Narito ang ilang nakakabilib na facts tungkol sa woman of the hour – Olympics gold medalist, Hidilyn Diaz. Basahin ang kaniyang biography rito.
Mababasa sa artikulong ito:
- Biography ni Hidilyn Diaz
- Mga pinagdaanang pagsubok bago marating ang ginto
- Mga aral na mapupulot ng mga bata tungkol sa buhay ni Hidilyn Diaz
Bilang isang ina, lagi akong naghahanap ng mga role models na ipapakilala o ikukuwento sa mga anak ko. Dahil dalawa sa kanila ang babae, lagi akong nagbabasa tungkol sa mga “inspiring women in history” na pwede nilang tularan.
Marie Curie, Amelia Earhart, Malaya Yousafzai. ‘Yan ang ilan sa mga babaeng tumatak sa kasaysayan dahil sa kanilang galing, talino at tapang. Ngayon, isang Pinay na ang sasama sa hanay nila.
Nakakatuwa na isa sa mga maaari kong ipakilala sa kanila ang Pilipinang si Hidilyn Diaz – ang kauna-unahang Pilipino na nakakuha ng gold medal sa Olympics.
Nakuha ni Hidilyn ang gold medal sa Women’s 55kg weightlifting competition sa nagdaang Tokyo Olympics 2021.
Hidilyn Diaz biography
Hindi kailangang mahilig sa weightlifting o maging isang sports enthusiast para ma-inspire sa kuwento ng buhay ni Hidilyn. Narito ang ilang nakakabilib na kaalaman tungkol sa ating gold medalist na maaari ring magturo ng mabuting aral para sa ating mga anak:
-
Nagsimula siyang mag-training gamit ang gawa-gawang barbell sa kanilang bakuran.
Ikalima sa anim na magkakapatid si Hidilyn, at galing siya sa mahirap na pamilya. Ang kaniyang ama ay isang tricycle driver. Para makatulong sa kaniyang mga magulang, sumasama si Hidilyn noon na magbenta ng isda at gulay sa palengke.
Bata pa si Hidilyn ay naging interesado na siya sa sports. Nahilig siya sa basketball at volleyball noon, pero nagustuhan niyang subukan ang weightlifting dahil nakita niya ang mga pinsan niyang nag-eensayo nito.
Tinuruan siya ng kaniyang pinsan na magbuhat gamit ang gawa-gawang barbell na mula sa pinagkabit na tubo at mga lata. Sa maagang edad ay sumasali na siya sa mga kompetisyon para sa weightlifting.Naging daan naman ito para makapunta siya sa iba’t ibang lugar at magkaroon ng scholarship sa isang unibersidad.
BASAHIN:
WHO: Panukala na magkaroon ng mandatory swimming lessons sa mga paaralan
7 reasons why you should introduce exercise to your kids early on
-
Mahaba ang naging paglalakbay niya bago makamit ang tagumpay.
Si Hidilyn ang unang Filipina athlete na nakarating sa apat na sunud-sunod na Olympic Games.
17-taong gulang siya nang una siyang sumabak sa Olympics sa Beijing noong 2008. Nagtapos siya sa kompetisyon ng rank 11 sa 12 na sumali. Subalit sa halip na mapanghinaan ng loob ay lalong nagpursigi si Hidilyn.
Pinalad uli siyang makarating noong 2012 sa London Olympics, subalit hindi pa rin siya pinalad at nagtamo ng “Did Not Finish” na resulta.
Sa kabila nito, tuluy-tuloy pa rin ang pagpupursige ni Hidilyn. Nag-eensayo siya ng 6 na oras sa loob ng isang araw, at nagkaroon ng disiplina sa kaniyang pagkain. Noong 2016, nag-uwi siya ng silver medal para sa Pilipinas mula sa Rio Olympics.
Sa isang panayam, nasabi ni Hidilyn:
“Kung ano man ang struggles nila sa buhay, huwag nilang sukuan ang pangarap nila. Kaya nila ‘yon.”
Nagkaroon muli ng mga pagsubok si Hidilyn habang tinatahak ang minimithi na ginto para sa bansa. Pero hindi huminto ang Pilipina na marating ang kaniyang pangarap. Para sa kaniya, ang mga pagsubok ay parte ng buhay.
Kaya naman sa huling Tokyo Olympics, nakamit ni Hidilyn ang gintong medalya. Ang kauna-unahang Olympic gold medal ng Pilipinas sa kasaysayan.
-
“Maliit” na babae lang si Hidilyn.
Kung mayroon pang naniniwala na mahina ang mga babae, banggitin mo ang pangalang Hidilyn Diaz, isang “bigatin” pagdating sa mundo ng sports at weightlifting.
May taas na 4’11 at timbang na 123 lbs lang si Hidilyn, pero nag-uwi siya ng gintong medalya sa 55 kg division sa weightlifting.
At bago pa man naging weightlifting champion si Hidilyn, tumutulong na siya sa kaniyang magulang na magbuhat ng mga timba ng tubig at banyera ng isda.
Nagtagumpay siya sa isang laro o sport na dating sinasabing “panlalaki lang.” Mababasa mo ito sa children’s book na isinulat niya, na pinamagatang Ginto’t Pilak.
-
Nahinto siya sa pag-aaral subalit bumalik ulit.
Dahil sa weightlifting, nabigyan si Hidilyn ng scholarship sa Unibersidad de Zamboanga kung saan kinuha niya ang kursong Computer Science. Subalit huminto siya para mag-focus sa kaniyang training.
Pero noong 2017, nabigyan muli siya ng scholarship sa College of Saint Benilde kung saan kumukuha siya ng kursong Business Management. Sa isang interview, nasabi niya,
“Hindi forever na maging atleta. Kailangan may degree.”
Ayon pa sa isang balita, nang natigil pansamantala ang mga kompetisyon dahil sa pandemya, masipag na uma-attend ng online classes si Hidilyn sa kalagitnaan ng training.
-
Wais siya sa kaniyang pera.
Sabi ng mga magulang ni Hidilyn sa isang interview, halos lahat ng kinikita ni Hidilyn mula sa kaniyang mga pagkapanalo ay napupunta sa pagsuporta sa kanilang pamilya. Mapagbigay si Hidilyn sa kaniyang mga kapatid at mga pamangkin.
Siya rin ang gumastos sa pagbili ng lupain nila sa Zamboanga at pagpapaayos ng kanilang bahay.
Ngunit sa kabila ng tagumpay at laki ng mga papremyong natatanggap ng atleta, hindi siya naging waldas sa kaniyang mga kita. Mayroon siyang plano para maging maayos ang kaniyang buhay kahit pag-retire niya sa sports.
Sa katunayan, nakapagpundar na siya ng dalawang negosyo – isang home solutions business at isang healthy snack venture kasama ng kaniyang Chef na si Allan Jose.
-
Marunong siyang lumingon sa pinanggalingan.
Sa kabila ng kaniyang kasikatan ay nananatiling mapagkumbaba si Hidilyn. Nang tanungin siya sa isang panayam kung nararamdaman ba niyang kasing-sikat na siya ni Manny Pacquiao, ito ang kaniyang naging sagot:
“I’m just thankful to God that he gave me a chance to be a role model, for the youth to believe in the fact that Ate Hidilyn is a fighter, fighting for her dreams. Maybe God brought me here to inspire the youth to engage in sports and teach them the value of sports.”
Dahil gusto niyang maging inspirasyon sa mga kabataan, nagtayo rin si Hidilyn ng isang gym sa kaniyang probinsya kung saan tinuturuan din ang malilit na bata ng sports at weightlifting (sa tama at ligtas na paraan).
Marami talagang matutunan ang mga kabataan mula sa biography at kuwento ng tagumpay ni Hidilyn Diaz, kabilang na rito ang pagkakaroon ng tiwala sa sarili, pagiging mapagkumbaba at pagsusumikap na abutin ang kanilang mga pangarap.
Mabuhay ka, Hidilyn Diaz!
Source: