Narito ang mga dapat dalhin pag manganganak na ngayong may COVID-19 pandemic. Upang masigurado ang kaligtasan mo at ni baby mula sa kumakalat na sakit.
Panganganak sa gitna ng COVID-19 pandemic
Ayon sa UNICEF tinatayang nasa 116 million babies sa buong mundo ang ipapanganak ngayong may COVID-19 pandemic. At lahat sila ay apektado ng malaking pagbabago sa health system na dulot ng kumakalat na sakit. Kabilang na dito ang mga containment measures na ipinatutupad tulad ng lockdown. Kakulangan ng mga health workers na tatalima sa kanilang pangangailangan. At ang kakulangan rin sa supply at equipment na kanilang kakailanganin sa oras na magkaroon ng problema sa kanilang panganganak. Dagdag pa ang pangamba sa kung saan nga ba ang pinakaligtas na lugar sa panganganak na hindi mahahawa o mai-expose ang bagong silang na sanggol at kaniyang ina mula sa virus.
“Millions of mothers all over the world embarked on a journey of parenthood in the world as it was. They now must prepare to bring a life into the world as it has become – a world where expecting mothers are afraid to go to health centers for fear of getting infected, or missing out on emergency care due to strained health services and lockdowns. It is hard to imagine how much the coronavirus pandemic has recast motherhood.”
Ito ang pahayag ni UNICEF Executive Director Henrietta Fore.
Mga pagbabago at pulisiyang dapat sundin
Bagamat, ipinapayo ng mga eksperto na ang panganganak sa bahay o homebirth ang pinakaligtas na paraan ng panganganak upang ma-protektahan sa kumakalat na sakit ang bagong silang na sanggol at kaniyang ina, marami namang dapat isaalang-alang bago matagumpay na gawin ito. Nangunguna na ang kondisyon ng manganganak na buntis. Dahil tanging ang mga may malulusog na pagbubuntis lang ang kandidato rito. At kailangan ng mapagkakatiwalaang doktor o midwife na mangunguna sa pagpapaanak ng buntis.
Kaya naman marami paring buntis ang pinipiling manganak sa isang ospital. Dahil dito kahit papaano ay mayroon silang kasiguraduhan na may agad na aagapay sa kanila sa oras na magkaproblema ang kanilang panganganak. Ang kailangan lang upang masiguro ang kanilang kaligtasan ay ang sumunod sa mga bagong pulisiyang ipinatutupad sa ospital laban sa kumakalat na sakit.
Tulad ng isa tao lang ang maaring makasama ng buntis habang at pagkatapos niyang manganak. Kailangan ang taong ito ay malusog, walang lagnat at kahit anumang sakit. At sa oras naman na walang problema sa panganganak ang buntis at kaniyang sanggol ay maari na silang pauwiin agad. Hindi na kailangan pa nilang magpa-confine o magtagal sa ospital.
“We are encouraging healthy moms with an uncomplicated delivery to go home the day after a vaginal delivery and two days after a C-section. In some cases, discharge may be arranged even sooner depending on the maternal and newborn needs.”
Ito ang pahayag ni Dr. Scott Sullivan, director of Maternal-Fetal Medicine sa Medical University of South Carolina.
Mga dapat dalhin pag manganganak na ngayong may COVID-19 pandemic
Maliban sa bagong pulisiya, may mga bagay ring nadagdag sa mga dapat dalhin pag manganganak na ang isang buntis.
Ang mga sumusunod ay ang maternity bag essentials o mga dapat dalhin ng isang buntis:
- Mga importanteng dokumento tulad ng ID, insurance info, hospital forms at birth plan
- Pamalit na damit ni Mommy at baby
- Pamalit na sapatos at tsinelas
- Medyas ni Mommy at baby
- Unan at kumot
- Blanket na ibabalot kay baby pauwi
- Jacket o robe
- Tuwalya
- Toiletries tulad ng toothpaste, toothbrush, napkin, deodorant, shampoo at sabon
- Maternity bra at nursing pads
- Headband, panali ng buhok o ponytail
- Cellphone, charger o power bank
- Librong babasahin
- Eyeglasses kung kinakailangan
- Prescription medicine o gamot at maintenance na iniinom
- Car seat na paglalagyan ni baby kapag uuwi na.
Habang ang mga sumusunod naman ay ang mga nadagdag sa mga dapat niyang dalhin ngayon kapag manganganak na sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Baong pagkain at inumin
Para mabawi ang kaniyang lakas, kailangang agad na kumain ng isang babaeng bagong panganak. Kaya naman makakatulong kung mayroon siyang baong pagkain at inumin. Mabuto rin ito upang mabawasan ang mga instances na kailangan pang lumabas ng kaniyang bantay para bumili. Habang sinisiguro rin na ang kanilang dalang pagkain ay hindi na-contaminate ng kahit anumang germs o viruses.
Face covering o face mask
Dahil ang pagsusuot ng face mask ang itinuturing na isa sa mga paraan ng proteksyon mula sa COVID-19 virus, ipinapayo ng CDC na magsuot nito sa mga pampublikong lugar. Lalo na ospital na kung saan maaring ma-expose sa mga taong nagtataglay ng iba’t-ibang mga sakit.
Hand sanitizer
Sa oras naman na hindi posible ang paghuhugas ng kamay, ang paggamit ng hand sanitizer ang magsisiguro na malinis ang iyong kamay mula sa germs at viruses bago hawakan si baby. Bagamat mayroon naman nito sa ospital, mainam kung mayroon ka ring baon na pansarili. Para hindi ka mahirapan pang manghingi at maari mo pang gamitin kahit anumang oras mo naisin. Kailangan lang ang iyong hand sanitizer na daldalhin ay may taglay na 60% alcohol.
Tripod at smartphone
Dahil sa hindi na maaring tumanggap ng bisita o maraming miyembro ng pamilya upang makita ang iyong bagong panganak na baby, makakatulong ang pagdadala ng tripod at smartphone sa ospital. Dahil sa ganitong paraan ay maari kang mag-setup ng video call o conferencing upang maihatid sa kanila ang magandang balita. At upang ma-welcome nila ang bagong miyembro ng inyong pamilya.
Samantala, hindi naman na kailangang magdala pa ng cleaning supplies ng isang buntis. Dahil ang bawat ospital may mahigpit na guidelines na sinusunod pagdating sa paglilinis ng kanilang equipment at iba pang mga gamit.
Hindi rin advisable na magdala ng gloves dahil binabawasan umano nito ang dalas ng paghuhugas ng kamay. Para sa ligtas naman na pagtratransport kay baby pauwi sa bahay, mahigpit na ipinapayo ang pagdadala ng car seat.
Sa kabuuan ayon sa mga eksperto, dapat hangga’t maari ay kaunti lang ang dadalhing gamit ng manganganak na buntis. Ito ay upang hindi na mahirapan sa pagdadala. At mas kakaunti lang ang mga gamit o bagay na kailangang i-disinfect pag-uwi ng bahay.
Source:
UNICEF, What To Expect
Basahin:
Nakararanas ng postpartum depression dumadami dahil sa COVID-19?
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!