Ang pagiging lubog sa utang ang isang bagay na ikinatatakot ng lahat ng mga may pamilya. Pero minsan, kahit anong pagtitipid at pag-iipon ang gawin para maiwasan ito, may mga pagkakataong masasaid ang ipon at kailangan nating harapin ang utang.
Narito ang ilang tips upang malampasan ninyo, bilang isang pamilya, ang pagiging lubog sa utang.
Kausapin ang iyong asawa tungkol sa inyong problemang pinansyal
Ang utang ay isang bagay na dapat alam ng iyong asawa, lalo na’t nakaka-apekto ito sa inyong pag-gastos, pagkain, at iba pa. Mahalagang pag-usapan ng mag-asawa ang pagkakaroon ng utang dahil kapag ito ay napagtulungan, maiiwasan ang anumang hindi pagkaka-unawaan. Magiging madali rin ang pagharap sa inyong problemang pinansyal.
Gumawa ng plano
Mabuti na lamang, ang utang ay kadalasang madaling matugunan sa sipag at mapiling pag-gastos.
Hindi naman kailangang magutom ng iyong pamilya para lamang makabayad at hindi maging lubog sa utang. Kailangan lamang na magplano para masigurong may nakalaan para sa mga buwanang bayarin at may natitira para mga pangangailangan sa araw-araw.
Maaaring kailangang magbawas sa mga luho, pero mabuti na ito kaysa magutom o hindi maging sapat ang pagkain sa araw-araw.
Importanteng gawing priority ang pag-aaral ng mga anak, dahil ito ang isa sa mahalagang maibibigay mo sa kanila. Siguraduhing nag-aaral sila ng mabuti at pagsikapang maipasok sila sa magandang eskuwelahan.
Magbawas ng gastusin
Maging mapili sa paggastos. Hindi kailangang bawasan lahat ng gastusin, ngunit mahalagang malaman kung alin ang mga pangangailangan ng pamilya at alin ang luho lamang.
Nakakatulong ang pagbili ng maramihan, lalo na sa mga ginagamit araw-araw tulad ng sabon, shampoo at toothpaste. Halos lahat ng mga supermarket ay nag-aalok ng diskwento kapag namimili ng maramihan, kaya magandang samantalahin ang mga ito.
Laging maglaan ng budget kapag namimili sa palengke o grocery, at huwag lilihis dito. Sa ganitong paraan, makakatipid ka ng perang puwedeng itabi upang ipambayad sa utang o kaya para sa pag-iipon.
Humingi ng payong-pinansyal
May mga financial advisors na nag-aalok ng kanilang serbisyo ng libre. Samantalahin ang mga ganitong alok upang humingi ng payo para sa mga hakbang para unti-unting makabayad sa utang, pati na kung paano maiiwasan ang pagiging lubog sa utang sa hinaharap.
Makakapag-bigay din sila ng payo kung paano makikipag-usap sa mga bangko at kung paano gumawa ng plano para makabayad sa utang nang hindi nababangkarote. Tandaan, kapag tinatakbuhan ang credit card bill, nakaka-apekto ito sa credit rating. Maaaring hindi na makapag-loan sa future dahil dito. Kadalasan, kapag ready nang bumili ng bahay, nade-decline ang loan kapag may unpaid credit card bills!
Humingi ng payong-pinansyal sa mga financial advisors | Image source: Dreamstine
Manatiling buo bilang isang pamilya
Walang problemang hindi nalulutas basta’t sama-sama ang pamilya. Maging matatag bilang isang pamilya sa hirap at ginhawa, at siguraduhing ituro sa mga anak ang halaga ng pag-iipon at pag-invest. Sa ganitong paraan, makaka-iwas sila na maging lubog sa utang at iba pang problemang pinansyal sa kanilang pagtanda.
Importanteng matuto sa karanasang ito. Ituring itong isang problemang kayang lagpasan bilang isang pamilya, at hindi isang bagay na hindi maiaahon.
Isinalin mula sa wikang Ingles ni Yddette Civ A. Cruz
Sources: debt.org, kidspot.com.au
BASAHIN: Money smart ba ang iyong anak?
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!