Likas nang mapagbigay ang mga Pilipino. Kapag mayroong fiesta ay puwede kang pumunta sa bahay ng kahit hindi mo kakilala, at makikain sa kanilang handa. At mahalaga rin sa ating mga Pilipino ang pagiging matulungin sa kapwa.
Ngunit pagdating sa usapin ng pera, nagiging mas komplikado ang mga bagay. Ito ay dahil marami ang nagsasabi hindi dapat magpautang ng mga kamag-anak o kaibigan.
Ano nga ba ang dahilan dito? At ano ang magandang gawin kung sakaling umutang sa iyo ang isang kaibigan o kamag-anak?
Bakit hindi dapat magpautang ng kamag-anak o kaibigan?
Heto ang 10 dahilan kung bakit hindi ka dapat magpautang sa iyong mga kamag-anak o kaibigan:
1. Madalas ay walang ‘deadline’ ang ganitong mga utang
Kapag nagpapautang ka sa iyong malapit na kakilala, may pagkakataon na hindi ka maglalagay ng deadline sa utang, at sasabihing magbayad sila kung kaya na nila.
Ibig sabihin, baka abutin sila ng siyam-siyam sa pagbabayad.
2. Baka balewalain nila ang pagbabayad
Dahil wala ngang deadline, baka balewalain lang nila ang pagbalik sa iyo ng pera. Posibleng hindi na sila mag-effort, at umasa na lamang na makakalimutan mo ang utang.
3. Mahirap maningil
Pag dumating na ang panahon ng paniningil ay mahihirapan ka rin sila singilin. Siyempre, ayaw mong masira ang iyong relasyon sa iyong kaibigan o kamag-anak, kaya’t maingat ang iyong gagawing paniningil.
Ang problema dito, baka balewalain lang nila ang iyong ginagawa. O kaya baka sabihin nila na hindi pa nila kayang bayaran, at tutal magkakilala naman kayo, baka puwedeng ipagpaliban na lamang ang pagbabayad.
4. Posibleng maging awkard ang family gatherings
Magiging awkard rin ang mga pagkikita at family gatherings dahil dito. Siyempre, hindi naman magandang lugar na maningil o pag-usapan ang utang kapag nasa isang family gathering.
Pero siyempre, nasa isip mo pa rin na hindi ka pa nababayaran ng iyong kamag-anak!
5. Nakakasira ito ng relasyon
Kapag tumagal, nakakasira ng relasyon ang pagpapautang. Siyempre, may hangganan rin ang iyong kabaitan, at baka umabot na sa puntong inaabuso na ng iyong kakilala ang iyong kabaitan.
Dahil dito, puwedeng magbago ang ugali ninyo sa isa’t-isa, na ikakasira ng inyong pagsasama.
6. Hindi ka kumikita sa ganitong mga pautang
Ang pagpapautang rin sa kaibigan o kamag-anak ay kadalasang walang interes. Ibig sabihin, “patay” at hindi kumikita ang pera na pinautang mo.
Sana ay nag-invest ka na lang sa ibang bagay para kahit papano ay lumago ang iyong income.
7. Baka ikaw naman ang mangailangan ng pera
Paano kung bigla ka namang kulangin ng pera? Kaya mo bang singilin ang iyong kaibigan o kamag-anak? Mababayaran ka ba nila?
Mahalagang isipin mo rin ang iyong sarili bago ka tumulong sa iba.
8. Masasanay na umasa sa iyo ang kaibigan o kamag-anak mo
Isa pa ay baka mamihasa sila sa ginawa nilang pag-utang. Kung palagi mo silang pinapautang, baka isipin nila na isa kang ATM o bangko na maglalabas lamang ng pera kapag kailangan nila.
Hindi ito magandang gawain, at hindi dapat umasa sa iyo palagi ang iyong mga kamag-anak o kaibigan.
9. Baka abusuhin nila ang kabaitan mo
Posible rin na dahil nagpautang ka, humingi sila ng iba pang pabor mula sa iyo. At siyempre, dahil likas na matulungin ang mga Pilipino, mahihirapan tayong tumanggi sa kanilang mga request.
Dahil dito, baka abusuhin pa nila lalo ang iyong pagtulong.
10. Baka ulit-ulitin nila ang pangungutang
Ang isa pang problema ay kapag nasanay nang umutang ang iyong kaibigan at kamag-anak. Posibleng baon na baon na pala sila sa utang sa iba’t-ibang mga tao, at tinataguan lamang nila ang mga ito.
Hindi magandang magbigay ng pera sa mga ganitong tao, dahil hindi sila matututo ng kanilang leksyon.
Ano ang dapat gawin kapag ikaw ay inutangan ng kaibigan o kamag-anak?
Kapag umutang sa iyo ang kaibigan o kamag anak mo, dapat ay gawin mo lamang ito sa iisang pagkakataon.
Ito ay kung kailangan nila ang pera para sa isang emergency, tulad ng pagbili ng gamot, pagbabayad sa ospital, atbp. Sa ganitong mga pagkakataon, okay lamang magpautang, basta’t sigurado kang hindi sila nagsisinungaling.
Kung hindi ito para sa emergency, at kinakailangan lamang nila ng pera para gastusin sa kung anu-ano, mabuting tumanggi ka na lang. Kailangan nilang maging responsable sa kanilang pera, at matutong mag budget at mag-ipon sa halip na umasa sa iba.
Source: Money Crashers
Basahin: Lubog sa utang? Tips kung paano ito harapin bilang pamilya
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!