Isang babaeng hindi lumabas ng bahay positibo sa COVID-19. Alamin ang kuwento ng babae na ito mula sa Charlotte, South Carolina. Paano nga ba niya nakuha ang sakit kahit na hindi siya lumabas ng tatlong linggo?
Hindi lumabas ng bahay positibo sa COVID-19
Image from WCNC News
Aminado si Rachel Brummert na mahina ang kanyang immune system dahil siya ay may autoimmune disorder. Kaya naman nag-doble ingat talaga siya at tatlong linggo ngang hindi lumabas ng bahay para masigurong hindi mahawa sa COVID.
Ang tanging mga interaksyon lang na nangyari sa loob ng tatlong linggong iyon ay noong siya ay lumabas bago mag-quarantine para bumili ng gamot sa pharmacy. Andyan din ang kanyang asawa at ang isang babae na nag-volunteer na magdala ng groceries sa kanila. Napag-alaman namang ang babaeng ito ay nagpositibo rin sa COVID, pero ayon kay Rachel, hindi rin naman sila nagkaroon ng close contact nito.
Image from Freepik
Noong March 22 unang nakaramdam ng mga sintomas ng COVID-19 si Rachel at ito ay ang mga sumusunod. Pananakit ng ulo, pag-ubo, lagnat, pagkawala ng pang-amoy at panlasa at paninikip ng dibdib dahilan para hindi makahinga.
Ayon pa sa kanya, ito na ang pinakamalalang sakit na kanyang naranasan. Hindi raw niya maipaliwanag pero ito ay talagang mas malala sa tipikal na flu.
Bakit nga ba siya nahawaan ng sakit?
Giit ni Rachel, sinunod niya naman ang payo ng mga health experts. Nag-practice siya ng social distancing at nag-maintain ng proper hygiene. Ni hindi nga rin siya nakipag-interact sa babaeng nagdala ng groceries sa kanila. Ngunit ang isang pagkakamali na maaring nagawa niya ay hindi niya napunasan ang mga grocery na dinala nito.
Dahil nga may underlying na sakit si Rachel na kung saan ay mahina ang kanyang immune system, madali itong nahawaan ng sakit. Kaya naman sa panahong ito, mahalaga talaga na palakasin ang immune system. Ito kasi ang tutulong sa atin para makaiwas sa sakit.
Kung ikaw ay may mga karamdaman na katulad ng kay Rachel o di naman kaya ay komplikasyon sa baga, maging mas maingat dahil ang sakit na COVID ay mas kumakapit talaga sa mga taong mayroong ganitong kalagayan.
Sintomas ng COVID-19
Ano nga ba ang mga sintomas na dapat bantayan upang matukoy kung ikaw ay may coronavirus?
- Kung ikaw ay may common cold at nakakaranas ng pagkawala ng panlasa at pang-amoy.
- Kadalasan din na nagkakaroon ng lagnat at parang balisa.
- Kung madalas ang pag-ubo at hindi na makahinga nang maayos dahil dito.
- Makakaramdam din ng pananakit ng katawan.
Dahil sa dami ng kaso nito ngayon sa Pilipinas, pinapayuhan ang mga nakararanas ng sintomas ng COVID na bantayan muna ang kalagayan at mag-self quarantine kaagad sa oras na makakita ng senyales ng sakit. Kung hindi bumuti ang pakiramdam, ito na ang panahon para tumungo sa ospital at magpatingin para malaman kung maari kang i-test para sa sakit.
Paano nahahawa sa COVID-19
Image from Freepik
Ayon sa CDC o Center for Disease and Prevention Center, ang COVID-19 ay naihahawa sa pamamagitan ng air droplets mula sa taong nagtataglay ng virus. Ang mga droplets na ito ay nailalabas sa katawan ng COVID-19 victim sa pamamagitan ng pag-ubo o pagbahing. Saka naman ito maililipat sa tao o bagay na nasa paligid niya. Dito na magsisimula ang pagkalat at pagkahawa sa virus na maaring pumasok sa katawan sa pamamagitan ng mata, ilong at bibig.
Kaya naman mahalaga talaga na i-sanitize maging ang mga grocery na galing sa labas o ang kahit anong gamit na maaaring nahawakan ng ibang tao. Huwag na huwag ding hahawakan ang iyong mukha o bibig lalo na kung hindi ka pa nakakapaghugas ng kamay.
Ugaliing maligo rin nang madalas at magpalit ng damit sakaling galing sa labas. Kung maaari naman ay iwasan na muna talagang lumabas ng bahay.
Source: WCNC News
Basahin: COVID-19 sa Pilipinas maaring tumagal hanggang January 2021?
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!