Impeksyon sa ari ng lalaki? Mahalagang malaman ito lalo ng mga magulang na may lalaking anak. Moms, dads, take note!
Masasabi nating mahalagang parte ng lalaki ang kanilang ari. Kaya naman likas na sa ating mga magulang ang mangamba kapag may napansin tayong kakaiba sa genital area ng ating anak na lalaki.
Mababasa sa artikulong ito ang:
- Impeksyon sa ari ng lalaki
- Sintomas ng impeksyon sa ari ng lalaki
- Kailan dapat pumunta ng doktor?
Pananakit at impeksyon sa ari ng lalaki: Mahalagang kaalaman tungkol rito
Ang ulo ng ari ng lalaki ay tinatawag na glans. Ito ay nababalutan ng maluwag na balat na kung tawagin ay foreskin. Para sa mga bangong panganak na sanggol, ang foreskin sa kanilang ari ay malapit pa sa glans. ‘Wag mag-alala dahil normal ito. Sa ibabang parte naman nito ay tinatawag na scrotum kung saan nasa loob ang testicles.
Normal sa mga batang lalaki ang paglaruan ang kanilang ari (walang malisya ito!). Walang dapat ipangamba dahil parte ito ng kanilang development. Ang pag-explore sa kanilang katawan ay isa sa kanilang madalas na ginawa. Oo, kasama na rito ang “little erections” kung tawagin.
Ngayon, ano nga ba dapat ang bantayan at kailan dapat humingi ng propesyonal na tulong?
Impeksyon sa ari ng lalaki: Phimosis
Nasa apat na porsiyento ng mga lalaking sanggol na ang kanilang foreskin ay naka-retract na. Habang sa kabuuan naman (90 percent), pagsapit ng tatlong taong gulang, ito ay nakahiwalay na.
Ngunit paano kung hindi pa rin naghihiwalay sa iyong anak? Phimosis ang tawag dito. Ang magandang balita rito ay hindi dapat ikabahala ang ganitong kundisyon. Kusa itong naghihiwalay paglipas ng taon. Nasa isang porsiyento lamang ng mga lalaki sa edad na 17 years old ang nababalitang nagkakaroon ng problema rito o mas kilala sa tawag na “permanent adhesions”.
Mayroong mga sintomas kang mapapansin.
- Maliit na butas. Makikita mo ang maliit at masikip na butas sa tuktok ng foreskin, kung saan lumalabas ang ihi. Maaaring lumabas ang ihi na ito kung saan saang direksyon.
- Ballooning. Minsan, hindi naiiwasang lumobo ng foreskin kapag umiihi ang lalaki dahil sa pressure na namumuo rito. Kaya naman may pagkakataon na nagugulat ang mga magulang kapag nakikita ito. Nag-aalala na may mangyari sa kanilang kidney. Ngunit moms, dads, walang dapat ikabahala.
- Smegma. Oo, nangyayari talaga ito. Ito ay pinagsama-samang dead skin cell, ihi, natural white pasty material na namumuo na parang maliit na bilog. Natural ito at hindi impeksyon.
- Pananakit at pamumula. Normal nang mamula, sumakit at kumati ang tuktok ng foreskin, may phimosis man o wala. Ang pinakadahilan ng kondisyon na ito ay ang poor hygiene at ihi ng lalaki.
BASAHIN:
Paninigarilyo, nakakapagpaliit ng ari ng mga lalaki ayon sa pag-aaral
Paano mapanatilihin ang maayos na hugis ng ari ng lalaki?
- Maging malinis. Mas nakakaranas ng irritation ang mga batang pawisin, madumi at hindi hinuhugasan ang kanilang ari. Ugaliin o turuan ang iyong anak na dapat regular na linisin ang kanilang ari.
- Maging gentle lamang. Habang nililinis ang ari, dahan-dahan lamang! Kung ito ay pupwersahin, maaaring magkaroon ng injury at sugat.
- ‘Wag punasan ang loob. Hindi mo na kailangang linisan ang loob ng foreskin. Ang tanging gagawin lamang ay dahan-dahan itong linisan ng tubig.
- Gumamit ng sabon. Hindi mo naman kailangang gumamit lagi ng sabon. Ngunit kung nakaugalian mo na ito, tandaan na siguraduhin na hindi makakapasok ang sabon sa loob ng foreskin.
- Hayaan ang iyong anak. Gabayan ang iyong anak sa paglilinis ng kaniyang ari. Para habang lumalaki siya, natututo na siyang linisan ito mag-isa.
- Palitan ng madalas ang kanilang diaper. Sanhi ng rashes ang gamit na diaper o panloob ng mga bata. Kaya naman ugaliin na magpalit ng diaper. Gumamit ng cream para hindi mairita ang kanilang balat.
- Aliwin ang iyong anak. Minsan, kinakailangan nating aliwin ang mga anak natin lalo na kung ayaw nilang magpapalit ng kanilang damit pang ibaba. Maaaring magpatugtog ng musika para magawa ng maayos ang iyong trabaho.
Impeksyon sa ari ng lalaki: Kailan dapat pumunta ng doktor?
Gaya ng nabasa mo sa taas, minsan, ang simpleng pamumula o iritasyon ay sanhi lamang ng dumi na kailangang linisan. Ngunit kung ito ay hindi pa rin nawala ng ilang araw, pagkakataon mo na ito para koumunsulta sa doktor.
Mapula, namamaga at discharge sa ari
Minsan, tinatamaan ng impeksyon ang ulo o foreskin ng ari ng lalaki. Ito ang dahilan ng pamamaga o pagkairita ng kanilang balat kapag umiihi. Balanitis, ito ang karaniwang kondisyon na nagagamot sa simpleng saline wash. Ngunit minsan, bibigyan ka ng antibiotic cream o tablet ng iyong doktor lalo na kung may lagnat na ang iyong anak.
Red rashes
Maaaring makita rin dito ang maliliit na rashes sa paligid o loob ng foreskin. Kinakailangan ng anti-fungal cream para matanggal ito. Ligtas naman ito ngunit mas mabuting magpakunsulta sa doktor para makasigurado.
Phimosis
Sa paglaki ng isang lalaki, unti-unting lumalaki ang butas sa kanilang foreskin. Kaya naman kung mapapansin mong hindi ito nangyayari sa’yo, mas magandang bumisita agad sa doktor. May iba na hinihila ng bahagya ang kanilang foreskin araw-araw para ito ay mag-stretch. Kung hindi ito gumana sa ‘yo, maaaring makatulong ang topical steroids. ‘Wag mangamba parents dahil safe ito.
Bumisita sa doktor para makasigurado.
Ballooning
Maaaring maging ganito ang phimosis. Kaya naman malaki ang maitutulong ng doktor para maipaliwanag sa ‘yo ang mga dapat gawin katulad ng paggamit ng steroid cream treatments.
Stuck foreskin
Minsan, pagkatapos ma-retract ng ari ng lalaki, maaaring matigil ito sa ulo mismo. Paraphimosis ang tawag dito. Maituturing itong medical emergency. Tandaan, masakit ito kaya kinakailangan ng agarang lunas.
Urinary tract infections
Totoong madalas magkaroon nito ang mga babae. Ngunit hindi ibig sabihin ay hindi na mararanasan ito ng mga lalaki. Madalas idaing ng mga matatandang lalaki ang pananakit kapag umiihi sila. Pagdating naman sa mga sanggol, maaaring hindi nila ito maipahayag ng maayos. Kung napansing may ibang amoy ang ihi nila, agad na dalhin sa doktor.
This article was first published in AsiaOne and republished on theAsianparent with permission.
Translated with permission from theAsianparent Singapore
Translated in Filipino by Mach Marciano
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.