Pwede sa bata! Enjoy your long weekend with Netflix, iFlix, iWant and HOOQ

Magbonding kasama ng buong pamilya sa pamamagitan ng panonood ng movies at TV shows gamit ang mga app na ito. (Lead image from Freepik.com)

How to subscribe to Netflix Philippines, iFlix, iWant and HOOQ. Ang mga app na kung saan maaring manood ng movies at TV shows ang buong pamilya.

Image from Freepik

Sulitin ang oras ninyong magkakasama ng buong pamilya sa pamamagitan ng mga activities na siguradong mai-enjoy ninyo. Tulad ng panonood ng movies at TV shows na kung saan puwedeng maka-relate ang bawat isa. Sa ngayon ay hindi mo na kailangang bumili pa ng bagong CD o DVD upang gawin ito. Dahil may mga apps na kailangan ka lang i-download sa iyong smartphone, tablet, laptop, computer o internet TV para ma-experience ang unlimited viewing ng TV shows at mga movies. Ang mga app na ito ay ang Netflix, iFlix, iWant at HOOQ na perfect para sa masayang bonding ng buong family.

Netflix

Ang Netflix ay isang app na kung saan maari kang manood ng mga international at award-winning TV shows, documentaries at movies online. Dito ay maari kang manood ng paborito mong palabas at pelikula ng tuloy-tuloy ng hindi pinuputol ng advertisements o patalastas. Lagi ring bago ang mga content na mapapanood rito na may kaniya-kaniyang genre at category para sa bawat miyembro ng pamilya. Maari ring mag-download ng TV shows at movies rito na kung saan iyong mapanood kahit wala ng internet connection.

May kid-friendly feature rin ang app na ito. Ito ang Netflix Kids na kung saan puwedeng mag-browse ang iyong anak ng mga movies at shows na angkop para sa kaniyang edad. Mayroon ditong Disney shows, family movies at educational shows tulad ng Paw Patrol, Peppa Pig, Dora the Explorer, The Magic School Bus at Peewee’s Playhouse.

Image from Netflix

How to subscribe to Netflix Philippines

Ngunit para masimulang gumamit ng Netflix una dapat ay mayroon kang stable internet connection para sa maayos na panonood. At pangalawa ikaw ay dapat mayroong membership plan dito na may kaukulang bayad buwan-buwan.

Dito sa Pilipinas ay mayroong apat na membership plan na ini-offer ang Netflix. Ang bawat plan ay naka-depende sa device na iyong gagamitin sa panonood. Ang bilang ng taong maaring gumamit ng Netflix account ng sabay-sabay. At quality ng iyong viewing experience tulad ng Standard Definition (SD), High Definition (HD), o Ultra High Definition (UHD).

Ang apat na membership plan ng Netflix na ini-offer sa Pilipinas ay ang sumusunod:

  • Mobile Plan (P149/month) – Para sa cellphone at tablet. SD quality ang viewing experience at limitado sa isang device lang ang puwedeng manood.
  • Basic Plan (P369/month) – Puwede sa smartphone, laptop at internet TV. SD quality ang viewing experience at limitado sa isang device lang ang puwedeng manood.
  • Standard Plan (P459/month) – Puwede sa smartphone, laptop at internet TV. SD to HD quality ang viewing experience at limitado sa 2 device ang puwedeng manood ng sabay.
  • Premium Plan (P549/month) – Puwede sa smartphone, laptop at internet TV. SD to UHD quality ang viewing experience at hanggang 4 na device ang puwedeng manood ng sabay.

Para naman masimulan ng gumamit ng Netflix ay kailangan mo munang i-download ang app sa device na iyong gagamitin. O kaya naman ay pumunta at bisitahin ang kanilang website na Netflix.com. Doon ay magsign-up ng iyong account, pumili ng plan na iyong gusto at piliin kung paano ang payment method na iyong gagamitin. Maaring ito ay sa pamamagitan ng credit card, debit card at Paypal. Kapag lahat ito ay tapos na ay maari mo ng simulan ang panonood o pag-dodownload ng movies at TV shows para sa inyong buong pamilya. Sa ngayon, ay mayroon silang ini-offer ng 30 days free trial para sa mga bagong subscribers.  I-take advantage na ito at simulan ng manood sa Netflix upang makapag-bonding ang buong pamilya.

iFlix

Kung panonood naman ng Asian content ang hilig mo, tulad ng Netflix ay mayroon namang iFlix. Dito ay makakanood ng mga Pinoy movies, TV shows, K-dramas pati na Hollywood movies bagamat limited lang kumpara sa makikita sa Netflix.

Mayroon rin itong kid-friendly feature na kung saan makakanood ng mga TV shows at movies na pambata. Mayroon ring educational shows tulad ng Thomas and Friends, Pinkfong shows, Poroto Sing Along, Adventure time, Arthur, Dora the Explorer at marami pang iba.

Image from iFlix

How to subscribe to iFlix

Ang panonood sa karamihan ng content sa iFlix ay for free. Pero kung gusto mo ng mas maraming pagpipilian ay maari kang maging iFlix VIP sa pamamagitan ng pagsusubscribe sa monthly plan nila na P129 kada buwan. Sa presyong ito ay maari ka ng manood ng mas maraming movies at shows na may mga categories rin at genre na swak sa bawat miyembro ng pamilya. Hanggang dalawang device nga lang ang maaring mapanood ng sabay sa iFlix. At ang quality ng viewing experience mo ay naka-depende sa iyong internet connection speed.

Kung ikaw naman ay Smart at PLDT subscriber ay maari ka ng maka-subscribe sa iFlix sa halagang P99 kada buwan.

Maari ring mag-download ng movies at iba pang content mula sa iFlix. Kailangan nga lang ay mag-subscribe ka muna sa kanilang monthly plan upang ito ay magawa.

Para simulan ang iyong iFlix experience ay i-download muna ang app sa iyong cellphone o kaya naman ay bisitahin ang kanilang website gamit ang iyong laptop o desktop computer. At simulan ng subukang manood ng mga available movies at content na mayroon sila.

iWant

Ang iWant ay isa ring app na maaring gamitin upang makanood ng movies at TV shows. Ngunit hindi tulad ng Netflix at iFlix, ang mga content sa iWant ay limitado lang sa mga shows at movies na ang nag-produce ay ang Pinoy channel na ABS-CBN. Ito ay library ng iba’t-ibang blockbuster hits, teleseryes at OPM music favorites na ini-release ng istasyon. Dito ay maaring muling panoorin ang mga hit educational TV shows noong 90’s tulad ng Hiraya Manawi, Sineskwela, Bayani, Sarah Ang Munting Prinsesa at marami pang iba na siguradong kapupulutan ng aral ng mga bata. O kaya naman ay ang mga tagalized Asianovelas na siguradong nagpakilig sa iyo noon tulad ng Meteor Garden.

Image from iWant

How to subscribe to iWant

Libre ang panonood ng mga contents sa iWant. Bagamat mayroong ilang pelikula rito  na first time palang ipalalabas sa publiko ang mayroong bayad. Ngunit pagdating sa subscription sa iWant ay maaring mamili kung per day(P15), per week(P60) o per month (P120) ang gusto mo.

Ang kailangan mo lang ay i-download ang app sa iyong cellphone o bisitahin ang kanilang website, mag-signup at simulan na ang iyong panonood.

HOOQ

Isang app rin na maaring makanood ng movies at TV shows ang buong pamilya ay ang HOOQ. Ito ay tulad ng iFlix na kung saan maaring makanood ng Hollywood movies, Pinoy movies at TV shows pati na mga K-pop dramas na sinusubaybayan mo. Mayroon ring mga kid-friendly TV shows at movies na perfect sa mga bata. Tulad ng Car Patrol, Pinkfong Shows, Paw Patrol at marami pang iba.

Image from HOOQ

How to subscribe to HOOQ

Pagdating naman sa subscription ang HOOQ ay may iba’t-ibang billing system. Mayroong P58 na good for 7 days, P149 for 30 days, P359 for 90 days, P729 for 6 months at P1,339 para sa isang taon.

Ang kinagandahan lang sa HOOQ lalo na kung Globe subscriber ka ay maari mo ng ma-access ang HOOQ for free. Ito ay kapag registered ka sa GoSurf 299 plan sa prepaid at Tattoo Broadband Plan 1299.

Sa pag-subscribe sa HOOQ plan ay maari ng manood ang 5 devices sa inyong bahay ng sabay-sabay. Free narin ang unang buwan sa iyong subscription kung magsign-up na sa HOOQ ngayon.

 

ALSO READ: 11 family activities para hindi ma-bored sa bahay