Hyperemesis gravidarum: Matinding pagsusuka ng mga buntis

Hyperemesis gravidarum: Matinding pagsusuka ng mga buntis

Ang pagkakaroon ng matinding morning sickness ay nagpapahirap sa pagdadalang-tao ng mga ina, kabilang na si Duchess of Cambridge Kate Middleton. Narinig mo na ba ang ganitong kondisyon?

Naalala mo ba ang kondisyon ng Ducheses of Cambridge na si Kate Middleton noong siya ay nagbubuntis? Alamin rito kung ano ang hyperemesis gravidarum at kung anong pinagkaiba nito sa karaniwang morning sickness.

Mababasa sa artikulong ito:

  • Ano ang hyperemesis gravidarum?
  • Anong pagkakaiba nito sa karaniwang morning sickness?
  • Anong pwedeng gawin ng buntis na may hyperemesis gravidarum?

Ano ang Hyperemesis gravidarum

Ang hyperemesis gravidarum, na kilala bilang matinding morning sickness, ay isang kondisyon kung saan labis ang pagduduwal o pagsusuka ng isang babaeng nagdadalangtao.

Ang ibig sabihin ng hyperemesis ay matinding pagsusuka at ang gravidarum naman ay pagbubuntis. Ganoon kasimple ang paliwanag sa sakit na ito.

Naaapektuhan ng kondisyong ito ang isa sa 100 buntis sa mundo. Ang mga nakararanas nito ay halos wala nang laman ang sikmura kapag sinusumpong. Kung minsan, hindi na nakakabangon sa higaan ang mga buntis na may hyperemesis gravidarum.

Sa mga pinakabihirang kaso, kayang magdulot ng panganib sa buhay ng isang ina at kanyang sanggol ang kondisyong ito. Nagdudulot ito ng matinding dehydration, panghihina at pananamlay sa isang buntis.

Paano malalaman kung ikaw ay may hyperemesis gravidarum

Karaniwan talagang nangyayari ang pagsusuka o pagduwal sa pagdadalantao ng isang babae. Subalit ang matinding morning sickness na ito (na hindi lamang tuwing umaga nangyayari) ay kayang pagduwalin ang isang babae ng halos 50 beses sa isang araw!

Ayon kay Dr. Rona Lapitan, isang OB-gynecologist mula sa Makati Medical Center, malalaman mo kung ang iyong nararamdaman ay hyperemesis gravidarum sa iyong kakayahan ng iyong katawan na makatanggap ng pagkain. Ayon sa kaniya,

“Hyperemesis gravidarum is differentiated from your nausea and vomiting wherein there is already inability to take food, leading to dehydration.”

Ang regular na morning sickness ay nawawala sa ika-14 na linggo ng pagdadalantao. Ang hyperemesis gravidarum ay nagsisimula sa pagitan ng ika-apat hanggang ika-pitong linggo ng pagbubuntis at kadalasang nawawala sa ika-dalawampung linggo. Ngunit sa iba, nagtatagal ito sa buong pagdadalantao ng babae.

Sa normal na morning sickness, ang pagkahilo ay hindi laging nasusundan ng matinding pagsusuka at kadalasang nawawala naman sa ika-12 hanggang ika-14 linggo ng pagdadalantao.

Ngunit sa hyperemesis gravidarum, ang pagkahilo ay laging nasusundan ng matinding pagsusuka at maaaring mangyari sa buong pagdadalantao ng isang babae. Sa kasong ito, maaaring maging dehydrated ang isang ina at laging walang laman ang sikmura.

hyperemesis gravidarum

Ang matinding morning sickness ay nagdudulot ng panghihina at pananamlay sa isang nagdadalantao.

Ilan sa mga karaniwang senyales at sintomas ng hyperemesis gravidarum ay ang mga sumusunod:

  • Pag-ayaw sa pagkain
  • Pagbawas ng 5 porsiyento ng timbang bago ang pagdadalantao
  • Madilim na kulay ng ihi
  • Madalang na pag-ihi
  • Senyales ng dehydration (tuyo ang mga labi at balat)
  • Pagkahilo
  • Matinding pagod at panghihina)
  • Mababang blood pressure
  • Mabilis na tibok ng puso o heart rate

Kapag ang matinding pagsusuka ay nangyari pagkatapos ng ika-12 linggo at may kaakibat ng lagnat at pananakit ng katawan, maaaring may kinalaman na ito sa gastric, urinary tract infection (UTI), thyroid o diabetes.

BASAHIN:

Buntis, 6 buwan na hindi makakain at maka-inom dahil sa matinding morning sickness

Mga sintomas ng pagbubuntis sa unang buwan

Ano ang implantation bleeding: Mga sintomas na kailangang bantayan

Inilarawan ni Mommy Mina Dela Cruz ang kaniyang karanasan sa hyperemesis gravidarum sa kaniyang unang pagbubuntis. “Dalawang araw akong na-confine dahil I can’t keep water or food down. Umabot din ako sa once a day lang ako umiihi, kulay orange pa.” aniya.

Dagdag pa ng first-time mom, nahirapan rin siya dahil kaunting bagay lamang ay mati-trigger na ang kaniyang pagsusuka.

“No choice ako but magbed rest kasi ang daming triggers aside from smell – gaya ng maliwanag na ilaw, ingay, paggalaw ng kama, at maging pictures ng mga pagkain. I had to stop social media for a while dahil puro food ‘yong nakikita ko.” 

Sanhi at mga risk factor ng hyperemesis gravidarum

Ang eksaktong sanhi ng kondisyong ito ay hindi pa rin tiyak ngunit maaaring may kinalaman dito ang pagtaas ng hormone level sa katawan ng isang buntis. Hindi kayang pigilan o agapan ang pagkakaroon ng hyperemesis gravidarum.

Natapos ang matinding pagsusuka ni Mommy Mina sa kaniyang ika-12 linggo. Subalit sabi sa kaniya ng kaniyang OB-GYN, malaki ang posibilidad na magkaroon pa siya uli nito sa kaniyang sunod na pagbubuntis.

Narito ang ilan sa mga factors na maaaring makapagdulot ng matinding morning sickness:

  • Unang anak ang ipinagbubuntis
  • Babae ang kasarian ng ipinagbubuntis
  • Kambal o triplets ang ipinagbubuntis
  • Nasa lahi ang pagkakaroon ng ganitong kondisyon
  • May history ng pagsusuka kapag gumagamit ng estrogen-based na hormonal contraceptives
  • Madaling mahilo o magkaroon ng migraine
  • Sobra sa timbang o overweight ang isang ina

Komplikasyon

Bibihira ang pagkakaroon ng mga komplikasyon bilang resulta ng pagkakaroon ng matinding morning sickness.

Ang pangunahing inaalala ay ang pagiging sobrang dehydrated ng isang ina dahil nababawasan din nito ang level ng amniotic fluid niya. Ito ay mapanganib sa kalusugan ng fetus dahil malaki ang papel na ginagampanan ng amniotic fluid sa paglaki ng fetus.

Nakakapagpataas din ng posibilidad ng pagkakaroon ng deep vein thrombosis o blood clot sa mga ugat ang dehydration at hindi madalas na pagkilos ng buntis. Ang pagsusuot ng mga compression stockings ay nakakatutulong upang maiwasan ito.

Nakakaapekto rin sa timbang ng baby ang sobrang pagbaba ng timbang ng isang ina habang siya ay nagbubuntis.

Maaaring magdulot din ng pinsala ang sobrang pagsusuka gaya ng pagputok ng ugat sa mata o pagkapunit ng lalamunan ng isang ina. Ang ganitong kondisyon ay nangangailangan ng mabilis na atensyong medikal.

hyperemesis gravidarum

Maaaring bigyan ng mga gamot ang isang nagdadalantao na may hyperemesis gravidarum at pinapayuhang magkaroon ng bed rest.

Lunas

Importante ang pagiging maagap upang mapigilan ang paglala ng nararanasang matinding morning sickness. Ang paglunas ay maaaring makatulong upang mapaginhawa ang mga sintomas.

Payo ni Dr. Lapitan, kapag napansin mo na napapadalas ang iyong pagsusuka at halos lahat ng iyong kinakain ay inilalabas mo rin, kailangan mo nang kumonsulta sa iyong doktor.

Pahayag ni Dr. Lapitan,

“When you feel that you are not able to take food anymore, I think it would be best for you to seek the advice of your doctor because you might have to be admitted in the hospital and have the IV fluids to prevent dehydration.” 

“You have to replace the electrolytes that was lost during the vomiting.”

Wala ng ibang choice kung hindi ang magpa-admit na sa ospital. Dito ay maaaring ipadaan ang gamot sa pamamagitan ng intravenous fluid (IV) drips upang mapalitan ang nawalang tubig, bitamina at mga minerals sa katawan.

Maaari ka ring bigyan ng tube feeding gaya ng:

  • Nasogastric – feeding tube na idadaan sa ilong patungo sa loob ng tiyan.
  • Percutaneous endoscopic gastronomy – feeding tube na ilalagay sa abdomen patungo sa loob ng tiyan.

Pahayag ni Mommy Mina, kahit naging mahirap ang kaniyang karanasan sa hyperemesis gravidarum, gugustuhin pa rin niyang mabuntis ulit dahil gusto pa nila ng isang anak.

Bagamat mas mahirap kaysa sa karaniwang morning sickness, maari pa ring mapagtagumpayan ang sakit na ito sa tulong ng iyong OB-GGYN. Kapag may nararamdaman o napapansing kakaiba sa iyong pagbubuntis, huwag mahiyang kumonsulta sa iyong doktor.

Isinalin mula sa wikang Ingles ni Yddette Civ A. Cruz

Sources: American Pregnancy.org, Baby Centre,  Medline

Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!