Sa bawat pagbubuntis, siguradong madami kang tanong. Pero minsan, nasa kultura na nating mga Pilipino ang pagiging mahiyain o pagdududa kung dapat nga bang itanong o hindi. Kahit na simpleng tanong gaya ng “Pwede bang uminom ng kape?” o mas mahirap na tanong tulda ng “Ano ba ang Apgar score?”
Hindi dapat ikahiyang magtanong sa iyong OB-Gyne dahil siya ang iyong katuwang sa 9 na buwan na pagbubuntis.
Kung ito man ay tanong na medikal, tungkol sa nararamdaman, o dahil curious ka lang, kahit na parang nakakatawa o weird, ika nga, itanong mo pa rin, kaysa pagsisihan mo at di mo malaman ang sagot ng eksperto sa kalagayan mo.
Ano ang nga ba ang dapat itanong?
SA UNANG TRIMESTER
1. Ano ba ang epekto ng mga niresetang gamot at mga gamot na nabibili ng over-the-counter, sa aking pagbubuntis?
Lahat ng gamot na isusubo o mapupunta sa sistema ay kailangang itanong sa doktor, bago subukin. Bitamina man, herbal, o para sa simpleng sakit ng ulo, huwag na huwag iinumin ng walang payo ng doktor. Maipapaliwanag ito ng mabuti ng iyong doktor.
2. Ligtas bang makipagtalik? Pwede pa bang makipagtalik habang di pa gaanong malaki ang tiyan?
Madami kasing magpapayo sa ‘yo ng kung anu-ano at iba-iba, kaya’t malilito ka na kung ano nga ba talaga ang totoo. Kausapin ang iyong OB-Gyne tungkol dito at huwag mahiyang itanong kung ano ang hindi pwede at kung ano ang ligtas pagdating sa sex.
3. Pwede pa bang mag-ehersisyo?
Marami ding nagsasabi, lalo na ang mga lola natin, na hindi dapat gagalaw masyado at hindi dapat nag-eehersisyo. Ngunit maraming siyentipikong pag-aaral ang nagpapaliwanag ng maraming benepisyo ng ehersisyo para sa buntis.
Tandaan na lahat ng tao ay may pagkakaiba. Itanong sa iyong doktor kung kaya ba ng katawan mo o kung may komplikasyon ba kung gagawin mo ito? May mga ehersisyo na dapat iwasan, at may mga ehersisyong makakabuti sa iyong kalagayan. May mga ehersisyo din na kaya pa sa una at ikalawang trimester, pero dapat munang itigil kapag manganganak na.
4. Masama ba talaga ang kape sa buntis?
Para sa mga coffe lovers, ito ang isa sa mga napakahirap itanong dahil marahil, ayaw mong marinig ang sagot ni Dok. May mga nagsasabing limitahan ang caffeine kapag buntis. Ang isang mas importanteng itanong ay kung ano ba ang mga pagkain na may caffeine. Tandaan na hindi lang kapeng inumin ang may caffeine. Nariyan ang soda, tsaa at tsokolate.
5. Anong pagkain ang bawal?
Ito na siguro ang may pinakamaraming pamahiin sa lahat. Ngunit tanging ang doktor mo lang ang makakasagot nito para sa iyo, dahil iba-iba din ang kalagayan ng lahat ng babaing nagbubuntis.
Karaniwang pinagpaiwas ang mga buntis sa mga hindi luto tulad ng sushi at sashimi, at mga rare at medium-rare na luto ng steak, dahil may mga taglay itong organismong tinatawag na toxoplasmosis.
Ayon sa mga pagsasaliksik, ito ay sanhi ng mga birth defects. Ang mga soft cheese naman ay unpasteurized at maaaring may Listeria. Ito ay isang organismong napatunayang nagiging sanhi ng mga sakit at maaaring maging sanhi ng still birth. Huminhi sa iyong doktor ng listahan ng mga pagkain dapat iwasan upang di maka-apekto sa iyong dinadalang sanggol.
SA IKALAWANG TRIMESTER
6. Ano ba ang epekto ng stress sa isang buntis?
Sa pagpasok ng ikaapat na buwan ng pagbubuntis, napakarami nang pagbabago ang nararamdaman, kaya’t nagsisimula na ang stress. Lahat ng iniisip at nararamdaman mo ay nararamdaman ng iyong sanggol. Kahit na personal ito, makakatulong na makipag-usap sa iyong OB-Gyne at ipaalam kung anu-ano nga ba ang mga tinatawag na stressor sa iyo sa puntong ito para matulungan ka kung pano maiibsan ang mga pag-aaalalang ito. Maaaring may mairekumenda siyang therapist o support group para sa iyo.
7. Dapat ba akong magbawas o magdagdag ng timbang? Bakit?
Nararamdaman mo na bang bumibigat ka? O di kaya nama’y hindi nadadagdagan ang timbang mo, o mas malala, nababawasan pa ito? Ang isang karaniwang babala sa mga nagdadalantao na patuloy na nagdadagdag ng timbang ay ang pagkakaroon ng gestational diabetes. Ngunit ano pa nga ba ang epekto ng timbang sa iyong pagbubuntis. Ito ay isang magandang usapan at diskusyon ninyo ng iyong doktor sa puntong ito, para malaman mo kung ano ang nararapat na timbang para sa kalagayan mo.
8. Normal bang magkaron ng vaginal discharge?
Madalas na sagot dito ng mga nagbuntis na ay, “Oo.” Dahil na rin sa hormonal change at upsurge, at pagdaloy ng dugo sa pelvis, natural lang ito. Kumunsulta o tumawag sa doktor kung may pananakit, hapdi, pangangati na nararamdaman at kung may mabahong amoy ang lumalabas sa iyo. Ito ay maaaring hudyat ng impeksiyon. Di kaya naman, baka ang bahay tubig mo ay pumutok na.
IKATLONG TRIMESTER
9. Kailan nga ba dapat tumawag sa doktor?
Natural lang na maging takot o paranoid pa nga, kapag ikaw ay malapit nang manganak. Sa iyong pre-natal check up, itanong sa iyong doktor kung anong kondisyon o kalagayan ba ang dapat na itawag sa kaniya.
Kadalasan, kapag may pagdurugo o paninigas ng tiyan, ay dapat na itawag kaagad. Ang pagsusuka, mataas na lagnat at malalang pagdumi ay dapat ding itawag. Maaaring hindi naman ito malubha, pero mabuti na ring alamin kung ano ang dapat gawin. Huwag na huwag hulaan ang kalagayan. Itanong ito agad da iyong doktor.
10. Di kaya ako magdumi habang nanganganak/umiiri?
Dapat mong malaman na marami nang pangyayaring ganito, kaya’t di dapat ikahiya. Mas mapapaliwanag sa iyo ng OB-Gyne kung ano ang posibleng mangyari, at kung ano ang plano niyang gawin kung mangyari man ito. Lahat ng nasa delivery room sa oras ng iyong panganganak ay propesiyonal at naroon para tulungan at suportahan ka sa delikadong oras na ito.
11. Mapupunit nga ba at lalaki ang puwerta/ari dahil sa panganganak?
Ang iyong ari o puwerta ay sadyang para sa panganganak, kaya’t ito ay natural na aangkop sa kalagayan mo. May mga pagkakataon na ito ay napupunit, at may mga pagkakataon na ito ay kailangang palakihin sa pamamagitan ng paghiwa ng maliit habang nanganganak. Walang ibang makakaalam nito kundi ang iyong OB-Gyne dahil ito ang kaniyang expertise. At siya lang din ang makakapagpaliwanag ng kundisyon ng iyong ari at puwerta dahil siya ang doktor.
12. Totoo bang hindi ko na makokontrol ang paglabas ng ihi pagkapanganak?
Kung inaalala mo na baka tuluyan nang lumaki ang bukana, huwag kang matakot. Kung ang tiyan ay bumabalik sa dating sukat nito, gayon din ang iyong puwerta, basta’t may ehersisyo at alam mo kung ano ang dapat gawin. Karaniwang bumabalik sa dati ang lahat ng nagbago sa iyong katawan pagdating ng ikatlong buwan pagkapanganak. Tanging ang iyong doktor ang makakapagpaliwanag sa iyo nito. Humingi ng payo tungkol dito.
13. Paano kung makatulog ako habang nanganganak?
Kung ito ang una mong pagbubuntis, malamang na isa ito sa iyong takot. Marami kang mararamdaman sa panganganak, ngunit ang pagtulog ay hindi isa dito. Maliban na lamang kung mayroon kang kondisyon kung saan maaari kang makatulog o kailangan kang patulugin ng iyong doktor. Pero kung normal delivery ito, hindi ka makakatulog. Kapag Cesarean delivery, kadalasang pinapatulog talaga dahil sa anesthesia. Itanong ito sa iyong doktor upang maibsan ang takot o pag-aalala.
14. Magkano kaya ang magagastos sa panganganak? Wala bang discount?
Kung naitanong mo na lahat ng nasa itaas, lalong hindi ka na mahihiyang itanong ito. Walang masama sa tanong ito, kaya’t sige lang, alamin mo.
Sanay ang mga doktor dito at alam nilang hindi biro ang gastusin sa panganganak. Madalas ay may mga payment options at payment scheme sila para sa mga pasyenteng nangangailangan o kinakapos lalo na. O kahit man hindi ka kapos, paniguradong handang tumulong ang iyong doktor na mapagaan kahit papano ang babayaran. Lahat ng bagay ay napapag-usapan. At walang mawawala kung itatanong at susubukan mong makiusap, hindi ba?
Ang iyong OB-Gyne ay katuwang mo sa pagdadala ng bagong buhay. Ang sinumpaan niyang tungkulin ay ang alagaan ang kaniyang mga pasyente at siguraduhing ligtas ang ina at ang sanggol.
Kung hindi ito ng kaisa-isang pagbubuntis mo, matagalan ang inaasahang relasyon ninyo, kaya’t mas mabuting kilalanin at maging komportable sa iyong napiling doktor.
Sundin ang payo niya at iwasang makinig lamang sa sabi-sabi ng iba’t ibang tao.
BASAHIN: 6 Importanteng tanong para sa magiging doktor ng iyong anak
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!