Hindi nawawalang sipon ng bata? Baka mayroon siyang allergic rhinitis

Napapansin mo bang parang laging may sipon ang iyong anak? Alamin ang posibleng dahilan ng hindi nawawalang sipon ng bata at anong pwede mong gawin.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

“Bakit parang laging may sipon ang anak ko?” Basahin dito kung anong posibleng dahilan ng hindi nawawalang sipon ng bata.

Mababasa sa artikulong ito:

  • Hindi nawawalang sipon ng bata, ano ang sanhi?
  • Mga sintomas ng allergic rhinitis
  • Home remedies para sa allergy ng iyong anak

Mahalaga sa ating mga magulang na panatiliing malusog ang pangangatawan ng ating anak. Kaya naman kahit kaunting sipon lang, naaalarma na tayo at ibinibigay na natin agad ang tamang lunas para rito.

Subalit paano kung napapansin mong parang hindi nawawala ang sipon ng iyong anak? Ano ang dapat mong gawin?

Kadalasan, ang hindi nawawalang sipon ng bata ay senyales na mayroon siyang allergy, o sa kasong ito, allergic rhinitis.

Larawan mula sa Freepik

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Hindi nawawalang sipon ng bata

Ang allergic rhinitis ay isang uri ng reaksyon ng katawan na may kinalaman sa mata, ilong at lalamunan. Nangyayari ito kapag mayroong allergens sa hangin na nakakaapekto o nakaka-trigger ng chemical na histamine sa ating katawan.

Kadalasan, hindi naman masama ang mga allergens na ito. Subalit kung ang isang tao ay may allergy, iniisip ng katawan na delikado ang allergens kaya umaatake ito sa pamamagitan ng pagre-react. Naglalabas ito ng histamine na siya namang nakakairita sa nasal tissue na nagdudulot ng sipon.

Sanhi ng allergic rhinitis

Ang allergic rhinitis ay nakukuha o namamana ng isang bata sa kaniyang pamilya. Maaaring isa o pareho sa kaniyang magulang ay mayroon nito at naipasa sa kanilang anak sa kapanganakan.

Maaring magsimula ang allergic rhinitis ng bata sa edad na 2, subalit mas karaniwan itong nakikita sa mga batang 4-taong gulang pataas.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Pwedeng umatake buong taon ang kondisyong ito, sa tuwing may allergens na nalalanghap ng bata. Narito ang ilan sa karaniwang bagay sa kapaligiran na nagti-trigger ng allergies sa mga bata:

  • Pollen mula sa mga halaman
  • Dust mites o alikabok
  • Mold o lumot
  • Dumi ng ipis
  • Balahibo ng mga hayop

Ayon naman kay Dr. Romina Gerolaga, isang pediatrician at eksperto sa pediatric pulmonology mula sa Makati Medical Center, dito sa Pilipinas, mas kapansin-pansin na lumalabas ang allergies kapag nagsisimulang lumamig ang panahon o pagdating ng buwan ng Setyembre hanggang Disyembre. Tinatawag din itong seasonal allergy.

“Nararamdaman naming mga pulmunologist, pagdating ng ber months, mas inuubo, mas ina-asthma kasi nga mas malamig na ang panahon at mas maraming tao na doon nati-trigger.” aniya.

Gayundin, maraming pag-aaral na ang nagsabi na ang usok ng sigarilyo o secondhand smoke ay isang trigger ng allergic rhinitis.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Larawan mula sa Freepik

BASAHIN:

#AskDok: Magkakasakit ba si baby kapag nahamugan?

Mga sintomas ng pulmonya sa baby na dapat bantayan

#AskDok: Totoo bang nagkakasakit ang bata kapag natuyuan ng pawis?

Sintomas ng allergic rhinitis

Subalit paano ba malalaman ng magulang kung ang hindi nawawalang sipon ng bata ay dulot ng allergic rhinitis o iba pang sakit? Para kay Dr. Gerolaga, ang unang hakbang na dapat gawin ay obserbahan ang bata at ang kaniyang mga sintomas.

Aniya, pansinin mo kung nagpapakita ba ng mga sumusunod na sintomas ang iyong anak:

    • Lagi ba siyang may tumutulong sipon na puti?
    • Lagi bang nangangati ang kaniyang ilong at mata?
    • Namumula ba ang mata minsan tapos mawawala pagkaraan ng ilang oras o minuto?
    • Lagi bang barado ang ilong lalo na pagkagising sa umaga?
    • Laging bumabahing lalo na sa umaga?

Ayon sa doktora, “Mahalaga na tingnan natin ‘yong sintomas. Ang sinasabi is kung one or more symptoms na nabanggit, sina-suggest niyan na allergic rhinitis talaga ito. Kumbaga, kung laging nangyayari ito halos kada linggo.” 

Narito pa ang ilang sintomas na maaring senyales rin ng allergic rhinitis:

  • Paghihilik o humihinga sa bibig
  • Madalas na pagluluha ng mata
  • Pananakit ng ulo
  • May popping o cracking sound sa tenga

Subalit paalala ni Dr. Gerolaga, kung ang sipon ng bata ay kulay yellow o green, nanggagaling lang sa isang butas ng ilong, may masakit sa bahagi ng pisngi o nagdurugo ang ilong, hindi ito nagmula sa allergy at dapat na kumonsulta sa isang doktor.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Dapat bantayang maigi ang bata kapag nagpapakita ng sintomas ng allergic rhinitis, dahil kadalasan, ang mga allergens na nagdudulot ng mga ito ay siya ring nagti-trigger ng asthma o hika. 8 sa 10 batang may asthma ang mayroon ring allergic rhinitis.

Paano gagamutin ang hindi nawawalang sipon ng bata?

Mahirap talagang mawala ang allergic rhinitis sa mga bata, lalo na kung patuloy silang mae-expose sa allergens. Subalit depende sa mga ipinapakitang sintomas, maaaring magbigay ang doktor ng mga gamot gaya ng mga sumusunod:

  • Antihistamines
  • Nose sprays
  • Decongestants
  • Gamot para sa asthma
  • Allergy shots

Siguruhing kumonsulta sa pediatrician bago bigyan ang iyong anak ng mga gamot sa allergic rhinitis para malaman ang tamang dose na ibibigay sa kaniya. “Karaniwan, pine-prescribe ito ng doktor. Kung ano ‘yong dosage na binigay ng doktor, iyon ang ibibigay. Safe naman po ‘yon,” ani Dr. Gerolaga.

Paalala pa niya kung gagamit ng decongestants para sa baradong ilong, maaari lang itong ibigay sa mga batang 2-taong gulang pataas, at hindi dapat lumagpas ng 5 araw ang pagbibigay nito.

Kailan dapat tumawag sa doktor?

Kadalasan, maaari namang gamutin sa bahay ang mga sintomas ng allergic rhinitis. Subalit may mga pagkakataon na mas nangangailangan ng agarang medikal na atensyon.

Tawagan agad ang iyong pediatrician kapag:

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement
  • Hindi gumagaling ang iyong anak at sa halip ay lumalala ang sintomas, sa kabila ng pag-inom niya ng gamot
  • Masyadong matamlay o inaantok ang iyong anak kapag umiinom ng gamot sa allergy
  • Nagiging yellow o green ang kulay ng sipon
  • Nilalagnat ang bata

Maaring ang alikabok ang sanhi ng hindi nawawalang sipon ng bata | Larawan mula sa Freepik

Home remedies para sa allergic rhinitis

Maaaring walang mabilis na lunas para sa hindi nawawalang sipon ng bata. Subalit may mga paraan upang mabawasan ang pagka-trigger ng allergens at maiwasan ang allergic rhinitis sa pamamagitan ng pananatiling malinis ng hangin sa iyong tahanan.

Narito ang ilang home remedies na puwede mong subukan:

  • Panatiliing malinis ang hangin sa bahay. Gumamit ng air purifier o humidifier sa kwarto ng iyong anak.
  • Ugaliing magpalit ng mga sapin sa kama at unan, pati na rin kurtina linggo-linggo para maiwasan ang alikabok. Puwede ring gumamit ng mga mattress protector o dust-mite proof na beddings sa kama ng bata.
  • Kung allergic sa alikabok ang bata, bawasan ang mga bagay na madaling makakolekta nito gaya ng mga stuffed toy.
  • Gumamit ng vacuum para linisin ang kama, sofa at maging mga bintana sa bahay.
  • Panatiliin ding malinis ang bahay para makaiwas sa dumi ng ipis.
  • Alamin din kung may allergy ang iyong anak sa balahibo ng hayop para maiwasan ang paglapit dito.
  • Kung hahawak sa mga mabalahibong hayop, ugaliing maghugas ng kamay.
  • Huwag ilapit ang bata sa mga taong naninigarilyo.

Kung may allergy ang iyong anak, hindi ito magiging madali, dahil napakaraming allergens sa paligid. Subalit puwede mo namang tulungan na mapagtagumpayan niya ito.

Payo ni Dr. Gerolaga, ugaliing malinis ang kapaligiran upang mabawasan ang mga allergens na nakakapag-trigger ng allergic rhinitis ng iyong anak.

Makakatulong din kung ipapaintindi rin sa bata ang kondisyon niya para malaman niya kung ano ang dapat niyang gawin at iwasan.

Kung mayroon kang katanungan tungkol sa kaniyang sipon o allergy, huwag mahiyang kumonsulta sa doktor.

Source:

Healthy Children Org, Children’s National Org, Kids Health 

Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.

Sinulat ni

Camille Eusebio