Baby, naging kritikal sa ospital matapos halikan sa labi

Mahalagang bigyang-pansin ng mga magulang ang herpes sa sanggol, dahil lubhang nakamamatay ang ganitong sakit para sa mga bata.

Hindi lubos akalain ng inang si Brogan Thomas, mula sa UK, na ang simpleng halik ang magdadala sa kaniyang anak sa ospital. Ito ay dahil nagkaroon ng herpes ang kaniyang anak na nagmula raw sa isang halik. Ang herpes sa sanggol ay lubhang mapanganib, kaya mahalaga sa mga magulang na maprotektahan ang kanilang mga anak laban nito.

Herpes sa sanggol, nanggaling sa isang halik

Ayon kay Brogan, napansin raw niya na parang bugnutin at matamlay ang kaniyang anak na si Kaylah. Pero hinayaan lang daw niya ito, dahil mukhang maayos naman ang lagay ng kaniyang anak. Ngunit nang dumating na ang oras para paliguan si Kaylah, nagulat na lang siya nang biglang nagsisigaw ang bata.

Nakita raw niya na maraming mapupulang rashes ang kaniyang anak, at tila nasaktan raw ito nang mabasa ang kaniyang balat. Dahil dito, agad niyang dinala si Kaylah sa ospital upang matingnan ng mga doktor.

Nang makarating sa emergency room ay sinabi ng mga doktor na mayroong herpes ang kaniyang anak. Posible raw itong nanggaling nang halikan si Kaylah ng isang tao na mayroong herpes. Dagdag pa nila na mabuti raw at nadala agad sa ospital si Kaylah, dahil lubhang nakamamatay ang herpes sa mga sanggol.

Hindi biro pinagdaanan ng sanggol

Dahil sa sakit, apat na araw na-confine sa ospital si Kaylah. At kahit raw nakauwi na si Kaylah, pinupuntahan pa raw siya ng doktor upang bigyan ng injections.

Sa May, kinakailangan pa raw niyang bumalik sa ospital upang magpa-test kung naapektuhan ng herpes ang kaniyang utak.

Hanggang ngayon pa raw ay hindi pa rin bumabalik sa dati si Kaylah. Ayon kay Brogan, naging clingy raw sa kanilang mag-asawa ang bata, at hindi pa rin gumagaling ang kaniyang mga rashes. Posible nga raw na hindi na ito gumaling, dahil kapag nagkaroon ng herpes ang isang tao, habangbuhay na ito.

Dahil dito, gustong ipaalam ng mga magulang ni Kaylah na huwag hayaa ng mga magulang na halikan ng kung sinu-sino ang kanilang mga anak. Ito ay dahil lubhang mapanganib ang herpes, at posibleng mahawa ang mga bata dahil lamang sa simpleng halik.

Paano makakaiwas sa herpes sa sanggol?

Ang pinaka-kinakailangang tandaan ng mga magulang ay hindi nila dapat hayaang halikan ng kung sinu-sino ang kanilang mga anak. Sa pamamagitan ng simpleng hakbang na ito ay makakasigurado ang mga magulang na hindi mahahawa ang kanilang mga anak.

Mahalaga rin sa mga ina ang magpa-test sa sakit na herpes upang masigurado nilang wala silang ganiton sakit. Ito ay dahil posible ring mahawa ng mga ina ang kanilang anak kapag sila mismo ang mayroong sakit.

Para rin sa dagdag kaalaman ng mga magulang, heto ang sintomas na posibleng may herpes ang iyong anak.

  • Matamlay o iritable ang sanggol
  • Ayaw kumain
  • Mayroong mataas na lagnat
  • May rashes sa balat, mata, at sa loob ng bibig

Kung mayroong ganitong sintomas ang iyong anak, mahalagang dalhin mo agad ang iyong anak sa doktor. Upang agad na maagapan ang kaniyang karamdaman.

 

Source: People

Basahin: Sanggol namatay dahil ‘kinain’ ng herpes ang lungs at utak niya

Sinulat ni

Jan Alwyn Batara