Home birth coronavirus precaution sa mga buntis?
Home birth coronavirus precaution
Ang mabilis na pagkalat ng sakit na coronavirus disease o COVID-19 ay nagdudulot nga ng labis na pag-aalala. Hindi lamang sa mga Pilipino kung hindi pati narin sa buong mundo. Patunay nito ang kabi-kabilang lockdown na isinasagawa upang ma-kontrol ang patuloy pang pag-laganap ng sakit.
Maliban nga sa mga matatanda at immune-compromise na mas madali umanong kapitan ng virus, ay apektado rin ng pagkalat ng sakit ang mga babaeng kasalukuyang nagdadalang-tao. Lalo na ang mga malapit ng manganak, na nangangamba sa kaligtasan at kalusugan ng kanilang isisilang na sanggol.
Kaya naman usap-usapan sa ngayon ng mga health experts ang ideya ng panganganak sa bahay o home birth coronavirus precaution sa mga buntis. Dahil ayon sa kanila, ito ang isa sa pinaka-magandang paraan upang masiguro ang kaligtasan ng bagong silang na ina at ng kaniyang sanggol laban sa kumakalat na sakit.
“Opting for a home birth can help to alleviate some worry for expectant mums. Especially those who might be concerned about there being no bed or midwife available in hospital.”
Ito ang pahayag ni Siobhan Miller, isang experienced hypnobirthing coach mula sa South-West London.
Dagdag pa niya maliban sa mababawasan ang worry ng mga expectant moms ay mas makokontrol rin nila ang mga taong makakasalimuha niya at ng kaniyang sanggol pagkatapos manganak.
“Being at home also means you have more control over your environment. And can limit how many people are entering your space and manage who you come into contact with.”
Ito ang dagdag pang pahayag ni Miller.
Pagsasagawa ng home birth
Pero ayon sa licensed midwife na si Asasiya Muhammad mula Philadelphia, hindi ang pagkatakot sa virus ang ginagawang basehan upang maging good candidate ng home birth ang isang buntis. Dahil para maisagawa ang home birth ay kailangang qualified o healthy ang isang buntis na babae. Ito ay para maiwasan ang mga komplikasyon na lubhang delikado. Hindi lang para sa kaniya kung hindi pati sa kaniyang sanggol.
“Home birth should be an option because you’re a good candidate. Not just because you’re afraid to be in the hospital. You could end up back in the hospital for not being the right candidate to be outside the hospital in the first place.”
Ito ang pahayag ni Muhammad.
Hindi lahat ng buntis ay puwedeng sumailalim sa home birth delivery
Ayon sa Mayo Clinic, ilan nga sa mga dahilan kung bakit hindi puwedeng sumailalim sa home birth ang isang buntis ay ang sumusunod:
- Nagbubuntis ng multiples o higit sa isang sanggol.
- Wala sa tamang posisyon ang ipinagbubuntis na sanggol. O hindi ito maipapanganak ng una ang ulo o sa pamamagitan ng headfirst delivery.
- Sumailalim sa C-section bago ang kasalukuyang pagbubuntis.
Habang ayon naman sa American College of Obstetricians and Gynecologists o ACOG, ang isang babae ay maaring maging candidate ng home birth kung low risk ang kaniyang pagbubuntis. O kung hindi siya nakakaranas ng sumusunod na kondisyon:
- Hypertension
- Diabetes at iba pang chronic medical conditions
- Pregnancy complications tulad ng gestational diabetes o preeclampsia.
- At risk sa preterm birth
Kung hindi naman nagtataglay ng mga sumusunod na kondisyon at good candidate para sa home birth ay mahalagang makipag-ugnayan parin sa kaniyang health care provider ang isang buntis. Dahil sila ang magbibigay ng ng necessary precautions na magsisiguro sa kaligtasan niya at ng kaniyang sanggol sa panganganak.
“If you are considering a home birth, it would be wise to make sure your health care provider continues to take all necessary precautions. To keep you safe from potential exposure and then to carry on as normal.”
Ito naman ang pahayag ng women’s health expert na si Dr. Jennifer Wider.
Home birth coronavirus precaution sa Pilipinas
Sa ngayon dito sa Pilipinas ay hindi pa natatalakay ang homebirth coronavirus precaution sa mga buntis. Lalo pa’t matagal ng diniscourage ng DOH ang paraan na ito ng panganganak. At ito ay nakasaad sa kanilang Administrative Order 0029 o mas kilala sa tawag na “Implementing Health Reforms for the Rapid Reduction of Maternal and Neonatal Mortality” na ipinatupad noong 2008.
Ito ay ang hakbang na naisip ng ahensya upang hikayatin ang mga buntis na ina na manganak sa pamamagitan ng facility-based delivery. O ang panganganak sa ilalim ng supervision at care ng isang licensed midwife. Layunin nitong mabawasan ang maternal mortality ratio ng bansa o ang bilang ng ina at sanggol na nasawi na may kaugnayan sa panganganak.
Pagsasagawa ng home birth sa Pilipinas
Muli lamang nabuksan ang usapin nitong nakaraang taon ng manganak sa pamamagitan ng home birth o normal home delivery ang aktres na si Rica Peralejo.
Pero sa ginawang documentary ng aktres sa kaniyang panganganak ay sinabi niyang isinagawa niya ito ng may pahintulot ng kaniyang OB. At may mga nakabantay at kasama siyang licensed midwife at nurse ng isinasagawa niya ito. Ito ay upang sa oras na may mangyaring emergency o hindi inaasahan sa kaniyang panganganak ay agad na may aalalay sa kaniya. At magsisiguro sa kaligtasan niya at ng kaniyang sanggol.
Kaya naman kung ikaw ay buntis at pinag-iisipang manganak sa pamamagitan ng home birth ay makipag-usap muna sa iyong doktor. Dahil sila ang mas nakakaalam ng iyong kondisyon. Hindi rin dapat nagpapabaya sa iyong regular na check-up na maaring isagawa sa paraan na magiging ligtas sa inyo sa kabila ng kumakalat na virus.
Sa oras naman ng emergency ay mga lying-in clinics sa inyong barangay ang maari mong puntahan. Ngunit kung nais mo paring makasigurado ay mas mabuting dumeretso sa isang ospital na maibibigay lahat ng serbisyong kailangan mo.
Ngunit kung ito ay mapaghahandaan mas mabuti munang hingin ang payo ng isang health professional. Ito ay para hindi lamang sa kaligtasan mo, kung hindi para narin sa safety ng baby mo.
SOURCE: Yahoo News, Philadelphia Inquirer, What to Expect, Mayo Clinic, Rappler
BASAHIN: Pre-natal Visit: Mga dapat gawin para magiging safe sa COVID-19