Gabay kung paano madaling makapag-migrate sa Canada

Gabay kung paano madaling makapag-migrate sa Canada

Narito ang mga hakbang kung paano makapagtrabaho at tuluyang manirahan sa Canada ang isang Pilipino.

How to migrate to Canada from the Philippines?

Iyan ba ang katanungang laging pumapasok sa isip mo? Pwes narito na ang mga paraan at hakbang na dapat gawin para masagot at maisakatuparan ang ninanais mo!

Para makaraos at makaahon sa buhay, isa sa mga paraang naiisip ng karamihan sa mga Pinoy ay ang magtrabaho abroad.

Sa isang 2017 statistics sa pagitan lamang ng buwan ng Abril hanggang Setyembre, ay may naitalang 2.3 million na OFWs o Overseas Filipino Workers ang nagtratrabaho sa ibang bansa, ayon sa Philippine Statistics Authority o PSA.

Sa dami nga ng Pinoy na nakikipagsapalaran abroad, ang iba ay sinuswerte at mas pinipiling manatili na lamang doon dahil sa mas magandang oportunidad at kinabukasan para sa kanilang pamilya. Isa na nga sa mga bansa na nagbibigay ng mga benepisyong ito ay ang Canada.

How to migrate to Canada from the Philippines?

Ayon nga sa 2016 Canadian Census, ay may naitalang 837,130 na Filipino ang disenteng namumuhay sa Canada na halos nakatira sa mga urbanized areas o sa mga siyudad.

Ang bilang ng mga Pinoy na ito ay napipiling tumira at manatili sa Canada dahil sa mga benepisyo gaya ng malaking network ng social services, high-quality education system, free health care system, discrimination-free job market at siyempre ang mas mataas na sweldo. Encouraged din na mag-apply ang foreign workers na may mga anak.

Kung gusto mong maging isa sa mga Pilipino na tumatamasa ng mga benepisyong ito at manirahan sa Canada ay may mga dapat kang gawin upang maayos na makapag-migrate at masimulan ang buhay na pinapangarap mo.

Isa sa mga paraan para maisakatuparan ito ay ang makapagtrabaho muna sa Canada bilang temporary worker bago tuluyang mag-apply sa permanent resident status.

Ngunit paano mo nga ba dapat simulan ang prosesong ito para sa buhay na pinapangarap mo? Narito ang mga hakbang kung paano maghanap ng trabaho sa Canada at tuluyang makapag-migrate dito.

How to migrate to Canada from the Philippines

Photo: Pexels

Steps on how to migrate to Canada from the Philippines
Step 1: Alamin ang iyong options at eligibility.

Ang unang hakbang on how to migrate to Canada from the Philippines ay ang pagtratrabaho dito. Ngunit bago ang lahat ay kailangan mo munang alamin kung ano ang iyong mga options at kung eligible ka ba na makapagtraho dito.

May dalawang bagay ang maaring pumigil sayo na makapagtrabaho sa Canada, una ay ang hindi mo pagkakaroon ng kinakailangang qualification skills o employment background at ang pangalawa ay ang pagiging “inadmissible” o hindi ka pupuwedeng pumunta sa Canada sa ilalim ng Canada’s immigration law.

Ilan sa mga dahilan para maging “inadmissible” ang isang tao sa Canada ay ang sumusunod:

  • May naitalang gawain na maaring maging banta sa security gaya ng espionage, subversion, terrorism at violence
  • Pagiging miyembro ng isang organization na gumagawa ng human o international rights violations kabilang ang war crimes at crimes against humanity
  • Nakagawa ng krimen gaya ng pagdridrive ng lasing o nasa impluwesya ng droga
  • Medical reasons na magiging banta sa public health at safety
  • Financial reasons o ang kawalan mo ng kakayahan masuportahan ang sarili mo

Samantala, may apat na paraan para tuluyang makapag-apply ng permanent residency sa Canada sa pamamagitan ng pagtratrabaho. Ito ay mapabilang sa isa sa apat na categories na ito: Federal Skilled Worker, Federal Skilled Trades Worker, Canadian Experience Class at ang Provincial Nominee Program.

Ang mga Canadian Experience Class ay ang manggagawa na may skilled work experience na sa Canada. Ang mga mga Provincial Nominee naman ay iyong may mga qualifications at ni-nominate ng isang Canadian province o territory para mag-migrate sa Canada.

Ang mga Federal Skilled Workers naman o FSW ay ang mga aplikanteng may at least 1 year work experience na sa bansa sa isa sa mga 50 eligible na occupations o trabaho. Samantalang, ang Federal Skilled Trades Program o FSTP naman ay ang mga aplikanteng may dalawang taon ng work experience sa loob ng nakaraang limang taon sa isa sa 90 eligible skilled trades.

Ngunit, ang pag-aapply sa mga programang ito para sa permanent status ay matagal lalo na kung wala kang qualifying job offer. At dito pumapasok naman ang Temporary Foreign Worker o TFW program. Sa pamamagitan ng programang ito ay i-hihire ka ng isang Canadian employer sa maiksing panahon o contractual basis.

Kapag naayos at nakumpleto na ng iyong employer ang mga requirements mo ay maari ka ng maisyuhan ng work permit para makapagtrabaho agad sa Canada. Sa ganitong paraan ay maari kang magtrabaho habang hinihintay na maapproved ang permanent residency application mo.

Step 2: Maghanap ng trabaho.

Para naman makabilang ka sa mga programang nabanggit ay dapat kang maghanap ng trabaho o job vacancies sa Canada na babagay sayo.

Ilan nga sa mga pinakain-demand na trabaho para sa mga Filipino sa Canada ay ang mga registered nurses, computer engineers, welders, specialist physicians, general practitioners, accountants, software engineers, machinist at caregivers.

Isa nga sa pinakamadaling paraan ng paghahanap ng trabaho sa Canada ay sa pamamagitan ng internet o online. Mula dito ay maari kang mag-submit ng iyong resume sa mga online job portals o hindi kaya naman ay magpa-refer sa mga kakilala mong may alam na job opening sa bansa.

Ilan sa mga online sites na maari mong applyan ay ang mga sumusunod:

  • Monster Canada
  • Workopolis
  • Canada Job Bank

Malaking tulong rin kung mayroon kang kakilala na nakatira o nagtratrabaho sa Canada para makapaghanap agad ng trabaho. Dahil ayon sa isang job search seminar sa Canada, tanging 20% lang ng mga job vacancies dito ang pinopost online. Ang 80% sa mga ito ay kadalasang ipinopost sa mga bulletin boards ng mga kumpanyang may bakante sa trabaho.

May mga recruitment agencies din naman ang maari mong malapitan para malaman ang mga job vacancies at makapag-apply sa Canada. Ang kailangan mo lang ay i-verify muna ang legitimacy ng agency sa POEA bago makipagtransaksyon dito.

Step 3: Pagse-secure ng trabaho.

Kung sakaling nakahanap ka na ng trabaho at ikaw ay na-hire na ang susunod mong gagawin ay ang antayin ang pagdating ng mga papeles mula sa employer mo para tuluyan ng makapunta sa Canada.

Para sa mga job offer, importanteng reviewhin muna ang mga specific details ng document katulad ng salary and benefits, job description at working hours. Dapat ang nakasulat rito ay tulad ng napag-usapan niyo. Huwag ding tatanggap ng kahit ano mang job offer na hihingi ng pera mula sayo o ng credit card information mo dahil isa itong uri ng scam o pangloloko.

Kapag nareceived mo na ang mga required documents galing sa employer mo ay maari ka ng makapag-aaply ng work permit at temporary resident visa kung kinakailangan.

Step 4: Pag-a-apply ng work permit.

Hindi lahat ng trabaho sa Canada ay kinakailangan ng work permit kaya dapat ay alamin mo muna ito para hindi masayang ang oras mo. Ngunit maliban sa work permit ay kailangan mo paring mag-apply ng visa para makapunta sa Canada. Sa ngayon ay maari ka ng magpasa ng visa applications sa Canada online o isa sa mga Visa Application Centres (VACs) sa Pilipinas.

Ang pag-aapply ng work permit ay maari ring gawing online. Kailangan mo lang siguraduhin na kumpleto ang mga forms at documents mo sa pag-aapply at isang valid debit o credit card na gagamitin mong pambayad sa proseso.

Step 5: Mag-paregister sa POEA.

Para maprotektahan ang karapatan mo bilang isang OFW at legal na makapagtrabaho sa ibang bansa ay kailangan mong magparegister sa POEA. Ang mga name-hired workers o yung direct hire ng mga Canadian employers ay hindi na kailangan magbayad ng placement fees. Ngunit kung ikaw ay dumaan sa recruitment agency at isa ito sa nakasaad sa kontrata mo sa kanila ay kailangan mong magbayad at sundin ito.

Maliban sa pagpapa-register ay kailangan mo ring iproseso ang exit clearance mo o ang overseas employment certificate bago tuluyang makaalis ng bansa.

Step 6: Pagtratrabaho sa Canada

Bilang isang temporary worker, ikaw ay dapat matrabaho sa kung ano ang nakalagay sa iyong kontrata. Maari kang magbago ng employer sa Canada ngunit kakailanganin mo ng panibagong work permit para dito.

Mula sa pagiging temporary worker ay maari ka ng maghanap ng ibang trabaho na nag-o-offer ng mas matagal na kontrata o permanent basis para tuluyan ka na ring makapag-apply ng permanent resident status.

Ang pag-aapply ng trabaho sa ibang bansa ay sadyang mahirap at napakahabang proseso. Ang kailangan mo lang ay sipag at tiyaga lalo na kung ito ang nakikita mong paraan para mabigyan ng magandang kinabukasan ang pamilya mo.

 

Sources: PSA.gov, NBC, Filipiknow, Canada.ca, Canada.ca

Basahin: 10 home-based jobs na puwedeng gawin ng mga nanay

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!

app info
get app banner