptoms na pala. Isa na rito ang pangangati na inakala niyang psoriasis lang.
Dahil sa nangyaring live transplant, kinakailangan ni Louise na uminom ng gamot upang hindi ma-reject ang kaniyang bagong liver. Hindi pa rin gumagaling ang katawan niya sa naranasang trauma, at hindi pa naghihilom ang sugat sa ginawang liver transplant sa kaniya.
Ngunit umaasa siyang gagaling rin siya balang araw. Sa ngayon, gusto niyang magpalakas para lubos na maalagaan ang kaniyang anak.
Ano ang HELLP syndrome symptoms?
Ang HELLP, ay katulad rin ng sakit na preeclampsia na nangyayari sa mga nagbubuntis. Ang ibig sabihin nito ay Hemolysis, Elevated Liver enzymes, at Low Platelet count.
Mahirap itong i-diagnose, lalo na kung walang mataas na blood pressure at platelets sa ihi ang isang ina. Ngunit mayroon pa rin itong mga sintomas na dapat alamin para malaman ng mga ina kung kailangan ba nilang magpa-test para sa kondisyong ito.
Heto ang HELLP syndrome symptoms na dapat malaman:
- Pananakit ng ulo
- Pagsusuka pagkatapos kumain
- Pananakit ng abdomen o dibdib na dahil sa pamamaga ng atay
- Pananakit ng balikat, o masakit na paghinga
- Pagdurugo
- Pagbabago sa paningin
- Pamamaga ng katawan
- Mataas na blood pressure
- Platelets sa ihi
Sa ngayon, wala pang paraan upang maiwasan ang HELLP. Ngunit sa pamamagitan ng pagpapacheckup kada buwan, malalaman agad ng mga ina kung mayroon ba silang ganitong kondisyon.
Mahalaga na maaga pa lamang ay malaman kung may HELLP ang isang ina, upang makaiwas sa mga komplikasyon, tulad ng naranasan ni Louise.
Source: Media Drum World
Basahin: Itanong kay Dok: Mga dapat na alamin kapag nagbubuntis
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!