Nagbago na ang panahon. Marami na ring mga bagong pagsasaliksik na nagbigay daan sa modernong medical practices. Kasama na sa mga pagbabagong ito ay may kinalaman sa pangangalaga sa mga nagbubuntis at pagpaplano ng panganganak.
Mas maraming mga nanay lalo na sa bagong milenyo ang maalam na sa kahalagahan ng pag-aalaga sa sariling kalusugan, kasama ang pag-eehersisyo at pagkain ng sapat at masustansiyang pagkain, maaaring higit sa alam ng mga matatanda, at taliwas sa mga sinaunang kaugalian.
Mas aktibo na rin ang mga kababaihan ngayon pagdating sa pagdedesisyon sa tungkol sa magiging karanasan nila sa panganganak, bagamat marami pa rin ang hindi napapaliwanagan at may kakulangan sa mahahalagang impormasyon tungkol dito.
Kapag may nakitang panganib sa kalusugan ng mag-ina, may mga medical intervention na ginagawa sa tulong ng OB GYN. Ang problema ay nagsisimula kapag may mga hindi kailangang medical procedures, o mga intervention na lipas na o hindi naman talaga kinakailangan, na sa halip makatulong ay maaari pang makasama.
At dahil nakasanayan na, at dati pa itong ginagawa ng mga doktor, karaniwang sinusunod na lang ng walang tanong tanong.
Ano Ang Mga Lumang Practices Na Maaaring Hindi Gawin ng Buntis
Mula sa birth plan hanggang sa pag-clamp ng umbilical cord, may mga karaniwang practices na maaaring hindi gawin ng buntis. | image courtesy: shutterstock
DATI: Ang doktor ang makakapag-desisyon ng birth plan.
NGAYON: Ang nagbubuntis, kasama ng kaniyang kabiyak, ang gagawa ng kaniyang “birth plan”
Iba na ang panahon ngayon. Nariyan ang mga doktor o OB GYN para tulungan ang mga nagbubuntis sa pagdedesiyon tungkol sa plano niya sa panganganak at dapat itong respetuhin ng doktor.
Hindi lang paraan ng panganganak (kung normal o CS) ang pinaplano. Nasa sa iyo kung gusto mong sa bahay manganak, o kung mas gusto mo ang natural childbirth.
Kung sa ospital, pati ang musika sa delivery room habang nanganganak ay pwedeng pag-usapan at dapat reseptuhin ng doktor, o kaya ay kung gustong makasama sa delivery room ang asawa. Hindi lahat ng bagay ay posibleng pagbigyan, lalo na kung di ito ayon sa general policy ng ospital.
Mas magagawang personal at ayon sa mga gusto ng manganganak. Dito rin dapat pag-usapan ang nais mangyari ng ina, sa oras ng anumang emergency habang nanganganak, o pagkatapos.
DATI: Labor Induction o pilit na pinapaanak sa pamamagitan ng mga gamot, dahil mababa ang lebel ng amniotic fluid.
NGAYON: Ayon sa mga pag-aaral, ang mababang lebel ng amniotic fluid ay walang panganib sa sanggol, o sa ina.
Sa ultrasound lang kasi nasusukat ang amniotic fluid quantity, na hindi naman din 100% na tama o eksakto.
Ayon pa sa mga eksperto, ang ganitong uri ng intervention, lalo sa mga low-risk at malulusog namang ina at sanggol sa sinapupunan, ay walang direktang epekto sa magiging kalusugan ng bata, kaya’t hindi ito kailangan.
Maaari pa nga itong makasama sa ina at sa mga susunod pa niyang panganganak. Ilan sa mga panganib ay ang pagkakaron ng impeksiyon ng ina o ng bata, uterine rupture, pag-resulta sa C-section delivery, o fetal death.
Kung walang sakit ang ina o wala namang panganib sa kalusugan niya, hindi kailangan ang labor induction, dahil imbis na makatulong ay maaari pa itong makasama sa mag-ina.
DATI: Kaagad pinuputol at nilalagyan ng clamp ang umbilical cord ng sanggol pagkapanganak.
NGAYON: Dahil sa mga napatunayang panganib ng premature clamping, pinapayo sa mga doktor ang pag-aantala muna ng pagputol sa cord.
Ang nakaugalian ng mga doktor mula pa noong dekada 60, ay ang pagputol at pag-clamp ng umbilical cord ng sanggol, ilang segundo lang pagkapanganak.
Ayon kay Mark Sloan M.D., isang pediatrician, sa kaniyang inilathalang medical journal, kapag maagang naputol ang cord, may panganib na maubusan o kulangin ng dugo ang sanggol.
May ibang naniniwala daw kasi na kapag full-term naman ang bata, at wala namang nakitang kabaha-bahalang kondisyon, hindi na nito kailangan ang dugo mula sa placenta.
Pinaliwanag ni Dr. Sloan na one-third ng total blood volume ng isang sanggol ay nasa placenta. Naitala sa mga pag-aaral na halos umaabot sa 50% ang nawawalang blood cells dahil sa fetal stress.
Nagkakaroon ng iba pang panganib tulad ng iron deficiency, kawalan ng oxygen, at mataas na risk na magkaron ng cerebral palsy, Autism, mahinang cognitive at social-emotional skills, pati brain hemorrhaging, dahil na nga sa kakulangan ng dugo na pumapasok sa utak.
Sa madaling salita, humahadlang ito sa pagtatamo ng sanggol ng mga kailangang nutrisyon na nakukuha mula sa placenta.
DATI: Ginagawa ang pag-suction para matanggal ang meconium mula sa perineum pagkalabas ng sanggol.
NGAYON: Sabi ng mga eksperto, hindi ito kailangan, at maaari itong tanggihan.
Ang meconium ay ang berdeng kulay na dinudumi ng isang bagong panganak. Maaaring mahigop ito ng bata sa paghinga ng niya, habang nasa utero pa siya (meconium aspiration) lalo kapag fetal distress.
Ang MAS (meconium aspiration syndrome) ay dahilan ng impeksiyon at pagkabara ng hinganahan sa mga newborn infection. Kung mangyari ito, kailangan ng masusing pag-aalaga pero walang long-term na komplikasyon ito.
Ayon sa pagsasaliksik, kadalasan, ang MAS ay nangyayari sa utero, kaya’t walang silbi kung hihigupin ito pagkapanganak dahil pumasok na ito sa sistema ng bata.
Kung ang sanggol ay pinanganak ng may malinaw na amniotic fluid, hindi na kailangan ng suctioning.
Sa halip, ang pag-suction sa sanggol ay maaaring maging sanhi ng mabagal na heart rate, sandaling pagtingil ng paghinga, at pag-antala ng maayos na oxygen saturation.
DATI: Ginagawa ang vaginal examinations kapag may PROM (premature rupture of membranes)
NGAYON: Ang ganitong exam ay maaaring isang di-kinakailangan na intervention, kung gagamiting routine at bahagi ng pagpapaanak.
Ang routine vaginal examination ay para malaman ang progreso ng labor bago manganak ay isa nang makalumang practice ngayon. Sinasabi kasi na ito ay physically invasive at may malalang psychological consequences.
May mga nagsasabi na kailangan ito para malaman ang eksaktong labour progress, pero napatunayan nang wala itong maidudulot na buti.
Kung may PROM o premature rupture of membranes, o pagputok ng membranes bago ang simula ng labor, kailangang simulan ang panganganak, lalo kung 34 weeks na ang gestational age. Ang PROM ay karaniwang nangyayari sa ikaw-37 linggo o mas maaga.
Dahil sa PROM, may panganib ng impeksiyon at iba pang komplikasyon sa ina at bata. Pero hindi lang vaginal examination ang solusyon dito.
Ang vaginal exam ay importanteng clinical assessment tool, pero ito rin ay isang maselang procedure na ginagawa lang kung nangangailangan pa ang mga doktor ng mas masusing eksaminasyon dahil nasa peligro ang ina o bata, at walang makitang impormasyon sa panlabas na aspeto ng panganganak.
DATI: Ang routine episiotomy ay isinasagawa palagi kapag nagpapaanak ng normal delivery, lalo kapag malaki ang sanggol.
NGAYON: Hindi ito kailangan, at maaaring tanggihan at ibilin sa OB GYN na ayaw mo nito.
Ang maliit na punit at tahi na ito ay ginagawa para daw maiwasan ang mas malalang pagkapunit ng puwerta at pelvic floor damage habang nanganganak, at para mapadali ang paglabas ng bata. Dati ay routine ito, pero sa huling dalawang dekada, napag-alaman ng mga eksperto na ito ay hindi kinakailangan, at dapat pa ngang iwasan.
Ayon sa American Congress of Obstetricians and Gynecologists at base sa pagsasaliksik ng mga medical experts, ito ay hindi dapat na ginagawa kung hindi rin lang emergency o wala namang panganib para sa ina at bata. Ang pagkapunit ng natural habangn nanganganak ay nagagamot at nakakarecover din naman, sabi ng mga doktor. Makakaiwad pa sa komplikasyon, tulad ng mas malalang pagpunit papunta sa anus.
Ang procedure na ito ay mas masakit para sa ina, at mas mataas ang risk ng impeksiyon. Hindi maiiwasan ang tinatawag na perineum tear, pero maaalagaan ito sa pamamagitan ng paghahanda at maingat na pagpapalabas sa sanggol.
Nasa kamay ng metikulosong OB GYN ang lahat. Ang diretsong tahi ng episiotomy ay mas may posibilidad na mapunit kapag nanganak ulit.
DATI: Pagpapaanak ng C-section kapag ayaw pang lumabas ng bata.
NGAYON: Kailangang alamin ang mga panganib at consequences ng delivery na ito, at alamin na pwedeng tumanggi kung wala namang panganib para sa mag-ina.
Hindi biro ang panganganak ng C-section. Maraming nagsasabi na mas madali na ito kaysa naman manganay at umire ng ilang oras para manganak. Napilit din akong manganak ng CS nang hindi ko lubusang nalalaman kung bakit at kung ano ang panganib nito, tulad ng maternal hemorrhage, uterine rupture, at higit pa dun, ay ang fetal death.
Ang tinatawag din na elective cesarean ay ang pagpapaanak ng hindi pa buo ang paglaki ng sanggol sa sinapupunan. Ito ang mga CS delivery na naka-schedule na nang wala pa sa due date, pero pinapayagan dahil lagpas na ng 37 weeks. Ang nailabas ng mas maaga sa due date ay may panganib na magkaron ng hika, pagkahirap sa paghinga at pagkain, at obesity sa paglaki nito.
Ang pagpapaanak ng C-section ay dapat na ginagawa lamang kapag may sitwasyong emergency. Maraming medical options ang pwedeng gawin para mapaanak, nang hindi ginagawa ang CS.
Linawin sa inyong doktor ang paraan ng panganganak ng gusto ninyo, bago pa ang araw ng panganganak.
DATI: Pagbibigay ng epidural, o iniksiyon sa spine para hindi maramdaman ang labor pains. Higit sa 60% ng mga nanay na nanganganak ay binibigyan nito.
NGAYON: Inaalam dapat ng nanay ang pros ang cons, at posibleng side effects ng epidural bago pumayag. Maaaring sabihin sa doktor ang desisyong ayaw mo ng epidural.
Dati ay routine din ang pagbibigay ng epidural sa mga nanganganak para hindi maramdaman ang labor pains, hanggang naging malinaw sa lahat na hindi naman pala ito kailangan.
Kapag naka-epidural ang nanganganak, hindi na siya makakatayo, hindi na siya makakairi. Kaya’t hirap na ding bumaba at lumabas ang sanggol. Dahil dito, tumatagal ang labor. May mga risk factors ang epidural na rare, ngunit posibleng mangyari, tulad ng pananakit ng likod, sakit ng ulo, pagdurugo, lagnat, hirap sa paghinga, at pagbaba ng presyon, na nakakaapekto sa heart rate ng sanggol.
Ang “natural birth” ay vaginal delivery na hindi gumagamit ng gamot, tulad ng epidural para sa sakit ng panganganak. Ito na ang pinipiling paraan ng panganganak ngayon ng karamihan, para walang makapanghimasok sa natural na reaksiyon ng katawan sa panganganak. Kahit na nasa ospital ka, pwedeng piliin ang natural birth delivery.
Ang pagsasaliksik at pagtatanong sa inyong doktor ng mga makabagong paraan ng pangangalaga sa sarili habang nanganganak at pagkapanganak, gayundin ang mga makabagong medical procedures at mga outdated o lipas nang pamamaraan ay mahalaga para maiwasan ang trauma sa panganganak, at anumang peligro o panganib sa kalusugan ng mag-ina.
sources: The vaginal examination during labour: Is it of benefit or harm?, CNN.com
Also READ: 16 Bagay na ipinagbabawal sa mga buntis
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!