Kung makakapagbigay ang mga magulang ng kapaligiran na nagpapaunlad ng pagkahilig sa pagbabasa at mga libro, magiging madaling turuang magbasa ng mga toddlers. Kapag nagsimula nang magbasa ang bata, kasunod nang natututunan ang ibang mahahalagang kakayahan tulad ng pagbabanghay at pagsulat.
Sa lahat ng mga intellectual milestones na dapat marating ng mga bata, ang mahuli sa pagkatuto ng pagbabasa ang isa sa pangunahing ikinababahala ng mga magulang. Madalas ay binibigyan lang ng panahong magsimulang magsalita, maglakad at magngipin ang mga bata. Pero pagdating sa pagbabasa, nabibigyan sila ng higit na pressure.
Halimbawa, maraming mga magulang ng preschoolers ang bumibili ng mga phonics workbooks at software dahil ito raw ang makakatulong na mapabilis ang pagbasa at pagsulat. May mga kumukuha pa ng tutor para matutukan ang mga anak nila at maihanda para sa unang baiting. Pero anuman ang inaasahan, sinasabi ng mga pag-aaral na ang maagang pagpapagawa ng formal learning approaches sa literasiya ay hindi nakakatulong sa pagkahasa ng pagbabasa—bagkus ay nakakasama pa ito.
Paano nga ba turuang magbasa nang walang pressure agn mga toddler, at para sa purong kasiyahan lamang?
Mahalagang turuang magbasa ang anak
Paano turuan ang bata magbasa? | Image from Shutterstock
- Dapat malaman ang pagkakaiba ng pagkahilig sa pagbabasa ng libro at pagkatuto ng pagbabasa. Kung mahihikayat ang bata na mahilig sa libro at mawili sa pagbabasa, mas mabilis siyang matututong magbasa.
- Simulan ang pagbabasa kahit sanggol pa lang ang anak. Bigyan ang bata ng librong pang 0-1 taong gulang—may mga foam books na tela at waterproof vinyl at puwedeng kagatin o paglaruan. Hindi man marunong magbasa o tumingin man lang sa mga larawan, ang punto ay makilala ng bata ang libro at makagiliwan niya ito.
- Kapag naging toddler na, puwede nang simulang makipaglaro gamit ang mga tauhan at bagay galing sa kwentong binasa. Masaya ding basahan siya ng mga rhyming books.
- Kung sa tingin mo ay handa na sila para sa susunod na hakbang, maaari nang ipakilala at ituro ang paggamit ng phonetic sounds at blended letter sounds para maintindihan ang kahulugan nito.
- Kapag nagsimula nang pumasok sa preschool ang bata, magtakda ng schedule para magbasa ng mga librong may kuwento, sa bahay.
- Huwag pilitin ang bata na magbasa ng mga kuwentong ayaw niya. Hayaan siyang pumili ng mga kwentong gusto niya, lalo na yung may mga larawan.
- Higit sa lahat, tandaan na ang bawat bata ay kakaiba, kaya ang mga reading abilities din ay hindi pare-pareho. May mga batang nakakapagbasa na ng edad 3 taon, habang ang iba ay mas huli dito. Kung nagagawa ng ibang bata, huwag asahan na kaya na din ng iyong anak. May kani-kaniya tayong paraan at panahon ng pagkatuto. Huwag madaliin, at huwag pilitin. Basta may gabay ng magulang, matututo din siya.
Narito ang paraan ng pagtuturo ng pagbabasa at pagsusulat sa mga bata.
Maaaring simulang turuang magbasa ang mga ito ng 2 taong gulang, o mas maaga pa.
1. Basahan si baby
Mag-ipon ng mga libro at maglagay ng book shelf at reading corner sa isang lugar sa bahay ninyo. Hayaan ang batang paglaruan at hawakan ang mga libro hanggang gusto niya. Ito ang simula ng pagpapakilala sa kaniya sa mundo ng pagbabasa at mga libro.
Kung babasahin pa ang libro o kuwento sa kaniya, mas lalo pang makikinabang ang bata. Masasaisip kasi niya na ang pagbabasa ay bonding time nila ni Nanay o Tatay. Hindi dapat maging “trabaho” o “task” ang pagbabasa. Ito ay dapat hindi pinipilit, at kusang magugustuhan o mamahalin ng bata ang pagbabasa at libro kung nagabayan siya nang tama.
Hindi kailangang lagi siyang basahan (kundi ay magsasawa din ito). Maging creative o malikhain, hangga’t maaari. Mag-isip ng iba pang kwento tungkol sa mga larawan sa librong binabasa, o kaya ay tanungin ang bata kung ano ang nangyayari, sa tingin niya. May mga libro na rin na ginawan ng melodiya o kinukwento ng pakanta, tulad ng ginawa ng manunulat na si Julia Donaldson sa mga librong pambata na siya ang may akda (makikita sa YouTube ang mga ito, tulad ng “Sharing a Shell” at “Monkey Puzzle”) Sa puntong ito, dapat ang pagkatuto ay masaya at kaaya-aya sa bata.
Siguraduhin din na nasa abot-kamay lang ng bata ang mga libro. Itabi ang mga libro sa mga laruan, at ilagay sa mababang lalagyan, halimbawa. Hayaan siyang laruin ito, lalo na kung baby o toddler pa.
Paano turuang magbasa ang iyong anak?
Habang lumalaki ang bata, bigyan siya ng mga librong may kaunting sulat o text, tulad ng mga libro ni Eric Carle. Maraming mahahanap na libro para sa edad 2 hanggang 4 na taong gulang, karaniwang tungkol sa hayop, pang-araw araw na bagay, mga sasakyan, at pamilya.
Iwasan muna ang mga pop-up book dahil madali itong masisira, maliban na lang kung itatabi ito sa hindi maaabot ng bata, at gagamitin lang ni Nanay o Tatay kapag oras nang mag-kuwento o magbasa nang magkasama. Maraming mga board books, at fabric books para sa edad na ito. Marami ring mga “feely” books na masayang hawakan at pakiramdaman ng bata dahil may iba’t ibang texture o habi.
Paano turuan ang bata magbasa? | Image from Dreamstime
2. Turuang magbasa ang toddler bago mag-preschool
Lahat ng bagay ay may tamang panahon—pati pagsulat at pagbabasa. Huwag madaliin ang bata.
Pagkatapos mahinang ang pagkagiliw sa pagbabasa at sa libro, kailangan niyang matuto ng pre-reading skills bago tuluyang mahikayat sa pagbabasa.
Pagdating ng 18 buwan, kailangang magkaroon na ng ideya ang bata na ang libro ay may harap, likod, at may mga pahina sa loob. Naiintindihan na rin na ang pagbasa ay mula kaliwa papuntang kanan. Dagdag pa dito ay ang kaalaman na ang mga salitang binibigkas ay binubuo ng mga titik.
Hindi naman kailangan ituro lahat ng pre-reading skills lahat. Kapag may sapat na pundasyon at paghikayat, natural na matututunan ng bata ang mga ito. Mainam na ituro ang mga salitang binabasa at binibigkas habang nagbabasa para malaman niya na ito ang sinasabi.
Isa sa makaktulong sayo sa pagtuturo ng pagbasa ay piliin ang mga librong nakakatuwa, nakakatawa at malinaw, maraming larawan at simple lang ang mga salita at kuwento. Ang mga may ritmo at rhyme ang mabuti para sa mga toddlers. Nahihinang nito ang listening skills.
Kapag may rhyme, nahihikayat ang mga bata na mag-isip kung ano ang susunod. Ang mga kuwentong may paulit ulit na salita at pangungusap din ang mainam para sa mga toddlers dahil maaalala nila ito at minsan ay nakakaya pang ituloy o ulitin dahil nakakabisa na nila.
3. Turuang magbasa ang batang makakilala ng titik at tunog ng bawat titik
Ang ikatlong mahalagang hakbang ay ang pag-alam ng titik at mga tunog nito. Sa gulang na 3 taon, at kung nagsimula na sa preschool ang bata, kaya na niyang bumigkas ng mga tunog ng titik. Kung kilala ang bata at alam ng magulang ang kakayahan nito, puwede nang ituro ito sa bata.
Sa puntong ito, makakabuti ang pagbili ng isang libro tungkol sa alpabeto (Ingles at Filipino) o kaya’y mga flash cards, para masanay ang bata sa mga titik.
Bigkasin ang mga titik. Ituro ang tunog ng mga titik, pagkatapos ay ang pangalan ng titik. Ganito ang pagtuturo sa eskwela, kaya’t mabuting ganito din ang gawin.
Paghiwa-hiwalayin ang mga titik at banghayin. Gumamit ng mga cut-out o magnet na titik, para puwedeng paglaruan ng bata. Ilagay ang magnet sa refrigerator para mapaglaruan ng bata. May mga nabibili ding foam letters para sa bath tub, o soft letter mats para sa sahig. Madali nilang makikilala ang mga titik at matututunan ang mga tunog kapag laging nakikita.
4. Turuang magbasa ang mga school-age kids magbasa at magsulat
Kapag natuto nang pumasok sa elementary ang bata, pag-aaralan na niya ang mga titik at tunog, at pagbuo ng salita. Tinuturo na rin ang mga consonant blends tulad “sh” o “ch” sa Ingles. Ito ang unang hakbang sa pagtuturo ng pagbasa.
Alamin ang pinag-aaralan ng bata sa eskwelahan sa araw-araw. Itanong kung may “key word for the day” sila at pag-usapan at ensayuhin ito kasama siya.
Maupo kasama ang bata at hikayatin siyang ituro sa iyo kung paano ito bigkasin.
Iwasang ikumpara sa iba ang reading skills ng anak. May kani-kaniyang panahon at paraan ng pagkatuto ang bawat bata. Huwag lang magsawang makipagsanay sa kaniya at magbasa palagi.
May mga mabilis natututo pagkatapos ay bumabagal ang progreso. Huwag mag-alala. Tandaan na walang koneksiyon ang bilis ng pagkatuto sa bilis ng dumadami at yumayabong na brain cells.
Paano turuan ang bata magbasa? | Image from Unsplash
Paano mapapabilis turuan ang bata magbasa?
Paano mapapabilis turuan ang bata magbasa? Mula sa pagtuturo ng toddlers hanggang sa pagtuturo ng batang nasa elementarya na, maraming puwedeng gawin sa pagitan ng panahon na ito. Pero mas mapapadali kung nakakahikayat ang kapaligiran.
1. Matuto kasama ang anak
Turuang magbasa ang iyong anak. Kausapin ang guro ng anak tungkol sa mga pamamaraan na ginagamit para turuang magbasa ang mga toddlers at magsulat; ganoon din sa preschool. Aralin ang pamamaraan at ito ang maaaring gawin sa bahay.
2. Hayaan ang batang kilalanin at matuwa sa libro
Mahalaga ang pagtuturo ng pagbasa nguit kailangan munang matuwa at mahikayat ang bata dito, bago siya tuluyang magiliw sa pagbabasa nang mag-isa at magsulat na rin. Hayaan siyang tingnan ang mga litrato kahit pauli-ulit, at magkunwaring magbasa, at ikuwento nang pasalita ang nakikita sa larawan.
Hayaang pagmasdan ang mga titik at salita, at saka pag-usapan kung ano ang nakikita sa mga larawan.
3. Gawing “short and sweet”
Turuang magbasa ang iyong anak. Gawing maikli pero makabuluhan ang bawat pag-aaral kasama ang bata. Huwag ipilit kung ayaw o ‘di pa handa ang bata. Darating rin ang panahon na matututunan niya ang itinuturo—basta’t matiyaga lang.
4. Maghanap ng mga librong kagigiliwan ng bata
Hindi dapat ipilit ang pagbabasa sa bata. Bigyan siya ng mga librong gusto niya, kahit sa simula lang. Isama siya sa bookstore at hayaan siyang pumili ng libro.
Ang susi sa lahat ay ang pagkakaroon ng pasensiya at tiyaga. Maging consistent at persistent din. Magbasa kasama ang bata, o basahan din siya, araw araw. Ang pagtuturo ng pagbabasa sa bata ay nagbubukas ng imahinasyon at pagkamalikhain. Tandaan: ang mga magulang ang unang guro ng mga bata.
Translated with permission from theAsianparent Singapore
Sources:
Psychology Today
BASAHIN:
ALAMIN: Delayed ba ang development ng anak mo?
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!