May kinalaman ba sa gender ng baby ang hugis ng tiyan kapag buntis? O may iba pang ibig sabihin ito? Narito ang pagliliwanag ng mga doktor tungkol sa paniniwalang nakagisnan na.
Kapag mataas at matulis, lalaki daw ang pinagbubuntis. Kapag mababa at bilog na bilog, babae ito. Depende rin sa kausap, minsan ay may nagsasabing kapag mababa ay lalaki, at kapag mataas ay babae.
Maraming hinuha at hula ang lola, tiyahin, kapitbahay, hilot at mga kamag-anak sa gender ng baby mo, hindi ba? Minsan ay nakikinig at naniniwala ang mag-asawa dahil excited din kasi silang malaman kung ano nga ang gender ni baby.
Talaan ng Nilalaman
Bakit nga ba iba-iba ang hugis ng tiyan kapag buntis?
Ayon kay Dr. Nikki Turaray, MD, walang kinalaman sa gender ang baba, taas, o hugis ng tiyan kapag buntis. Kapag sobrang laki ng tiyan, hindi rin ibig sabihin ay malaki at mabigat ang bata.
Sabi nila: Lalaki ang baby kapag mababa ang tiyan at matulis. Ito daw ay dahil sa mas independent ang mga lalaki kaya’t mababa ang pagdadala nito. Mataas kapag babae dahil kailangan ng proteksiyon nito. Maliwanag ang gender stereotype sa paniniwalang ito, kaya’t tinatawanan ng marami. At kapag iba naman ang nakausap mo, maaaring baligtad naman ang hula.
Ang totoo: Ang hugis ng tiyan at taas o baba nito, ay maraming posibleng dahilan o sanhi, pero wala ni isa man sa mga sanhing ito ay may kinalaman sa gender ng baby.
1. Lakas o tigas ng muscles sa tiyan.
Paliwanag ni Dr. Turaray, kung ito ang unang pagbubuntis, o kung malakas ang abdominal muscles ng nagbubuntis, natural na mataas ang puwesto ng baby sa tiyan dahil hindi nababanat o nahihila pababa ang abdominal wall. Kung hindi ito ang unang pagbubuntis, madalas ay nabanat na ang abdominal wall sa nakaraang pagbubuntis, kaya mas mababa ang tiyan. Abdominal musculature ang tawag dito.
Para sa mga Mommies na fit at may abdominal muscles o “tight abs” na tinatawag, mataas ang pagdadala nito ng tiyan kapag buntis dahil matigas o malakas ang abdominal muscles nito.
2. Posisyon ni baby.
Nag-iiba din ang posisyon ng bata sa loob ng tiyan habang sa loob ng 9 na buwan, kaya nag-iiba din ang hugis ng tiyan kapag buntis.
Halimbawa, kapag malapit na ang kabuwanan, bumababa na talaga ang bata. Pero kung breach ito o nakaturo ang paa sa puwerta, hindi ito bumababa agad, Kaya mataas pa ang posisyon. Minsan din ay may cord coil, kaya hindi bumababa kahit na kabuwanan na.
Minsan din sa harapan nakatutok ang puwitan ng bata, kaya pwedeng matulis o mabilog. Napakaraming posibleng dahilan, pero ang sigurado ay nag-iiba iba ang hugis nito kada linggo, o kada buwan.
3. Height ni Mommy.
Kung mabilog ang tiyan kapag buntis, ito ay dahil matangkad ang ina. Kapag matangkad ang babae, mas maraming lugar sa itaas at ibaba ng uterus at abdomen, kaya’t mas marming Lugar para makagalaw si baby.
Kapag mas maliit si mommy, mas madalas na mababa din ang tiyan at bahagyang matulis. Wala kasing masyadong lugar para galawan ng bata.
Sabi nila: Kapag malaki ang tiyan, malaki ang bata.
Ang totoo: Sinusukat ang tiyan ng buntis o fundal height para masipat ang laki ng sanggol sa sinapupunan base sa gestational age o edad ng pagbubuntis, ayon kay Dr. Turaray at sa Mayo Clinic.
Pero ang sukat na ito ay hindi sakto sa aktuwal na timbang ng baby. Kapag inestima ang timbang ng baby sa pamamagitan ng abdominal exam o pagsukat sa tiyan, outline lamang ng baby sa loob ng uterus ang nakakapa.
Katulad ng nabanggit, ang malaking tiyan ay kadalasang sanhi ng mahinang abdominal muscles o kaya ay dahil sa height ni Mommy.
May mga pagkakataon din na may muscular tumors o fibroids sa tiyan kaya malaki ito. Hindi naman ito delikado pero nakakadagdag din sa laki ng tiyan. Ang mga fibroids na ito ay dahil na rin sa mga pregnancy hormones, paliwanag naman ni Dr. Arsenio B. Meru, MD.
Kailan ba nakikita ang gender o kasarian ng baby sa sinapupunan?
Malalaman ang gender ng baby sa tiyan ni Mommy sa pamamagitan ng transabdominal ultrasound. Bagamat hindi dinisenyo ang makinang ito para sa “gender prediction”, ito na ang nakasanayang paraan.
Dahil na rin sa advanced technology ngayon, may mga ultrasound mula ika-14 linggo hanggang ika-20 linggo pa lang ng pagbubuntis. Mayroon Nang 3D at 4D ultrasound ngayon para makakita ng detalyadong “image” ng sanggol.
Sa ganitong uri ng mga ultrasound makikita ng doktor ang mga impormasyong kailangan para masuri kung malusog ang bata o kung may komplikasyon.
Sa isang medical article ng LiveScience, pinaliwanag ni Dr. Stephen Carr, MD, direktor ng Prenatal Diagnosis Center at ng maternal-fetal medicine diagnostic imaging sa Women & Infants Hospital sa Rhode Island, Providence, USA, higit sa 90% ang accuracy rate ng ultrasound kung gender prediction ang pag-uusapan.
May mga pagkakamali pa din minsan dahil na rin sa posisyon ng fetus sa tiyan at sa liwanag o sharpness ng nakukunang image. At, may mga pagkakataon na akala ay babae, iyon pala ay nakatago lang ang ari na panlalaki kaya’t hindi naaninag sa ultrasaound.
May mga cell-free prenatal DNA tests din na pwedeng gawin mula sa ika-10 linggo ng pagbubuntis, para ma-eksamin ang fetal cells kung mayroong mga chromosomal abnormalities. Nalalalaman din ang kasarian ng baby sa pamamagitan ng test na ito.
Itsura at hugis ng tiyan kapag buntis (Unang trimester)
Habang nakakakita ka ng pagbabago sa hugis ng iyong dibdib, nagsisimula ka ng mag-nesting o mag-ayos-ayos ng mga gamit sa paligid, o maging pagkakaroon ng pregnancy brain, mas kapansin-pansin pa rin ang itsura at hugis ng iyong tiyan at puson kapag buntis!
At dahil sa panahong ito ay nakatuon ka na sa lahat ng bagay na patungkol kay baby, naiisip mo na rin ang laki, itsura at hugis ng tiyan kapag buntis. Naikukumpara mo rin ito sa mga itsura at hugis ng tiyan ng mga kaibigan mong mommies na.
Tulad ng katawan natin, ang tiyan ng buntis ay maaaring magkaroon ng pagkakaiba sa itsura at hugis, pero may mga tanong ka pa rin sa iyong isipan. Iba pang usapin ng itsura at hugis ng tiyan ng buntis ang maaaring makita kung ikaw ay naman ay nag-eexpect ng kambal, o ng triplets.
Kailangan bang pangambahan ang hugis at itsura ng iyong tiyan? Ano ang nakakaapekto sa hugis at itsura nito? Kailan makikita ang paglaki ng iyong tiyan? At anong klaseng paglaki ng tiyan ang dapat mong abangan?
Narito ang ilang mga kasagutan na mula sa NewtonBaby.com.
Itsura at hugis ng tiyan kapag buntis ng week 1
Kasabay ng mga paunang sintomas ng pagbubuntis lalo na sa week 1, tulad ng pagkahilo, pagsusuka, morning sickness, at iba pa, ay ang pagbabago sa iyong katawan bilang paghahanda sa panganganak.
Pero, sa week 1, ang itsura at hugis ng tiyan ng buntis ay hindi pa matutukoy. Ito ay dahil sa week 1, wala pang lumilitaw ng lumaking tiyan. Kahit maging sa ilang mga susunod pang linggo ng iyong pagbubuntis.
Sa linggo ring ito, posibleng meron ka pa ring buwanang dalaw o regla. Dahil dito, ang pagbabago ng hormones sa iyong katawan ay nagdudulot rin ng pagiging bloated o pamamanas at paninigas ng tiyan at puson para makapag-ipon ang iyong katawan ng fluid.
Itsura at hugis ng tiyan kapag buntis ng week 4 o 1 month
Habang naabot mo na ang 4 weeks o 1 month na pagbubuntis, may kakaunti lamang na pagbabago sa itsura at hugis ng iyong tiyan.
Ang paglaki ng iyong tiyan at pagbabago sa itsura at hugis nito ay hindi pa rin makikita “gaano” sa pagkakataong ito. Nakikita ang pagbabago sa tiyan depende sa babaeng nagbubuntis, sa pagkakabuo ng kanyang katawan, kung nagbuntis na noon, at kung ilang baby ang nasa loob ng iyong tiyan.
Ang hindi makitang paglaki ng iyong tiyan at pagbabago sa itsura at hugis nito ay nakadepende rin sa laki ng embryo o ng fetus sa loob ng iyong sinapupunan. Sa period na ito, nagsisimula pa lang magin fetus ang iyong baby.
Itsura at hugis ng tiyan kapag buntis ng 3 months
Sa pagkakataong ito, tipikal na ang haba ng iyong baby sa sinapupunan ay 3 pulgada (3 inches). Maaaring sa period na ito ay hindi pa rin makikita ang pagbabago sa itsura at hugis ng tiyan.
Dahil nagpapatuloy din ang ilang pagbabago sa iyong katawan at hormones nito, kapansin-pansin ang maliit na pamimilog ng itsura at hugis ng tiyan ng buntis. Hindi ito indikasyon ng paglaki ni baby, kundi dahil bloated lamang ito.
Ngunit inaasahan na sa pagtatapos ng 3 months, posibleng magkaroon na ng mga munting pagbabago sa itsura at hugis ng tiyan ng buntis. Mas ikaw at ang iyong asawa ang unang makakapansin nito.
Samantala, habang hindi kapansin-pansin ang alinmang pagbabago sa iyong tiyan, marami namang nagaganap sa loob ng iyong sinapupunan.
Sa mga unang 3 months, kasinlaki lamang ng orange na prutas ang iyong uterus. At kapag natapos ang unang trimester, posibleng maging kasinlaki na ito ng grapefruit.
Mahalaga ang unang trimester ng iyong pagbubuntis, lalo na ang week 1-4 o unang buwan. Dito na magsisimula ang unang prenatal visit mo at maaari kang makakuha ng mga kasagutan pa sa iyong doktor.
Karagdagang ulat mula kay Nathanielle Torre
Arsenio B. Meru, MD; Nikki Turaray, MD; Dr. Stephen Carr, MD; LiveScience; MayoClinic, FloHealth, Newton Baby, Mustela
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan, at napapanahon, ngunit, hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.