Mga magulang, narito ang mga importanteng tanong sa doktor na dapat mong tandaan para sa mga unang checkup ni baby.
Mababasa sa artikulong ito:
- Anong dapat asahan sa unang checkup ng sanggol
- Mga importanteng tanong para sa doktor ni baby
- Newborn checkup schedule
Mag-aanim na kaming magkakilala ng pedia ng mga anak ko. Masasabi kong maganda ang relasyon namin sa isa’t isa. Natatawagan ko siya anumang oras kapag mayroon akong tanong tungkol sa kalusugan ng mga bata.
Ang totoo, hindi siya ang unang pedia ng anak ko. Iba ang pedia niya noong baby siya, pero hindi ako gaanong nakampante sa kaniya. Palagi kasi siyang huli sa appointment, at hindi siya sumasagot kapag tinetext o tinatawagan ko.
Kaya naman nang isilang ang pangalawang anak ko, kinuha ko na ang pagkakataong iyon para humanap ng bagong doktor para sa mga bata.
Para sa akin, masuwerte ako sa pedia ngayon ng mga anak ko dahil mabilis siyang sumagot sa mga katanungan naming mga magulang. Magiliw rin siya sa mga bata, at mabuti siyang katuwang sa paninigurong malusog ang aking mga anak.
Mahaba ang pasensya niya sa pagsagot ng mga importanteng tanong at nagagawa ng doktor na iyong na pakalmahin ang pag-aalala ko pagdating sa mga anak ko. Kaya naman lagi ko siyang nirerekomenda sa aking mga kaibigang naghahanap ng pedia para sa anak nila.
Anong dapat asahan sa unang checkup ng sanggol?
Larawan mula sa Pexels
Matapos mong ipanganak ang iyong anak at makalabas kayo ng ospital. Ang sunod na beses na makikita siya ng isang doktor ay sa unang checkup niya, pagkatapos ng unang linggo.
Napakahalaga ng check-up na ito dahil masusuri kung maganda ba ang simula ng paglaki ng iyong anak at kung wala bang mga komplikasyon na lumabas matapos niyang isilang.
Narito ang ilang mga bagay na dapat asahan na mangyayari sa first checkup ni baby:
- Kukunin ang timbang at sukat ni baby (ulo, haba, gaano siya kabigat)
- Susuriin ang iyong anak mula ulo hanggang paa (pati ang private parts ni baby ay dapat patingnan rin para malaman kung maayos ba ito)
- Tatanungin ka ng mga bagay tungkol kay baby – gaano kadalas umihi, gaano kadalas dumumi, malakas ba siyang dumede, at iba pa.
- Bibigyan ka ng pagkakataong magtanong
- Ibibigay ang schedule ng kasunod na checkup ng newborn at ang kasunod na bakuna ni baby
Sa unang checkup ni baby, maaari mo ring itanong lahat ng bagay na bumabagabag sa iyo pagdating sa pag-aalaga sa iyong newborn.
Huwag mahiya dahil makakatulong ito para mas maintindihan mo ang ikinikilos ng iyong anak. Kaya naman mahalaga na mayroon kang magandang relasyon sa doktor o pediatrician ng iyong sanggol.
Paano makakahanap ng mabuting pedia para sa iyong anak
Sa oras pa lamang na mailuwal angg iyong sanggol na pinakaingat-ingatan sa sinapupunan, ang pediatrician o pedia na ang isa sa magiging kasama mo sa pagpapalaki sa kanya nang maayos.
Ang pedia ang partner ng mga magulang lalo na sa unang 2 taon. Ito kasi ang edad na pinakamahalagang tutukan, lalo pa’t ito ang edad kung saan nag-aalala ng mas matindi ang mga nanay at tatay kapag biglaang may lagnat, pagtatae, kinakabag, at kung anu-ano pang sakit at sintomas ang nararanasan ng kanilang sanggol.
Dahil rito, importanteng kasundo niyo ang doktor ng inyong sa lahat ng aspeto. Paano ka makapagtatanong sa kaniya kung hindi palagay ang loob mo, o hindi ka lubusang nagtitiwala sa taong ito?
Paano sisimulang maghanap ng pedia?
Magtanong ng rekomendasyon mula sa iyong OB GYN. Kadalasan, ang pedia na nasa parehong ospital ng OB GYN ang kinukuha ng mga magulang dahil ito mas convenient ito para sa kanila.
Maaari kasi siyang tawagin sa pagkapanganak pa lamang. Sapagkat kailangan nang tingnan ang kalusugan ng bata sa unang minuto pa lang ng buhay nito.
Bukod dito, pwedeng ipagsabay ng araw ang postnatal check-up ni Mommy sa kanyang OB GYN at ang checkup naman ni baby sa kaniyang pedia. Mas madali pa kung nasa iisang ospital lang sila.
Ngunit hindi lang ito ang dapat maging batayan. Sa hirap ng buhay ngayon at mahal ng halaga ng checkup, mayroon ring mga nanay na bumabase sa doktor na kukunin para sa kanilang anak kung covered ba ito ng kanilang health insurance. Dahil malaki talaga ang matitipid mo lalo na sa unang taon ni baby na halos buwan-buwan ang checkup.
Pwede ring magtanong-tanong sa mga kaibigan at kapamilya kung may mairerekomenda silang pedia na subok na nilang maaasahan at magaling sa pag-aalaga ng kalusugan ng bata.
Mula sa mga nirekomenda sa iyo, pumili ng 3 hanggang 5 (kung matiyaga kayo), at bisitahin ang mga ito para makilala ng mabuti ang bawat isa.
Mula sa pakikipag-usap sa kanila, makakapili ka ng pedia na magiging katuwang mo sa mahabang panahon ng paglaki ng iyong anak.
Pero paano mo nga ba masusuri kung siya na ba ang magiging pedia ng iyong anak? Dapat ay maging kumportable ka sa mga sagot niya sa mga sumusunod na katanungang ito:
6 Importanteng tanong para sa doktor ni baby
1. Ano ang iyong pilosopiya sa pag-aaruga ng bata? Gaano ka tagal ka nang doktor?
Ang bawat pediatrician ay may childcare philosophy na tinatawag at para makasigurong nasa iisang pahina lang kayo pagdating sa kalusugan ng iyong anak, mas maganda kung nagkakapareho kayo rito.
Alamin ang paniniwala at practice ng doktor tungkol sa breastfeeding, tuli, alternative medicine, bakuna, pagtulog ng bata, pati na rin sa pagdisiplina at kabuuang pananaw sa pag-aalaga. May mga doktor na masyadong tradisyunal, at mayroon ring nagbibigay ng halaga sa mga bagong pag-aaral.
Ano ba ang mahalaga sa kaniya? Kapag may sakit ang isang pasyente, nagbibigay ba siya agad ng gamot o gusto niyang obserbahan muna? Sag kaniyang mga kasagutan ay makikilala mo na ang doktor at malalaman mo na kung kayo ay magkakasundo. Mahalagang makilala at malaman ang bagay na ito dahil kung may mga paniniwala siya na salungat sa paniniwala mo, maaaring magkaroon kayo ng problema sa kalaunan.
2. Nasaan ang clinic ni Dok?
May tinatawag na affiliations ang mga pediatrician. Ito ang mga ospital kung saan nakaugnay sila at pwede silang magsagawa ng consultation.
Importanteng alam mo ang mga ospital kung saan siya affiliated, sakaling may emergency ang iyong anak at kailangang dalhin sa ospital. Makakatulong kasi ito upang mapabilis ang proseso at hindi na kailangan na ibang doktor ang tumingin sa iyong anak.
Makakabuti rin kung aalamin mo kung tinatanggap ba sa ospital ang medical insurance na mayroon kayo.
3. Ano ang contact details ng doktor
May oras ng pagtawag sa mga pedia, sakaling mayroon kang tanong tungkol sa kalagayan ng iyong anak.
Itanong ito sa doktor sa umpisa pa lamang lalo na’t kung ikaw ang klase ng magulang na matanong o mapag-alala. Alamin rin kung anong mga tanong, o tungkol sa anong aspeto ng kalusugan, ang sinasagot niya sa telepono lang, at aling ang mga concerns nangangailangan ng personal na pagbisita at check-up.
Maaari din bang mag-text o mag-email ng mga tanong sa kaniya? Hindi lahat ng doktor ay payag dito, pero hindi ibig sabihin ay hindi na sila magaling o mabait. Kailangan mo itong itanong kung ito ay importante para sa iyo. May mga magulang rin kasi na hindi naman gaanong binibigyan ng bigat ang bagay na ito.
BASAHIN:
Ano ba ang maitutulong ng mga developmental pediatrician?
Anne Curtis, laging nagtatanong sa pedia ni Baby Dahlia—”I’m a super praning mom!”
Drive-thru vaccinations ibinibigay ng ilang pediatricians
4. Ano ang oras bukas ang clinic? Paano kung may mga tanong ako sa oras na lagpas sa oras ng clinic ng doktor?
Alamin kung tumatanggap ba ng emergency house calls ang doktor. Kung hindi, ano ang alternatibong paraan? Kung may mangyayaring emergency sa alanganing oras gabi, ano ang iyong gagawin? Dapat ka bang dumiretso sa emergency room, o tatawag sa personal na telepono ng pedia?
Tumatanggap ba siya ng tawag sa labas ng kaniyang clinic hours? Kailangan mong alamin ang felixibility o pagtanggap ng doktor, lalo’t ikaw ay may anak na sanggol, o kung sakitin ang iyong anak.
5. Paano kung hindi makontak ang pedia o may iba siyang emergency?
Maaaring nasa ibang bansa ito, o nagkataong may ibang ginagamot pagpunta o pagtawag ng magulang. Sino ang pangalawang pwedeng tawagan o kanino maaaring kumunsulta sa halip? Madalas sa ganitong pagkakataon, sinasabi ng pedia na siya ay magbabakasyon o may pagpupulong sa ibang bansa, kaya’t ipapakilala ang mga magulang (at pasyente) sa reliever o doktor na maaaring mag-asikaso sa kanila sa kanyang pagkawala.
6. Magkano ang singil kay Dok?
Huwag na huwag mahihiyang magtanong kung magkano ang mga potensyal na gagastusin sa buwanang wellness check-up, sakaling ma-ospital ang bata, bakuna, at iba pa.
May mga fee structure ang mga pedia na ibinibigay niya kung tatanungin o hihingin sa kanila. Alamin kung tinatanggap niya ang iyong medical insurance, o kung tumatanggap siya ng payment plan sakaling hindi tinatanggap ang insurance mo. Ang iba kasi ay pumapayag na may kasunduang hulugan sakaling may malaking kabayaran katulad ng pagpapa-ospital ng bata.
Itanong rin kung gaano katagal ang bawat bisita para sa check-up ng bata. Makakatulong kasi ito para maiayos mo ang sariling schedule pati na ang gamit na dadalhin para sa bata.
Larawan mula sa Pexels
Kung masaya ka sa kaniyang sagot sa mga importanteng tanong na ito, maari ka nang magpatuloy na kunin siya bilang doktor ng iyong anak.
Kung mayroon nang pediatrician ngayon pero gusto mong lumipat sa iba, wala namang problema rito. Mahalaga ang medical history ng bata, kaya mas makakabuti kung mailalagay sa baby book ng iyong sanggol ang lahat ng mahahalagang data tungkol sa kaniya, kabilang na ang mga bakuna.
Kahit naka-isang taon ka na sa dating pedia ng anak mo pero hindi palagay ang loob mo sa kaniya, maari ka pa ring humanap ng kapalit na pedia para sa iyong anak. Mahalaga na kasundo mo ang pedia ng iyong anak at kumportable kang lumapit sa kaniya sa anumang oras.
Mapapansin mo rin kung may likas na pagmamahal sa bata at totoong pag-aalala ang pediatrician sa bata. Tandaan na ang pediatrician na mapipili ang magiging “matalik na kaibigan” ng mga magulang, at ng kanilang anak sa mahabang panahon ng kanyang pagkabata.
Karagdagang ulat ni Camille Eusebio
Source:
Mayo Clinic, Healthline, Medical News Today
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!