When and how will coronavirus stop? Ito ang tanong ng marami sa atin lalo na ngayong marami ng nasasawi sa patuloy na kumakalat na sakit na ito. Pero kailan at paano nga ba matatapos ang pagkalat ng virus na ito, narito ang sagot ng mga eksperto.
COVID-19 pandemic sa mundo
Disyembre ng nakaraang taong 2019 ng magsimulang magkaroon ng kakaibang uri ng pneumonia ang mga taga-Wuhan sa China. Ayon sa mga doktor na tumingin ng mga pasyenteng nakaranas ng hindi pa matukoy na sakit, ang mga sintomas nito ay parang tulad ng sakit na SARS. Ngunit ng ikumpara ng mga siyentipiko ang bagong virus sa SARS ay sinabing may pagkakaiba ang genomes o compounds na bumubuo sa dalawang sakit. Kaya naman mula noon ay pinangalanang novel coronavirus ang sakit ng dahil sa hindi pa matukoy ang pinagmulan nito.
Pagpasok ng Enero 2020, natukoy na nagmula ang virus sa isang seafood market sa Wuhan, China. Dahil karamihan ng mga na-infect ng sakit ay nagmula rito.
Enero 7, 2020 ay ipinahayag ng WHO na na-indentify na ang virus at ito ay pinangalanang 2019-nCov. Ito umano ay nagmula sa coronavirus family na pinagmulan rin ng mga sakit na SARS at MERS.
Paano ito naihahawa?
Dagdag pa nila ang sakit ay naihahawa sa pamamagitan ng droplets mula sa taong infected ng virus. Ito ay inilalabas sa kaniyang katawan sa pamamagitan ng pag-atsing o pag-ubo. Maari rin daw kumapit ang virus sa mga surfaces o gamit na mahahawakan ng isang tao. At maipapasok sa katawan kung ang kamay na taglay ang virus ay maihahawak sa ilong, bibig at ating mata.
Enero 11, ay naitala ang unang nasawi ng dahil sa sakit sa China. Ito ay isang 61-anyos na matandang lalaki na napunta sa seafood market na pinagmulan ng sakit. Makalipas ng ilang araw ay naiulat na mayroon narin kaso ng sakit sa Thailand. At ng matapos ang buwan ay idineklara na ng WHO ang sakit bilang isang global emergency. Ito ay matapos makapagtala ng 7,711 positive cases at 170 deaths ang sakit sa China sa loob lang ng isang buwan.
Sinundan ito ng pagkalat ng sakit sa iba pang bansa tulad ng Australia, Canada, Germany, Japan, Singapore, the US, the UAE and Vietnam. At pagpasok ng Pebrero 2, naitala sa Pilipinas ang unang taong nasawi ng dahil sa sakit sa labas ng bansang China. Ito ay isang Chinese national na nagmula sa Wuhan na nagpunta sa Pilipinas upang magbakasyon. Dito na nagsimulang magdulot ng panic ang sakit sa bansa. Lalo pa’t sa pagdaan ng araw ay nadagdagan ang mga nasasawi dahil rito. At base sa mga laman ng balita na nagaganap sa China ay mas tumindi ang takot at pangamba ng mga Pilipino tungkol rito.
Noong Pebrero 11 ay nag-anunsyo ang WHO ng bagong pangalan ng sakit. Ito ay COVID-19 o coronavirus disease 2019. Sa parehong araw na iyon ay umabot na sa 1,016 na tao ang nasawi sa China at 42,638 na tao na ang kumpirmadong infected ng sakit.
Bilang ng infected at nasawi dahil sa COVID-19
Bagamat noong una ay tila minamaliit ng iba ang kumakalat na virus na sinasabing ito ay trangkaso o flu lang. Ngayon ay nakapagtala na ng 533,015 cases ng COVID-19 sa buong mundo at 24,095 sa mga ito ang naiulat ng nasawi.
Pinakamaraming naitalang kaso ng sakit ay sa USA na may 85,604 positibong kaso. Habang pinakamarami naman ang nasawi ng dahil sa sakit sa Italy na may naitalang 8,215 COVID-19 deaths.
Sa kasalukuyan ay mayroon ng naitalang 707 positibong kaso ng sakit sa Pilipinas at 45 sa mga ito ang binawian na ng buhay. Siyam nga sa mga ito ay mga doktor na gumagamot sa mga pasyenteng na-infect ng virus.
Dahil sa patuloy na dumadaming bilang ng nagpopositibo sa sakit ay kabi-kabilang lockdown ang ipinatutupad sa mga bansang infected ng sakit. Isa nga ang ating bansang Pilipinas na kung saan karamihan ay apektado dahil tigil ang trabaho. At wala pang linaw sa ngayon kung hanggang kailan babalik sa normal ang lahat. Kaya naman ang tanong ng nakararami, when and how will coronavirus stop? Ito ang sagot ng mga eksperto.
When and how will coronavirus stop?
Sapat na personal protective equipment
Ayon sa British science journalist na si Ed Young, ang una at pinaka-mahalagang dapat gawin sa ngayon ay ang mabilis na pagpoproduce ng mask, gloves at personal protective equipment sa mga health workers.
“The first and most important is to rapidly produce masks, gloves, and other personal protective equipment. If health-care workers can’t stay healthy, the rest of the response will collapse.”
Ito ang pahayag ni Young. Dahil upang mabawasan ang pagkalat ng sakit ay dapat mabigyan ng sapat na proteksyon ang mga taong nai-expose sa virus.
Habang ayon naman kay Peter Hotez, vaccine expert mula sa Baylor College of Medicine, kung ang mga health care providers ay na-infect narin ng sakit, sino na ang gagamot sa mas nakararaming pasyenteng infected nito?
“We saw in Wuhan 1,000 health care providers get sick. And we had at least 15 percent severely ill and in ICUs. And that is very dangerous, because not only do you subtract those people out of the health care workforce, but the demoralizing effect of colleagues taking care of colleagues. The whole thing can fall apart if that starts to happen.”
Ito ang pahayag ni Hotez.
Mass testing
Ayon parin kay Young, ang sunod na paraan upang mapatigil ang virus ay ang pagsasagawa ng mass testing. Ito ay upang matukoy kung sino-sino ang positibo sa sakit. Upang sila ay agad na magamot at ma-isolate. Ngunit sa kasamaang-palad, sa ngayon ay may parehong kakulangan sa mga personal protective equipment at testing kits. At ang kakulangan ay hindi lang sa Pilipinas, kung hindi sa buong mundo. Kaya naman may mga paraan na iminumungkahi ang mga eksperto na dapat sundin ng publiko. Ito ay ang sumusunod:
Social distancing
Ayon sa mga researchers ang mabilis na pagkalat ng COVID-19 ay dahil sa paggalaw ng mga taong positibo sa sakit na hindi nagpapakita ng sintomas o asymptomatic. Kaya naman sila ay hindi aware na taglay nila ang virus at hindi sinasadyang naihawa na ito sa iba. Upang maiwasan ito ay dapat isagawa ang social distancing o ang paglayo ng bawat isang tao ng hindi bababa sa isang metro sa kausap o kalapit nito.
Dito sa Pilipinas, para nga mas maisagawa ang social distancing ay nagpapatupad ng lockdown. Partikular na sa Metro Manila na may pinakamaraming naitalang positibo sa sakit. Ngayon tigil ang trabaho, pinapayuhan ang mga bawat Pilipino na hangga’t maari ay huwag na munang lumabas ng bahay. Kung may kailangang bilhin ay isang tao lang sa bawat kabahayan ang maaring lumabas at gawin ito. Ipinagbabawal narin muna ang mga events na kung saan magsasama-sama ang maraming tao. Dahil sa ngayon, sa gitna ng pagkalat ng virus ay hindi mo alam kung sino na ang infected nito.
Agad na pagpapakonsulta sa oras na makaramdam ng sintomas ng sakit
Ayon naman kay Dr. Abraar Karan, dapat ay matigil ang pagpapanic at agad na magpakonsulta ang sinumang nagpapakita ng sintomas ng sakit.
“We also need to stop panicking and stigmatizing people of different ethnicities— this will only make people more hesitant to speak out and seek care. The disease should show us that we are all connected and need to help each other, not divide us”, pahayag ni Dr. Karan na isang physician sa Harvard Medical School.
Ito ay upang agad na mabigyan ng karapatang medikal na atensyon ang sinumang positibo sa sakit. At siya ay ma-isolate upang hindi na maikalat pa ang virus sa ibang tao. Ngunit dapat ito ay suportahan ng kinauukulan sa paraang hindi matatakot at kusang lalapit ang sinumang infected ng virus na magpagamot.
Kaugnay nito ay hinihikayat rin ang mga matatandang edad 60 pataas na manatili nalang hangga’t maari sa loob ng kanilang bahay. Dahil base sa bilang ng tinamaan ng sakit ang mga matatanda ang mas prone na mahawaan nito. Pati ang mga nagtataglay ng iba pang sakit o may underlying health condition na nagpapahina na ng kanilang immune system laban sa sakit.
Pero ang may malulusog na kalusugan ay dapat paring mag-ingat. Magagawa ito sa pamamagitan ng madalas na paghuhugas ng kamay gamit ang sabon at tubig. O kaya naman ay hand sanitizer na may taglay na 70% alcohol.
Wala pang kasiguraduhan kung kailan titigil ang paglaganap ng sakit
Pero ayon kay Anthony Fauci, director ng National Institute of Allergy and Infectious Diseases, kahit na maisagawa ang mga nabanggit na paraan upang mapatigil ang pagkalat ng virus ay wala pang kasiguraduhan kung kailan ito mawawala o hihinto.
“It could be anywhere from four to six weeks to up to three months. But I don’t have great confidence in that range”, pahayag ni Fauci.
Habang ayon naman kay Nathan Grubaugh, isang epidemiologist mula sa Yale School of Public Health, hangga’t walang vaccine ay hindi natin matutukoy kung kailan titigil ang pagkalat ng impeksyon sa milyon-milyong tao sa mundo. At hangga’t hindi sumusunod ang mga tao sa mga iminumungkahing paraan upang hindi na kumalat pa ang sakit ay hindi ito mawawala at patuloy na mag-iinfect ng mas maraming tao.
Kaya naman pang-hihikayat ng mga eksperto, sumunod na muna sa ipinatutupad na batas ng gobyerno laban sa sakit. Ito ay upang kahit papaano ay makontrol ang pagkalat nito. At hindi na makabiktima ang sakit ng mas marami pang tao.
SOURCE: Vox, Medical News Today, The Atlantic, Live Science, Aljazeera
BASAHIN: Mga prutas at gulay na maaaring makatulong makaiwas sa COVID-19
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!