Nagsagawa ng clinical trials ang Institute of Herbal Medicine-National Institute of Health ng University of the Philippines Manila. At pumasa nga sa nasabing trial ang apat na kilalang halamang gamot sa Pilipinas. Anu-ano ba ang mga herbal medicine na ito?
4 na herbal medicine pasado sa clinical trial
Pumasa sa isinagawang extensive clinical trial ang apat na plant-based supplements. Isang milestone sa drug development ng Pilipinas ang isinagawang clinical trial ng UP Manila sa mga halamang gamot na ito.
Ayon sa report ng GMA News, napatunayan sa clinical tests na maaaring makagawa ng mga bagong gamot mula sa mga halamang Ulasimang Bato o pansit pansitan, Yerba Buena, dahon ng ampalaya, at tsaang gubat.
Nakita umano sa trial na talagang epektibo ang mga halamang gamot na ito na lunas sa iba’t ibang sakit.
“Ang maganda sa mga herbal medicines is that they have numerous compounds in them which can be synergetic so kunyare it has a compound …nagpapababa ng uric acid but there are also some compounds that are anti-inflammatory,” saad ni Dr. Cecilia Maramba-Lazarte.
Sa apat na herbal medicine na ito, ang tsaang gubat pa lamang ang nakarehistro na sa Food and Drug Administration. Habang ang tatlo pang halamang gamot ay naghihintay pa ng regulatory approval.
Para maging ganap na gamot, dapat na mayroong pharmaceutical company na willing mag-produce commercially ng medicines mula sa mga nasabing halamang gamot.
Para saan nga ba ang pansit-pansitan, dahon ng ampalaya, Yerba Buena at tsaang gubat?
Ang ulasimang bato o pansit pansitan ay ginagamit upang mapababa ang uric acid. Ang yerba Buena naman ay maaaring gamitin bilang analgesic o gamot sa sakit ng katawan. Habang ang ampalaya ay epektibong gamot naman upang mapababa ang blood sugar level ng mga taong may diabetes. Samantala, ang tsaang gubat at maaaring makagamot ng colic o kabag, loose bowel movement (LBM) at gallstones.
Umaabot ng pito hanggang 10 taon ang proseso ng clinical trials. Upang mapatunayan ang safety at efficacy ng mga herbal medicine. Sakaling ma-aprubahan na ng FDA ang mga ito, inaasahang makapagbibigay ng abot-kayang gamot na alternatibo para sa publiko.