Hindi naman siguro kaila sa ating lahat kung gaano kahalaga ang pagiging literate, o marunong magbasa. Bukod sa nakakatulong ito sa pag-aaral, ito ay mahalaga sa pang-araw araw nating pamumuhay. Isipin niyo, napakahirap sigurong mabuhay na hindi marunong magbasa. Ngunit alam niyo ba na dito sa Pilipinas, marami pa rin ang hindi marunong magbasa? Lalong-lalo na sa mga mag-aaral ng grade 7 sa mga public school.
Paano ito nangyari? Kasalanan ba ito ng mag-aaral? Ng kanilang guro, o magulang? O kaya naman ay baka kasalanan ito ng sistema ng edukasyon sa ating bansa? Ating alamin.
Bakit maraming grade 7 ang hindi marunong magbasa?
Kadalasang tinuturo ang pagbabasa at pagsusulat sa mga batang nasa kinder, o kaya ay nasa grade 1. Minsan nga, kahit nasa preschool pa lang, ay tinuturo na ito ng mga guro at magulang.
Pero kung itinuturo ang pagbabasa at pagsusulat sa paaralan, bakit may mga mag-aaral na nasa grade 7 pataas ang hindi pa rin mahusay sa pagsusulat o pagbabasa?
Sa Sauyo High School sa Quezon City, napipilitang magturo ang mga guro ng basic na English at Filipino sa kanilang mga mag-aaral. Kung tutuusin, hindi na dapat ito ginagawa ng mga guro sa high school, pero maraming mag-aaral ang hindi naiintindihan ang mga nakasulat sa libro at blackboard kasi sila ay hindi marunong magbasa.
Sino ang may kasalanan?
Isa sa mga dahilan kung bakit mababa ang literacy sa mga mag-aaral sa Pilipinas ay dahil sa kahirapan. Madalas, wala nang oras para mag-review ng mga aralin ang mga bata dahil sila rin ay nagtatrabaho upang matulungan ang kanilang mga pamilya.
Ang mga magulang naman nila ay hindi rin sila natutulungan dahil nagtatrabaho din sila upang buhayin ang kanilang pamilya.
Kasalanan din ito ng sistema sa mga public school kung saan binibigyan ng bonus ang mga guro na maraming ipinapasang mag-aaral. Kadalasan, dahil gustong makuha ng guro ang kanilang bonus, ipinapasa na lang nila ang mga mag-aaral, kahit na alam nilang kulang pa ang kaalaman nila.
Hindi rin madali para sa mga guro ang turuan ang daan-daang mag-aaral. Masyadong masikip ang mga klasrum sa public school, at napakaraming mga mag-aaral ang kailangang turuan. Hindi na natututukan ng mga guro ang mga estudyante dahil sa dami ng trabahong kailangan nilang gawin.
Dagdag pa rito ang kakulangan sa kagamitan sa paaralan. Mahirap magturo kapag kahit pambili ng chalk man lang, ay walang maibigay ang paaralan. Madalas, mga guro pa ang gumagastos ng pambili sa mga ginagamit nila sa pagtuturo. Kung tutuusin, hindi rin naman mataas ang sahod ng mga teacher sa ating bansa.
Ano ang magagawa tungkol dito?
Hindi lamang ito problema ng mga mag-aaral, o ng mga guro sa public school. Ang illiteracy ay problema ng buong bansa, dahil lahat tayo ay naaapektuhan nito.
Napakasakit isipin na maraming bata na nga ang hindi nakakapag-aral, tapos ang ilan na nabibigyan ng pagkakataon mag-aral ay hindi rin natuturuan ng maayos.
Ang edukasyon ay karapatan ng lahat ng bata sa Pilipinas. Kaya’t mahalagang suportahan natin ang pag-aaral ng mga bata. Puwedeng mag-volunteer sa mga paaralan at turuan ang mga bata, o kaya naman ay magbigay ng donasyon para sa mga kinakailangang school supplies at kung anu-ano pa.
Kailangan ng ating mga public schools ang suporta mula sa gobyerno at mula na rin sa atin. Kung kaya nating tumulong at mag-volunteer, hindi tayo dapat magdalawang isip na gawin ito.
Mabuti rin na isama natin ang ating mga anak, at turuan silang magkaroon ng pagmamalasakit sa kapwa. Maganda ring paraan ang pagvolunteer upang ma-inspire ang ating mga anak na maging mas mapagbigay at mapagmahal sa kapwa nila bata.
Sources: Manila Times, I-Witness
Basahin: Turuan ang anak mong magbasa: Isang komprehensibong gabay