Ilang cm bago manganak ang dapat malaman ni preggy mom?
Mababasa sa artikulong ito:
- Ilang cm bago manganak
- Apat na yugto
- Ang iyong recovery at ang bagong sanggol
Dumating na rin sa wakas ang araw na pinakahihintay ng pamilya—ang pagdating ni baby. Ano nga ba ang mga dapat mong ihanda sa pisikal at emosiyonal na aspeto ng labor at panganganak? Maaaring hatiin sa 4 na yugto ang labor at panganganak.
Unang Yugto
Paghahanda sa panganganak
Ang due date na binigay ng OB GYN sa iyo ay para magkaroon ng point of reference. Ang isang pagbubuntis ay binibilang na nasa 37 hanggang 41 linggo o mahigit kumulang na 9 na buwan.
Sa ika-37 linggo, pinapayuhan nang mag-ingat at magmasid sa mga hudyat ng labor, dahil halos handa na ang sanggol na mailuwal sa panahong ito, ngunit delikado dahil pre-term pa ito.
Para makapaghanda ng lubos, maraming nagpaparehistro sa mga childbirth classes (Lamaze, Bradley, at iba pa) sa unang trimester pa lang ng pagbubuntis. Kung walang oras o budget para dito, maaaring magbasa ng mga libro, magasin, o mga artikulo na makakadagdag ng kaalaman tungkol sa nalalapit na panganganak.
Mahalagang pag-usapan din ang paraan ng panganganak kasama ang OB GYN. Normal, Natural, o Cesarean Delivery, kung saan ang ina ay dadaan sa operasyon para mailuwal ang bata?
Kung normal, nais mo bang may epidural o pain medication, o ang tinatawag na natural, kung saan walang kahit anong pain medication o anesthesia ang ibibigay sa iyo?
Bukod pa dito, itanong din kung maaari bang makasama ang asawa sa loob ng delivery room? O hindi ito pinapayagan ng doktor o ng ospital? Itanong ito agad para mapag-usapan ang kabuuang plano.
Ikalawang Yugto
Mga hudyat na manganganak ka na o sintomas ng labor
Normal nang magsimula ang labor ng 3 linggo bago ang takdang araw ng panganganak o due date. Mayroon namang iba na umaabot ng hanggang 2 linggo lagpas ng due date, lalo na sa unang pagbubuntis.
BASAHIN:
Maternity hospitals in Manila for 2021: Maternity packages and rates
Mga dapat dalhin pag manganganak na sa panahon ng COVID-19 pandemic
#AskDok: Ano ang mga sintomas ng miscarriage sa 2nd trimester ng pagbubuntis
Ang karaniwang unang tanda ng labor ay ang contractions o o paghilab ng tiyan lalo na sa ibabang bahagi. Ang paghilab na ito ay patindi ng patindi, o mas lalong sumasakit sa paglipas ng oras.
Orasan ang paghilab. Itawag kaagad sa OB GYN kung ang paghilab ay halos 4 na minuto na ang agwat. Ito ay nagpapahiwatig na bumubuka na ang iyong pwerta at handa nang lumabas ang sanggol. Para sa iba, nauuna ang pagputok ng panubigan. Ang iba naman ay unang nakakakita ng dugo o ang tinatawag na “bloody show.” Lahat ng ito ay senyales na handa na ang iyong sanggol sa kanyang paglabas.
Ilang cm bago manganak?
Oras na ito para pumunta sa ospital para maobserbahang mabuti ng doktor. Hihintayin na ang tuluyang pagbuka ng cervix. Susukatin ng doktor ang pagbuka at hihintaying umabot ng 10 sentimetro (cm), at ang paghilab ay 60 hanggang 90 segundo.
Ikatlong Yugto
Ang aktibong yugto: aktuwal na paglabas ni baby
Titignan muli kung ilang cm bago manganak. Dito na ang tuluyang pagbuka ng cervix. Sa ilang pag-ire, lalabas na ang sanggol. Karaniwang inaabot ng 6 hanggang 18 oras ang labor. May mga di-karaniwan na isang ire lang ay lumalabas na ang bata at inaabot lang ng wala pang tatlong oras. May mga iba rin na mas komplikado kaya’t inaabot ng hanggang 23 – 24 oras.
Masasabing ito ang pinakamahirap na yugto para sa lahat, higit pa sa labor. Sa unang panganganak ko, inabot ng 23 oras ang labor. Hanggang kinailangan nang magdesisyon na CS o Cesarean Delivery ang piliin dahil nahihirapan na ang sanggol, at hindi na mabuti para sa pisikal kong kalagayan.
Paglabas na paglabas ng sanggol, kailangang ipahawak siya sa ina. Karaniwang inilalagay sa dibdib o inilalapit sa mukha ng ina bago pa tuluyang putulin ang umbilical cord, o linisin ang bata.
Kahit na CS-ako noon at hindi gaanong gising dahil sa anesthesia, ginising pa rin ako ng mga doktor at nars, at pinadama ang pagmamahal ng kalalabas lamang na sanggol. Inilagay ito sa aking dibdib at hinayaang sumuso at makuha ang unang gatas na lumalabas pagkapanganak—ang colostrum.
Mahalagang mainom ito ng sanggol dahil ito ay nagtataglay ng mga antibodies para magsilbing proteksyon laban sa mga sakit.
Ika-apat ng Yugto
Ang iyong recovery at ang bagong sanggol
Ito na ang huling yugto ng labor at panganganak. May oras na ibibigay sa ina para sa recovery o pagpapahinga, lalo na kung CS. Karaniwan nang naka room-in ang mga bagong panganak na sanggol. Ibig sabihin ay dinadala na ito sa kuwarto ng ina para makasama at maalagaan ng kanyang ina at ama, at dahil na rin isinusulong ang pagpapasuso ng ina mula sa unang araw ng paglabas ng bata.
Naniniwala din ang mga eksperto na ang unang pagsasama na ito ng ina at anak, at pati na rin ang ama ay simula ng malalim na koneksyon o bond ng pamilya.
Simula sa unang araw na ito hanggan anim na linggo o halos 2 buwan, makakapagpahinga na ang katawan ng ina habang inaaruga at pinapalakas din ang katawan ng sanggol. Dito na magkakakilala ng lubos ang mag-ina. Ang gusto at ayaw, oras ng pag-suso, paboritong posisyon sa paghele at pagtulog, at kung anu-ano pang maliliit ngunit mahahalagang bagay.
Ang bawat sandali ng buhay ng iyong anak ay napakahalaga. Gaano man ang pisikal na hirap, sulit ito sa ligayang dulot ni baby mula ngayon, habambuhay. Oo, ito ang may “forever.”
Source: