Siguro hindi na bago ang mga kwento ng mga sanggol na nagkaroon ng neonatal herpes. Ngunit hangga’t sa paulit-ulit itong nangyayari sa mga sanggol, hindi dapat tumigil sa pagpapaalala sa mga magulang na pangalagaan ang kalusugan ng kanilang mga anak.
Ito ay dahil kamakailan lang, isang sanggol ang namatay matapos ‘kainin’ ng sakit na herpes ang kaniyang lungs at utak. Ang mas nakakalungkot pa ay namatay siya 8 araw lang matapos ipanganak. Pinaghihinalaan ng kaniyang ina na baka nanggaling daw ang sakit sa isang halik.
Ano ang epekto ng neonatal herpes sa mga sanggol?
Walong araw pa lang ipinapanganak ang sanggol na si Aliza Rose Friend nang siya ay bawian ng buhay. Ito raw ay dahil sa neonatal herpes na nanggaling sa HSV-1 na virus.
Kwento ng ina ni Aliza Rose na si Abigail, malusog daw ang kaniyang anak sa unang 36 na oras ng buhay nito. Ngunit bigla na lang siyang nilagnat, naging matamlay, at nawalan ng ganang kumain.
Matapos nito, lumala na ng lumala ang kaniyang kondisyon. Nagsimulang ‘kainin’ ng virus ang kaniyang utak at lungs, nahirapan na siyang huminga, at nagkaroon ng sunod sunod na mga seizure o pangingisay.
Di nagtagal at dineklarang brain dead si Aliza Rose, at tinanggal ang kaniyang life support. Sinabi ng ospital sa mga magulang ni Aliza Rose na posible daw nanggaling sa halik ang herpes na ikinamatay ng bata.
Basahin ang post ng kaniyang inang sa Facebook kung saan hinihikayat ni Abigail na maghugas ng kamay ang mga tao, at iwasang halikan ang mga sanggol upang hindi kumalat ang neonatal herpes.
Paano maiiwasan ang sakit na ito?
Ang herpes ay isang lubhang nakakahawang sakit na nakakamatay sa mga sanggol. Sa mga matatanda, ito ay nahahawa sa pamamagitan ng cold sores o mga sugat sa bibig, o kaya mga genital ulcer.
Kadalasang nahahawa ang mga sanggol kapag nahahalikan sila ng isang taong mayroong cold sores. At dahil mahina ang immune system ng mga sanggol, nahihirapan ang kanilang katawan na labanan ang virus.
Posible ring mahawa ang sanggol kapag nagkaroon ng genital herpes ang ina sa unang anim na linggo ng kaniyang pagbubuntis, at vaginal ang kaniyang panganganak.
Mabilis itong kumalat sa katawan ng mga sanggol, at kapag napunta ang virus sa kanilang mga organs ay 60% ang kadalasang survival rate ng mga sanggol.
Heto ang mga sintomas na kailangan mong alamin:
- Matamlay o iritable ang sanggol
- Ayaw kumain
- Mayroong mataas na lagnat
- May rashes sa balat, mata, at sa loob ng bibig
Kung sa tingin mo ay mayroong neonatal herpes ang iyong anak, importanteng dalhin agad sila sa ospital upang matingnan ng doktor.
Para naman makaiwas sa neonatal herpes ang iyong anak, siguraduhing palaging malinis ang kamay ng kung sino man ang hahawak sa kaniya, at huwag munang hayaang halik-halikan ng mga kaibigan o kamag-anak ang iyong anak.
Mabuti rin na magpatest para sa herpes kayo ng iyong asawa upang masigurado na hindi ninyo mahahawa ang inyong anak. Mas maganda na ang maging maingat kaysa hayaan na magkasakit ng basta-basta ang iyong anak.
Source: Daily Mail
Basahin: “Think before you kiss a baby,” mom pleads after son’s herpes infection
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!