Ang sakit na HFMD ay karaniwang dinadala ng virus na kung tawagin ay coxsackievirus a16. Ito ang pinaka-karaniwan na strain ng ganitong sakit.
Ngunit mayroong pangalawang strain ng HFMD na mas nakamamatay, at hindi dapat balewalain ng mga magulang. Ito ay dulot ng virus na enterovirus 71 at mas mapanganib ang strain na ito. Heto ang ilang mga HFMD facts na dapat malaman ng mga magulang.
7 HFMD facts na dapat malaman ng mga magulang
1. Paano malalaman kung ito ay dahil sa enterovirus 71?
Ang mga pinaka-karaniwang sintomas ng EV-71 na strain ay ang pagkakaroon ng pagsusuka, pagiging iritable, nahihirapang huminga, at pagkakaroon ng seizures.
Kasama na rin sa sintomas nito ang pagiging matamlay at kawalan ng ganang kumain. Kapag mayroong ganitong sintomas ang iyong anak ay mabuting dalhin agad siya sa doktor upang matingnan.
2. Bakit ito mas nakamamatay?
Mas nakamamatay ang EV-71 dahil mas matindi ang nagiging sintomas nito, kabilang na ang pagkakaroon ng neurological, respiratory and cardiovascular problems.
3. Mas nakakahawa ba ito?
Kumpara sa Coxsackie virus, mas nakakahawa ang EV-71 na strain ng HFMD. Kaya’t importanteng maging maingat ang mga magulang, at siguraduhin na safe at ligtas ang kalaro ng kanilang mga anak, pati na ang mga lugar kung saan sila naglalaro.
4. Paano ito maiiwasan?
Ang pag-iwas sa mga lugar kung saan mayroong outbreak, paghuhugas ng kamay, at pag-iwas sa mga batang mayroong HFMD ay mga mainam na paraan upang makaiwas sa sakit na ito.
Mas mabuti rin na umiwas sa mga malls, play areas, at iba pang mga public areas kung mayroong outbreak sa lugar ninyo.
5. Paano ito nagagamot?
Ang pinakamainam na paraan ay dalhin ang bata sa doktor upang makapagsagawa ng mabuting treatment upang magamot ang EV-71.
Importante na maaga pa lang ay madala na agad sa doktor, upang masiguradong hindi lumala ang sakit, at hindi magkaroon ng mga iba’t-ibang mga komplikasyon. Kaya’t kahit simpleng sintomas lang ay dapat dalhin na agad sa ospital ang bata.
6. May vaccine ba para dito?
Sa kasalukuyan, wala pang vaccine para dito. Ngunit nagsasagawa ng pag-aaral upang makadevelop ng vaccine para sa ganitong strain ng HFMD.
7. Nakakahawa ba ito sa mga magulang?
Oo, kahit ang mga magulang ay posibleng mahawa ng HFMD. Bagama’t mas mapanganib ito sa mga bata, hindi biro ang epekto ng sakit na ito sa mga magulang.
Kaya’t importante na pati ang mga magulang ay maging maingat pagdating sa EV-71.
Source: Channel News Asia
Basahin: Hand Foot and Mouth Disease (HFMD): Gabay para sa mga magulang