Inabandonang sanggol, natagpuan na may mga kagat ng daga

Inaalam ngayon kung sino ang nang-iwan sa inabandonang sanggol, at kung nagkaroon ba ito ng mga impeksyon dahil sa mga kagat ng daga.

Para sa ating mga Pilpino, mahalaga ang mga bata. Likas na tayong malapit sa kanila, at sila ay tunay na kayamanan na dapat pangalagaan. Kaya sadyang nakakalungkot kapag nagkakaroon ng mga balita ng mga batang inaabandona, lalo na ng mga inabandonang sanggol.

At kamakailan lang ay may nangyari uling insidente ng batang inabandona na nangyari sa Caloocan.

Inabandonang sanggol, natagpuan na may mga kagat ng daga

Ayon sa nakahanap sa sanggol na si Nemuel Cailao, nagising raw siya nang makarinig ng isang umiiyak na sanggol. Napansin raw niya na tila galing sa daan ang mga iyak, kaya’t bumangon siya at hinanap ang sanggol.

Aniya, “Yung una may umiiyak na bata, sumilip lang ako doon sa may amin pagkatapos noon nawala. Sumubok uli ako matulog. Maya maya ayan na naman ‘yung iyak. Tinignan ko rito, finlashlightan ko ng cellphone ko, ayun nga.”

Nang makita ang bata, punong-puno raw ito ng dugo, at nakakabit pa ang pusod at placenta sa kaniya. Bukod dito, marami rin raw kagat ng daga ang bata.

Pumunta raw siya kaagad sa barangay para humingi ng tulong. Dali-dali namang rumesponde ang mga tauhan ng barangay, at dinala sa Caloocan City Medical Center ang bata.

Himalang nabuhay ang sanggol

Sa kabutihang palad ay mabuti na ang kalagayan ng sanggol.

Sa kabutihang palad ay maayos na sa ngayon ang kalagayan ng sanggol. Bagama’t marami raw tinamong pinsala, mukhang wala na sa panganib ang buhay nito. Ngunit magsasagawa pa rin ng mga tests ang mga doktor upang malaman kung baka nagkaroon ba ng leptospirosis ang sanggol dahil sa mga kagat ng daga.

Kapag maayos na raw ang bata ay ililipat siya sa facility ng CCSWD o Caloocan City Social Welfare Department upang doon maalagaan.

Pinaghahanap pa rin ng mga pulis ang magulang ng sanggol, na pinangalanan nilang Matthew. Posible raw humarap sa kasong paglabag ng Republic Act 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act ang mga magulang.

 

Source: GMA Network

Basahin: Sanggol natagpuang inabandona at kinakagat ng langgam; kaniyang ina biktima pala ng panggagahasa

Sinulat ni

Jan Alwyn Batara