Isang babae sa Vietnam ang ibinenta ang bata niyang binabantayan kapalit sa iPhone 11. Ang babae, ini-report pang missing ang bata sa mga pulis. Mabuti nalang at hindi agad naniwala ang mga pulis at nagsuspetsa sa mga hindi magkakatugmang pahayag niya.
Babaeng ibinenta ang bata na binabantayan
Ang babaeng suspek na nagbenta ng bata na kaniyang binabantayan ay kinilalang si Thai Thi Bich Hanh, 42-anyos. Samantalang, ang batang babaeng biktima na hindi pinangalanan ay 2-anyos na kaniyang kapitbahay.
Ayon sa report, ang batang babae ay nakatira at nasa pangangalaga ng lola niya. Ngunit, may mga pagkakataong pinapabantayan ito kay Thai sa mga oras na may lakad o gagawin siya.
Isang araw habang nasa pangangalaga niya ang bata ay nakita ito ng isang lalaking si Tran Tuan Vinh, 29-anyos na kavideo-chat niya. Na-kyutan daw ito sa bata kaya naman naisipan ni Thai na ibenta ang bata sa kaniya.
Kwento daw ni Thai kay Tran, ang bata ay inabandona na ng kaniyang ama at ang ina nito ay naadik sa pagsusugal.
Ibinenta kapalit ang iPhone 11
Nang makitang naawa si Tran sa sitwasyon ng bata ay inoffer nito na dalhin sa kaniya ang bata kapalit ang bagong iPhone 11. Sa kanilang bansa ito ay nagkakahalaga ng 22 million Vietnamese Dong o P 48,000.00
Sumang-ayon daw sa offer na ito ni Thai si Tran na binigyan pa siya ng pang-taxi pauwi ng ihatid niya dito ang bata.
Para maihatid kay Tran ang bata ay nagdahilan si Thai sa lola nito na ilalabas niya lang ito para maglaro.
Matapos daw nito ay ni-report na ni Thai na missing ang bata. At wala siyang alam sa kinaroroonan nito. Alibi niya ng iwan niya daw ito sa kaniyang bahay para magtrabaho ay bigla nalang itong nawala.
Hindi naman agad pinaniwalaan ng mga pulis ang alibi na ito ni Thai. At ito rin ang kusang umamin sa kaniyang nagawa. Mabuti nalang at muling nabawi ng mga pulis ang 2-anyos na bata na kanilang natunton sa bahay na tinitirhan ni Tran.
Dahil sa kaniyang nagawa ay maaring makulong si Thai o ang babaeng ibinenta ang batang kaniyang binabantayan ng mula 3 hanggang 10 taon ayon sa batas ng kanilang bansa.
Pagbebenta ng bata sa Pilipinas
Dito sa Pilipinas ang pagbebenta ng bata o child trafficking ay isa sa mga krimeng madalas na kinasasangkutan ng mga batang Pilipino.
Base nga sa report ng mga international organizations, ang kaso ng child trafficking sa Pilipinas ay tinatayang isa sa may pinakamataas na bilang sa buong mundo.
Ayon sa UNICEF, ang ilan sa dahilan kung bakit patuloy na dumadami ang bilang ng biktima ng child trafficking sa Pilipinas ay ang kahirapan, gender inequalities, kakulangan sa trabaho at oportunidad, malaking pamilya at sex tourism.
Samantala, ang batas na pumuprotekta sa karapatan ng bata at iba pang naiinvolve sa human trafficking ay ang Republic Act 9208 o Anti-Trafficking in Persons Act.
Sa ilalim ng batas, ang sinumang mapatunayang guilty sa paglabag dito ay maaring makulong ng hanggang 20 years at mag-multa ng hindi bababa sa isang milyong piso.
Source: AsiaOne, UNICEF, PCW
Photo: DailyMail UK , https://nursingschoolsnearme.com/
Basahin: 5 Important reasons why we should treat our kasambahays better
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!