Iniwan ng nakabuntis? Ito ba ang problema mo o ng iyong kakilala? Huwag ka ng mag-alala! Mayroon kang maaring gawin upang habulin at panagutin ang lalaking salarin.
Babaeng iniwan ng nakabuntis sa kaniya
Isang saleslady na nagngangalang Rachelle Familaran ang lumapit sa programang Wanted sa Radyo ni Raffy Tulfo. Ang problema niya, siya ay iniwan ng nakabuntis sa kaniyang lalaki na hindi lang tinakbuhan ang responsibilidad para sa anak nila. Kung hindi pati narin ang responsibilidad nito sa relong inutang na tumubo ng interes at hindi na niya nabayaran.
Kwento ni Rachelle, nakilala niya ang inirereklamong si Sherlito Dorado sa isang dating site. Hanggang sa naging sila at umabot ng apat na taon ang kanilang relasyon bago siya nito mabuntis. Hindi niya akalain na hindi pala siya ang nag-iisang babae sa buhay nito at tatlo pala sila.
“Nitong March ko lang po nalaman na tatlo po kami, ka-buwanan ko po yun.
“Yung nakasabayan ko po na isa, nakunan po kasi yan dahil sa stress. Yung last po, hindi po alam kung aware na yung babae dahil nahaharang niya lahat ng mga messages ko, 1 month old po yung baby nila ngayon.”
Ito ang pahayag ni Rachelle tungkol sa pinagdadaanan. Dagdag pa niya, noong una ay hindi niya akalaing gagawin sa kaniya ito ng dating nobyo na talaga namang nahulog din ang loob niya.
“Masyadong mabulaklak po yung bibig niya. Saka pinapa-feel po niya na secured ka sa kaniya. Bilang babae po pinapangakuan ka niya ng kasal, ganyan po.”
Tinakbuhan ang obligasyon at utang niya
Ayon kay Rachelle, ito ang naging dahilan para magustuhan niya ang inirereklamong si Sherwin. Ngunit, ang nararamdaman niya para dito ay biglang naglaho ng malaman niya ang katotohanan. Lalo na ang pang-iiwan at pagtakbo nito sa responsibilidad niya sa anak nila. At pati narin sa relong inutang niya gamit ang credit card ni Rachelle na lagpas isang taon ng hindi nababayaran.
“Four months na po siyang hindi nagsusuporta. Tapos yung relo, 10,000 po yung G-shock tapos marami pa po. Tapos umabot na po ng 24,000. Sakin po naiwan lahat ng obligasyon kaya hindi ko na po na settle.”
Ito ang dagdag na reklamo ni Rachelle na nalubog din sa utang at obligasyon dahil sa ginawa ng dating nobyo. Kaya naman siya ay may mensahe at pakiusap dito.
“Yung mga inagrabyado mo, maawa ka naman. Yung sa settlement ng BPI ko nagpa-swipe ng G-shock sa akin tapos hindi na niya nabayaran. Tumubo na yun ng 1 year.”
Ngunit, ano nga ba ang dapat gawin ng isang babae kung siya ay iniwan ng nakabuntis sa kaniya at sila ay hindi kasal? May paraan ba para siya ay panagutin?
Paano panagutin ang lalaking nakabuntis at tumakbo sa responsibilidad niya
Ayon kay Atty. Mia Macam, ang isang babae ay may karapatang maghabol ng suporta para sa kaniyang anak mula sa lalaking nakabuntis sa kaniya kahit sila ay hindi kasal o hindi ginagamit ng bata ang apelyido ng sinasabing ama niya. Ang kailangan lang ay mapatunayan ang kanilang paternity sa korte na sa ngayon ay isinasagawa sa pamamagitan ng DNA testing.
Established paternity
Ito ay magagawa sa pamamagitan ng pag-fifile ng Petition for Establishing Paternity and Filiation ng babaing iniwan ng nakabuntis sa kaniya. Sunod nito ay mag-uutos ang korte na sumailalim sa court-ordered DNA test ang lalaki para mapatunayan ang kanilang paternity. Dito palang mabibigyan established paternity at legal rights ang isang illegitimate child, tulad ng child support, paliwanag ni Atty. Macam.
Legal claim of abandonment
Kung sakali namang tinalikuran at tuluyang inabanduna ng isang lalaki ang reponsibilidad niya sa isang bata at may patunay na ito ay anak niya o may established paternity, maaring magsampa ng legal claim of abandonment ang isang babaeng iniwan ng nakabuntis sa kaniya. Ito ang paraan upang makahingi o magpatuloy ang financial support ng isang bata mula sa kaniyang ama.
Ang legal claim of abandonment din ang mas magbibigay pa ng mas malawak na karapatan sa isang bata tulad ng successional rights mula sa kaniyang ama.
May katagalan ang prosesong ito, kaya naman sa oras na ito ay dinidinig sa korte ay dapat ang ina muna ng bata ang umako ng lahat ng responsibilidad sa anak niya. Lalo na sa mga babaeng hindi kasal sa ama ng anak nila, bilang siya ang siguradong magulang ng bata at mayroong primary obligation dito. Siya rin ang mas may karapatan sa pagdedesisyon pagdating sa ikakabuti ng anak niya. Hindi tulad ng legal na mag-asawa na dapat ay may pantay na karapatan sa anak nila.
Source: Wanted Sa Radyo, The AsianParent Philippines
Photo: Freepik
Basahin: How can moms claim child support in the Philippines?