Immunodeficiency 47 ang naging sanhi ng pagkamatay ng limang buwang sanggol na si Marcus Albers.
Isa itong rare genetic disease na umaatake sa liver o atay ng isang tao.
Baby na nasawi dahil sa Immunodeficiency 47
Si Marcus Albers ay isang sanggol mula sa Waukesha, Wisconsin.
Siya ay ipinanganak noong October 2018 na may taglay na rare genetic disease na kung tawagin ay Immunodeficiency 47.
Ang sakit na ito ay isang bibihirang kondisyon na umaatake sa liver ng isang tao. Binabago rin nito kung paano nakikipagcommunicate ang cells sa katawan.
Ayon sa mga doktor na tumingin kay Marcus siya ay kinakailangang dumaan sa agarang liver transplant para labanan ang sakit at mabuhay.
Tulad ni Marcus ay mayroon ring Immunodefiency 47 ang kapatid nitong si Dominic na dalawang taong gulang.
Ngunit, ayon parin sa mga doktor ay hindi ganoon kalala o aggressive ang kalagayan ni Dominic. Kaya naman ang liver transplant ay makapaghihintay hanggang siya ay lumaki na.
Tanging 25 percent lamang ng liver ng donor ang kailangan para sa transplant na isasagawa kay Marcus, ayon parin sa mga doktor.
Ngunit wala ni isa mula sa pamilya ni Marcus ang qualified na maging liver donor.
Kaya naman humingi ng tulong sa publiko ang mga magulang ni Marcus na sina Whitney McLean at Anthony Albers.
Marami namang gustong tumulong at nagvolunteer para maging donor ni Marcus.
Hanggang noong isang buwan nga ay nakakita sila ng isang volunteer na nagmatch kay Marcus.
Subalit nito lamang April 2, kinailangan i-cancel ng mga doktor ang surgery kay Marcus. Ito ay dahil hindi daw perfect ang match ng liver donor at ni Marcus.
Lumala ang kondisyon ni Marcus at siya ay inilagay sa intensive care unit.
Nang araw ding iyon ay ipinaalam ng mga doktor sa mga magulang ni Marcus ang hindi magandang balita. Ito ay kung sakaling hindi pa makakita ng donor ay may tatlong linggo nalang si Marcus para mabuhay.
At nito nga lang April 10, 4 am ay hindi na kinaya ng katawan ni Marcus na labanan ang Immunodeficiency 47.
Si Marcus ay pumanaw sa braso ng kaniyang ina.
Nagpasalamat naman ang mga magulang ni Marcus sa mga doktor, nurses at volunteers na tumulong sa kanila sa paglaban ng anak sa sakit.
Hiniling rin nila na sana ay suportahan pa ng nakakarami ang mga organisasyon na tumutulong sa mga nangangailangan ng organ donation.
Ito ay para masagip ang buhay ng mga may sakit na sana ay nangyari sa anak nilang si Marcus.
Ano ang sakit na Immunodeficiency 47?
Ang Immunodeficiency 47 ay isang kondisyon na namamana at naipapasa sa isang pamilya sa pamamagitan ng X-chromosomes.
Makakaranas ng pabalik-balik na bacterial infections, liver at jaundice ang sinumang may Immunodeficiency 47, ayon sa Johns Hopkins University.
Ang ibang pasyente naman ng Immunodeficiency 47 ay maaring makaranas ng neurological disabilities gaya ng seizures, mild intellectual disability at behavioral abnormalities.
Ayon sa isang 2016 study ng Radboud University sa Netherlands, mayroon lamang 11 na lalaki sa mundo na may Immunodeficiency 47 at si Marcus nga ay panglabing-dalawa sa mga ito.
Samantala, ayon sa mga tala, dalawang pasyente ng sakit ang namatay sa kanilang early childhood. Tatlo ang nawalan ng pangdinig at nakaranas ng hyperopia.
Ang hyperopia ay isang vision condition na kung saan nagiging blurred sa paningin ng isang tao ang mga bagay na malapit sa kaniya.
Sources:
DailyMail UK, NCBI
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!